PINATUMBA ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang Adamson University (AdU) Lady Falcons, 25-16, 25-16, 25-18, sa unang araw ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Volleyball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Pebrero 17.
Pinangunahan ni Season 85 Rookie of the Year at Most Valuable Player (MVP) Angel Canino ang kampanya ng Lady Spikers matapos umukit ng 14 na marka mula sa 11 atake at tatlong block. Tumulong din si opposite hitter Shevana Laput na naglatag ng 11 puntos. Umagapay rin sina taft tower Amie Provido at Thea Gagate matapos mag-ambag ng pinagsamang 16 na puntos. Samantala, nalimitahan sa anim na marka si AdU Team Captain Lucille Almonte.
Dominanteng binuksan ng Lady Spikers ang unang set matapos manaig ang kanilang depensa sa net na nagbugso ng 6-0 run, 13-3. Nagpakawala naman si Kapitana Almonte ng dalawang magkasunod na atake upang pigilan ang pag-arangkada ng Lady Spikers, 13-5. Umalab naman si Provido matapos magpamalas ng quick attack, 17-8. Buhat ng agwat, hindi na nagpaawat pa ang Lady Spikers at tuluyan nang sinelyuhan ni Rookie-MVP Canino ang unang set sa bisa ng isang crosscourt hit, 25-16.
Nagpatuloy ang pananalasa ng Lady Spikers pagdako ng ikalawang set matapos kumpasan ni DLSU Team Captain Julia Coronel sina Provido at Gagate sa gitna, 9-6. Inulan pa ng magkakasunod na error ang San Marcelino-based squad upang palobohin ang kalamangan ng DLSU, 16-12. Gayundin, pinaigting pa ng mga nakaberde ang kanilang depensa sa net sa bisa ng magkakasunod na kill block nina Provido at Laput upang ibulsa ang naturang set, 25-16.
Sa pagpasok ng ikatlong set, dikit ang naging salpukan matapos magpalitan ng mga maaanghang na atake ang dalawang koponan, 8-all. Gayunpaman, hindi nagpaawat si open hitter Canino matapos magpakawala ng apat na magkakasunod na atake upang paabantehin ang Berde at Puting pangkat, 17-10. Sinubukan mang tapyasin ni Lady Falcon Jen Villegas ang kalamangan ng Lady Spikers matapos kumamada ng dalawang magkasunod na puntos ngunit, hindi ito naging sapat. Hindi na nagpaapula ang naglalagablab na puwersa ng DLSU at tuluyang tinapos ang sagupaan, 25-18.
Bunsod ng panalong ito, naitala ng Taft mainstays ang 1-0 kartada. Samantala, muling kakayod ang koponan kontra Far Eastern University Lady Tamaraws sa darating na Miyerkules, Pebrero 21, sa ganap na ika-2 ng hapon sa SMART Araneta Coliseum.