PAMAMAHALAAN na ng Office of Counseling and Career Services (OCCS) ang mga operasyon ng Mental Health Task Force (MHTF) alinsunod sa naipasang panukala sa ikatlong regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Enero 31. Inihalal din si Tomas Franco Tagra bilang bagong Deputy Ombudsman ng University Student Government Judiciary (USG-JD).
Matatandaang iniatas ng LA sa USG Office of the President (OPRES) ang pangangasiwa at pagbuo ng MHTF mula sa mga estudyante upang itaguyod ang mga adbokasiyang nakasentro sa mental na kalusugan.
Bagong tahanan ng MHTF
Itinaguyod ni FAST2021 Elynore Orajay sa kaniyang inakdang resolusyon ang inisyatiba ng OCCS na ilipat ang hurisdiksyon ng MHTF sa kanilang opisina. Isiniwalat ni Orajay na dati nang pinopondohan ng opisina ang naturang organisasyon at pinangangasiwaan ang pagsasanay ng mga miyembro nito. Tumigil naman ang mga operasyon ng MHTF matapos mawalan ng suporta mula sa OPRES noong pandemya.
Samakatuwid, naabot na ng USG ang kanilang kapasisad bilang mga estudyanteng lider at panahon na anila upang ipasa ang tungkulin sa mga propesyonal. Pagpapaunawa ni Orajay, “Given the sensitive nature of the advocacy, it is deemed appropriate that the students in the organization be directed, guided, and led by the OCCS, the office most knowledgeable and specializing in matters of mental health.”
Nakasaad sa resolusyon ang mandato ng OPRES na pangunahan ang isasagawang paglipat ng MHTF, kabilang na ang pagpapasa ng mga dokumento at online na plataporma nito sa OCCS. Samantala, iminungkahi naman ng OCCS sa isinagawang konsultasyon ng LA nitong Nobyembre 15 ang paggamit ng Memorandum of Agreement upang pagtibayin ang naturang proseso.
Iminamandato rin sa resolusyon ang pagsangguni ng USG sa OCCS at MHTF hinggil sa lahat ng kanilang ipatutupad na inisyatiba ukol sa mental na kalusugan. Mananatili naman sa hurisdiksyon ng Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE) at Department of Activity Approval and Monitoring ang pag-apruba ng kanilang mga ilulunsad na proyekto.
Ibinahagi ni CATCH2T26 Sai Kabiling na idinagdag nila ang nasabing probisyon matapos mabigyang-linaw ang gampanin ng SLIFE sa mga konsultasyon kasama ang mga dating opisyal ng USG. Bukod pa rito, inaatasan din ang USG na ipakalat ang mga publicity material ng MHTF hanggang sa unang termino ng A.Y. 2024–2025 bilang bahagi ng pag-agapay sa transisyon ng kanilang dating sangay.
Kinilatis naman ni BLAZE2023 Rafaella Li ang manpower ng OCCS, subalit tiniyak ni Kabiling na sapat ang mga kawani ng opisina upang itaguyod ang MHTF. Dagdag ni Kabiling, “It’s up to the discretion of the OCCS when they want to ask for more applications. It’s already within their jurisdiction, and it will also be their responsibility to ensure na they have the appropriate manpower.”
Inaprubahan ang panukalang batas sa botong 17 for, 0 against, at 0 abstain.
Pagtindig para sa hustisya
Tinalakay ni Chief Legislator Bhianca Cruz ang pagtatalaga kay Tagra bilang Deputy Ombudsman. Nanilbihang counsel officer (CO) ng USG-JD si Tagra mula Oktubre 2023 at pinangasiwaan ang mga isinampang kaso sa nagdaang Special Elections.
Binusisi naman ni CATCH2T25 Earl Guevara ang mga plano ni Tagra sakaling mailuklok sa naturang posisyon. Isinalaysay ni Tagra na kaniyang unang kikilalanin ang mga kasapi ng Office of the Ombudsman at makikipagtulungan kay Ombudsman Leandro Villamor ukol sa kaniyang mga plano para sa opisina. Palalakasin din aniya ang kaniyang ugnayan sa mga mahistrado at CO.
Ibinida rin ni Tagra na hustisya ang nag-udyok sa kaniyang tanggapin ang nominasyon ng USG-JD para sa katungkulan. Paninindigan niya, “I take my new position as an Ombudsman with utmost respect and authority. . . I know the burden, as well as the responsibility that I have to carry no matter where I am because I represent the USG. . . And I do not intend on abusing such authority.”
Iniluklok si Tagra bilang Deputy Ombudsman sa botong 17-0-0.
Samantala, pinaalalahanan ni Cruz ang mga lehislador na kaniyang iaanunsyo ang kanilang mga kabibilangang komite sa Pebrero 6. Inaasahan din niyang matatanggap ang resulta ng mga committee election sa Pebrero 14. Idaraos naman ang first reading para sa mga ihahaing resolusyon sa LA sa Pebrero 28.