May pananabik na kaakibat ang paninigarilyo. Sinisindihan ang yosi upang makalanghap ng usok na naiiba sa hanging nilalanghap ng mundo. Sa pagpasok ng usok sa baga, tila napupunta ang kamalayan sa ibang dimensyon. Hihipakin hanggang sa maging abo ang minsang buo sa gitna ng mga daliri.
Sa munting sinehang nagtatago sa maingay na lungsod ng Quezon na Sine Pop, ginanap ang Yearnfest: Pagdiriwang ng pagsinta at kawalan ng pag-ibig ng mga bakla. Itinampok sa film festival na ito ang apat na maiikling pelikulang nilikha ng mga baklang filmmaker. Natuklasan dito ang pagkamit at pagbitaw sa pag-ibig ng mga miyembro ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual (LGBTQIA+) community. Malikhaing inilarawan ng bawat pelikula ang mga temang sumisisid sa iba’t ibang lalim ng lawa ng pananabik.
Puso ng Yearnfest ang “Yearncore” na tumatalakay sa natural na pagnanais ng mga taong bumuo ng koneksyon sa kapwa. Naramdaman sa mga pelikula ang taglay na pagmamahal ng kabaklaan sa kapwa. Dinanas ng komunidad sa liblib na lugar ng Cubao ang pagkasabik na makita, makilala, at mahalin bilang tao.
Sa susunod na estasyon, hintayan, at tao
Humahagibis ang isang lalaki para habulin ang tren pagkarinig ng pagdating nito, ngunit hindi sapat ang kaniyang bilis. Sa pelikulang “Please, remember this night” ni Joshua de Vera, nasubaybayan ang pagmamahalang nabuo mula sa biglaang pagtatagpo nina Tristan at Angelo sa estasyon ng tren sa Katipunan. Ipinamulat ng kanilang kuwentong maaaring hindi inaasahan ang pag-ibig at matamo sa taong hindi mo lubos na kilala. Puno ng nakakikilig na sandali ang oras ng dalawa sa iskrin—mula sa pag-aasaran hanggang sa pagpigil sa minamahal na sindihan ang sigarilyo. Lalo pang nagkalapit sina Tristan at Angelo dahil sa sabay na pakikinig sa musika gamit ang wired earphones—munting akto ng pag-ibig na madalang nang makita ngunit muling nabuhay sa pelikula.
Puno ng liminal spaces—mga espasyong transisyunal—ang pelikula. Ito ang mga lugar na nadadaanan natin sa kalagitnaan ng pagpunta sa ating destinasyon, mga espasyong nasa gitna ng dalawang punto. Maliban sa mga espasyo, maaaring makaranas din ng pagiging liminal ang tao kapag nararamdaman nilang wala pa sila sa tiyak na punto sa buhay gaya nina Tristan at Angelo. Binanggit nila ang hinaharap nilang personal na suliraning nakaaapekto sa kanilang pamumuhay. Subalit, nakahanap sila ng bagong pananaw sa pagharap nito bunsod ng kanilang pagtatagpo. Isang gabi lamang ang pagsasama, ngunit nag-iwan ito ng pangmatagalang marka sa buhay nina Tristan at Angelo.
Tinuloy ng “We Were Never Really Strangers”, sa direksyon ni Patrick Pangan, ang tema ng malalim na samahan ng dalawang estrangherong isinantabi ang hiya para kilalanin ang isa’t isa. Habang puno ng liminal spaces ang naunang pelikula, mga simbahan, karinderya, bar, at sapa naman ang mga tagpuang nakita sa pelikulang ito. Puno ang bawat eksena ng pagkakilig, pagsasaya, at paglalapit ng dalawang karakter. Naipamalas na kahit sa maikling pagsasama, nakapag-iiwan ng marka ang mga aksyon at salita sa buhay ng iba.
Pagnanasa sa matalik na pag-ibig
Maglingkis man ang mga katawan, hindi maaaring maglapit ang mga puso ng dalawang taong kasalanan ang pagkakaroon ng damdamin sa isa’t isa. Sinimulan ni Direk Mar-Ian Ejandra ang “Hold Me Tighter Than Before” sa pagsayaw ng dalawang karakter—dikit sa isa’t-isa, sabay ang galaw na tila iisang katawan at isipan lamang. Mahusay na ipinakita ang pagiging senswal nang hindi nagiging sekswal ang mga eksena. Binigyang-pokus ang pagkapit sa katawan ng isa’t-isa at paghawak ng kanilang mga kamay—ipinakita ang karanasan ng pagiging matalik sa isa’t-isa. Sa pamamagitan ng paggamit ng estilong paghahati ng iskrin, naipakita ang pagkakaiba sa nararamdaman ng dalawa—simbolo ng kanilang hangganan at emosyonal na pagkakalayo.
Maraming nagnanais na magkaroon ng tao o lugar na maitatrato nilang tahanan. Ibinahagi ng “The World We Left” sa direksyon ni Sean Romero ang matalik na pagmamahalang nasira sa pagitan ng magkasintahang pareho ang kasarian. Umikot ang kuwento sa karapatang naipagkait sa mga tulad nina Jericho at Simon na parte ng LGBTQIA+ community—ang pagkakaroon ng conjugal property. Sinalamin ng pelikula ang hindi pantay na karapatan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community sa iba’t ibang aspekto ng buhay. Hindi lamang sila nahihirapan sa pag-ibig, bagkus, hadlang din ang gobyernong sarado ang isip sa pagsulong ng progresibong reporma upang makamtan ang mapayapang pamumuhay.
Paglanghap ng pagsinta, pagbuga ng pananabik
Tatapakan ang dulo ng sigarilyo matapos makonsumo ang hanging dala nito sa baga. Papatayin ang apoy habang naghahandang harapin ang mundo. Hihinga muli sa simoy ng hanging hindi na nanggagaling sa sigarilyong sinindihan. Tatakas sa mundo kahit sa maikling panahon sa paghipak ng yosing nagdadala panandaliang kapayapaan. Maubos man ang isang kaha, nananatili ang pananabik sa puso ng bawat taong nagsindi ng stick.
Isang hakbang ang Yearnfest tungo sa kalayaang inaasam ng mga baklang Pilipino. Mumunting lugar man ang pinagtatanghalan, ngunit umaapaw ang emosyon sa bawat sulok ng Sine Pop. Tila isa itong pagkalampag para sa mas malawak na espasyo para sa mga pelikula tungkol sa LGBTQIA+. Sa lipunang humihiling ng pagbabago, sumisigaw ang komunidad para sa mas malawak na plataporma. Lumalaban, hindi lamang sa larangan ng pelikula, ngunit sa buong mundo.