“Tama na, itigil na!”
MARIING INALMAHAN ng De La Salle University – University Student Government (DLSU USG) ang pagtaas ng matrikula sa Pamantasang De La Salle sa kanilang isinagawang kumperensiya sa Henry Sy Sr. Hall Grounds, Enero 11.
Ibinida rin ng USG ang Multi-Sectoral Consultative Committee on Tuition Fees (MSCCTF) na naglalayong pangasiwaan ang mga usapin at suliranin hinggil sa pagtaas ng matrikula sa Pamantasan. Siniguro rin nila ang mas pinalawak na pangangalap ng sarbey sa pamayanang Lasalyano upang higit na maunawaan ang mga karanasan ng mga estudyante at mapagtibay ang laban kontra Tuition Fee Increase (TFI).
Nagkakaisang panawagan
Pinangunahan ng USG ang naturang kampanya katuwang ang mga estudyanteng mainit na nanindigan laban sa pagtaas ng matrikula sa Pamantasan. Isiniwalat ni USG President Raphael Hari-Ong ang hindi makatuwirang TFI na naging pabigat sa mga estudyante sa mga nakalipas na taon at ipinangakong tutuldukan ito sa kaniyang administrasyon.
Matatandaang ipinatupad ng Pamantasan ang 3% TFI noong akademikong taon 2022-2023 at 4% noong 2023-2024. Pagtutol ni Hari-Ong, “Hindi na ito tama at nararapat nang ipatupad ang 0% tuition fee increase.”
Iginiit ni Hari-Ong na walang nararapat na rason ang Pamantasan sa pagtaas ng matrikula. Ipinunto niya ang palatuntunan ng
Memorandum No. 3 Series of 2012 ng Commission on Higher Education na nagsasaad na maaari lamang magtaas ng matrikula ang mga pribadong unibersidad sakaling may naitalang implasyon sa bansa. Ngunit batay sa datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas, inaahasang bababa sa 3.7% ang implasyon ng bansa ngayong taon at 3.2% naman sa 2025.
Batay naman sa resulta ng isinagawang sarbey ng USG sa mahigit isang libong estudyante, napag-alaman nilang lagpas sa 50% ang madalas nahuhuli sa pagbabayad ng matrikula at 75% naman ang nagbabalak lumipat ng unibersidad dahil sa taas ng matrikula.
Halos nasa 80% din ang nagpahayag na labis silang naapektuhan ng implasyon at pagtaas ng presyo ng bilihin sa bansa na nagiging sanhi ng pagkakaroon ng problemang pinansyal. Gayundin, 40% ang nagbahaging maaaring hindi na makapag-enroll sa susunod na taon sakaling matuloy ang minamatang TFI.
“Tayo ay gumawa ng mga formula at random sampling technique na naiiba from the last administration upang mapalakas ang ating survey respondents at maipresenta natin ito sa admin nang hindi tayo mapapahiya,” ani Hari-Ong.
Bukod sa naturang sarbey, magsasagawa rin ang USG ng mga focus group discussion na kabibilangan ng mga estudyante at mga magulang mula sa DLSU Parents of University Students Organization (PUSO). Sisikapin din anilang anyayahan ang Employees Association upang palakasin ang MSCCTF campaign.
Ipinagbigay-alam din ng USG na magkakaroon ng Unity Walk sa Enero 24 upang magsilbing manipestasyon ng nagkakaisang mga Lasalyano kontra sa pagtaas ng matrikula.
Ipinahayag ni Hari-Ong na isa ang TFI sa mga pangunahing priyoridad ng kaniyang administrasyon bago pa man sila maupo sa puwesto. Panawagan niya, “Ang laban na ito ay hindi ko lamang laban; laban ito ng 24,000 na DLSU students. I want to reassure na gagawin namin ang lahat; hindi tayo susuong na hindi prepared.”
Nilinaw rin niyang wala silang intensyong makipag-alitan sa administrasyon ng Pamantasan. Hangad lamang nila aniyang alamin at intindihin ang dahilan ng unibersidad sa likod ng pagpapanukala ng TFI upang matugunan nang maayos ang pangangailangan ng mga estudyante sa Pamantasan.
