PINANGALANAN sa unang regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA) sina Bhianca Cruz, EXCEL2025, bilang chief legislator; Earl Guevara, CATCH2T25, bilang minority floor leader; at Elynore Orajay, FAST2021, bilang majority floor leader, Enero 10.
Nanomina sa posisyon ng chief legislator sina Cruz at Sai Kabiling, CATCH2T26, na parehong nanilbihan bilang dating College Legislative Board (CLB) chairperson ng kanilang mga kolehiyo at kasalukuyang naglilingkod bilang batch legislator sa ikalawang sunod na taon.
Pagbabago sa sistema
Pinangunahan ni Cruz ang pagtalakay sa kaniyang planong “Optimized Legislative Assembly” sa paglalatag ng three-part reading process para sa paghahain ng mga resolusyon. Iminamandato ritong magpasa ang may-akda ng buod ng kaniyang panukalang batas sa LA para sa unang yugto ng naturang proseso.
Layunin ng first reading na pagkalooban ng sapat na oras ang mga isponsor na komiteng mas maunawaan ang panukalang ilalapit sa kanila. Binibigyang-pagkakataon din nito ang mga komiteng makiisa sa proseso ng konsultasyon, pagdinig, at sarbey para sa mga ito.
Patataasin din ang lebel ng ugnayan ng LA sa mga estudyante gamit ang mga awareness campaign ukol sa mga inihaing polisiya na ilalabas ng mga CLB. Pagpapalalim ni Cruz, “Ito ang pinakamatagal nang problema na hirap na hirap lutasin ang LA. ‘Di alam ng student body kung ano ang ginagawa natin.”
Susuriin naman ng lupon sa ikalawang yugto ang kumpletong resolusyon at aagapay sa may-akda upang maitaas ito sa LA floor. Aabot lamang sa ikatlong yugto ang proseso sa sitwasyong hindi agarang maaprubahan ang resolusyon.
Inaatasan din ang Legislative Assembly Inner Circle at mga CLB na magpasa ng progress report sa Office of the Chief Legislator (OCL) tuwing linggo, alinsunod sa panibagong sistema. Nararapat namang magpatawag ng townhall meeting o maglathala ng newsletter ang LA upang ipaalam sa pamayanang Lasalyano ang estado ng mga inihaing resolusyon sa dulo ng bawat termino.
Kinuwestiyon ni Mikee Gadiana, EXCEL2024, ang pagiging mabisa ng pinahabang sistema gayong nangyayari na ang mga konsultasyon para sa mga panukalang batas bago pa ihain ang mga ito sa LA. Dinepensahan ni Cruz na walang patakaran sa kasalukuyan ang tumitiyak na may sapat na panahon ang kapulungang kilatisin ang mga resolusyon. Aniya, may mga sitwasyong isang araw lamang bago ang sesyon nila natatanggap ang kopya ng mga ito.
Pagwakas ni Gadiana, “If you do become [the] OCL, you’ll rethink this process entirely, because given the short time that you would have, it might be very concerning—if not precarious—to proceed with this change.”
Maglalaan din si Cruz ng kalendaryo ng mga internal deadline ng LA, Google sheet ng mga natapos at nakabinbing gawain, at isang channel ng mga inihain at inisponsor na resolusyon. Dagdag pa rito, maglulunsad din ang LA ng mga karagdagang workshop at training program para sa mga lehislador at mga focus group discussion kasama ang ehekutibo at hudisyal na sangay ng University Student Government (USG).
Iprinisinta rin ni Cruz ang mga proyektong Empower Youth: Legislator for a Day, isang policy-writing camp para sa mga estudyanteng Lasalyano, at Convention for the Youth Leaders, isang pagtitipon ng mga pinuno ng iba’t ibang student government at organisasyong pangkabataan sa bansa.
Paghamon naman ni Francis Loja, EXCEL2023 at dating chief legislator, “Ano ang kaya mong maipakita sa aming lahat na nagawa mo as a batch legislator?” Ibinida ni Cruz na binigyang-tuon niya ang School of Economics sa kaniyang unang taon bilang CLB chairperson.