Pangakong walang maiiwan
Tinalakay ni Mikee Gadiana, DLSU USG Chief Presidential Communications Officer, ang isasagawang MSCCTF campaign ng kanilang opisina upang paigtingin ang nasimulan nilang hakbang kontra TFI. Layunin aniya ng kampanyang magsimula ng malawakang talakayan hinggil sa hindi makatarungang pag-angat ng matrikula sa Pamantasan at makipag-ugnayan sa University Consultative Committee na binubuo ng mga estudyante, administrasyon, propesor, empleyado, at magulang.Pangangatwiran ni Gadiana, “Ito ay upang tiyakin na patuloy nating maipaglaban ang Lasalyanong edukasyong abot-kamay at abot-kayang sa lahat anuman ang estado natin sa buhay.”Ipinangako naman ni Xymoun Rivera, DLSU USG Chief Presidential Advisor, sa pamayanang Lasalyano na walang maiiwan sa kanilang ikinasang laban. Ginagawa aniya ng USG ang lahat upang maiparating ang mithiing 0% tuition increase sa administrasyon. Paninindigan ni Rivera, “Bilang head ng team para sa proposal ng USG sa MSCCTF, ginagawa namin ang lahat. Pangako namin sa inyo hanggang dulo, patuloy naming ipaglalaban ang tuition freeze, upang maipatupad ang ating layunin na no student left behind.”
Testamento ng Lasalyanong nangangarap
Ibinahagi ni Winter Fermin, 2nd year mula sa Gokongwei College of Engineering, ang kaniyang kuwento sa pagtataguyod ng kaniyang matrikula sa Pamantasan.
Ipinahiwatig niya rin ang kaniyang pagtutol sa TFI bilang isang St. La Salle Financial Grant iskolar at DOST iskolar.
Isinalaysay ni Fermin na inspirasyon niya ang pangarap ng kaniyang pamilyang makapagtapos siya sa Pamantasan upang magsumikap na makakuha ng scholarship. Gayunpaman, ibinahagi niyang naging pasakit sa kaniya ang TFI dahil 50% lamang ang natatanggap niyang bawas mula sa scholarship. Humantong pa sa puntong naisipan na lamang ng kaniyang pamilyang huminto muna siya sa pag-aaral o lumipat sa ibang pampublikong paaralan.
Paglalahad ni Winter, “Ang pagtaas ng tuition ay siyang kikitil sa pangarap namin. Ito ang magiging dahilan kung bawat term nalang ay proproblemahin namin kung paano kami makakabayad.”
Nakiisa rin si PUSO Vice President for Internals Ricelle Araniego sa sigaw kontra pagtaas ng matrikula. Hangad aniyang magkaroon ng maayos na kinabukasan at oportunidad ang kaniyang mga anak. Pagdidiin niya, hindi niya hahayaang magsilbing bilangguan ang matrikulang nararapat maging tahanan ng kanilang mga pangarap.
Inihayag din ni Araniego na hindi lamang para sa kaniyang anak ang kaniyang pagtutol, bagkus maging sa iba pang mga estudyante sa loob at labas ng Pamantasan.
Mensahe niya, “Binibigyan natin ng halaga ang ating mga anak, binibigyan sila ng mga oportunidad na hindi natin naranasan, ngunit tayo ay haharap sa isang napakahirap na hamon—ang lumalaking gastos sa edukasyon.”
Ayon naman kay Ms. Blue Fajardo, presidente ng DLSU PUSO at tumatayong chairman ng MSCCTF, hangad din niya at ng buong PUSO na dinggin ang hinaing ng mga magulang laban sa TFI at makiisa sa pagpapatupad ng zero tuition fee increase.
“Ang mga magulang po ay laging dapat laging nauuna na dapat huwag taasan ang tuition fee . . . kaya ang PUSO ay talagang kasama ninyong lahat bilang mga magulang,” panawagan ni Fajardo.