Gayunpaman, inamin niyang nabigo siyang maging produktibo noong simula ng kaniyang termino bilang lehislador dulot ng kakulangan ng kaalaman ukol sa sistema ng LA. Paglalahad niya, tinutugunan ng kaniyang mga plataporma para sa OCL ang mga pagsubok na kinahaharap ng mga bagong lehislador.
Kapangyarihan ng mga mambabatas
Binabalak namang palakasin ni Kabiling ang ugnayan ng lehislatura sa mga estudyante gamit ang proyektong LAhat Tayo. Iminamandato ritong magdaos ang LA ng pampublikong pagdinig hinggil sa mga polisiyang pang-unibersidad na dadaluhan ng mga estudyante at miyembro ng administrasyon ng Pamantasan bawat termino.
Magsasagawa rin ng pagpupulong ang LA at ehekutibong sangay ng USG upang tiyakin ang mga gampanin ng bawat opisina. Wika ni Kabiling, “Hindi na pwede ‘yung nag-aagawan tayo sa initiative. Dapat one USG tayo.”
Magbubukas din si Kabiling ng sangguniang magtatala ng mga opisinang maaaring konsultahin ng mga lehislador sa paglikha ng mga resolusyon. Dagdag pa rito, maglulunsad siya ng isang plataporma para sa konsultasyon sa pagitan ng mga kasalukuyan at dating lehislador.
Palalawigin naman ang responsibilidad ng mga lehislador upang tumulong sa pagpapatupad ng kanilang mga naipasang batas. Inusisa ni Loja ang basehan ng patakarang ito gayong mandato na ng Office of the President policy team ang pamamahala sa implementasyon ng mga polisiya sa loob ng USG.
Subalit, ipinaalala ni Kabiling na ang mga lehislador pa rin ang pinakamaalam sa kanilang mga inakdang batas. Ipatutupad din niya ang docket system para sa patas na pagpili ng mga lehislador na mangangasiwa sa mga nakaambang resolusyon ng LA.
Ibinato naman ni Cece Garcia, LCSG, sa mga tumatakbong chief legislator ang isyu ng pagpapatibay ng relasyon sa pagitan ng mga kampus ng Manila at Laguna. Ikinintal ni Cruz na nararapat magkaroon ng inisyatiba ang parehong panig upang makipag-ugnayan sa isa’t isa.
Sa kabilang banda, hinimok ni Kabiling ang personal na pakikipag-ugnayan ng mga lehislador ng Manila sa Laguna Campus Student Government. Inudyok din niya ang pag-amyenda sa USG Constitution upang magdagdag ng probisyong magpapaigting sa ugnayan ng dalawang kampus.
Tinimbang ni Loja ang mga pasaning isinaalang-alang nina Cruz at Kabiling sa kanilang mga plataporma at ang mga naisakatuparan ni Zak Armogenia, dating FAST2021. Ipinunto ni Loja sa kanilang naging diyalogong nalampasan ni Armogenia ang mga kaparehong hamon bilang kapwa-bagong lehislador ng dalawang nominado noong nakaraang akademikong taon.
“On the other side, we see Ms. Cruz focusing on the systemic lapses. And on the other hand, we could also see that Mr. Kabiling would focus on how personal lapses would be a factor. This is not how we do things in the Legislative Assembly,” salaysay ni Loja. Binigyang-diin din niyang hindi lamang bunga ng aspetong personal at sistematiko ang mga suliranin ng lehislatura.
Itinanghal si Cruz bilang bagong chief legislator matapos makatanggap ng 13 boto. Nakalikom naman si Kabiling ng sampung boto.
Pagsasaayos sa lupon
Nahati ang LA sa dalawang kapulungan ayon sa kanilang boto sa paghalal ng chief legislator. Binuo ang minority floor ng mga bumoto kay Kabiling, at ang majority floor ng mga bumoto kay Cruz. Kabilang sa minority floor sina Khurt Go, FAST2020; Rafaella Li, BLAZE2023; Reneese Aquino, BLAZE2025; Jami Añonuevo, BLAZE2026; Alijaeh Go, 76th ENG; Kimmy Alejo, CATCH2T27; Loja, Gadiana, Garcia, at Guevara.
Binubuo naman nina Irish Garcia, FAST2022; Huey Marido, FAST2023; Jethro Ang, BLAZE2024; Ian Cayabyab, 77th ENG; Heaven Dayao, 78th ENG; Krisha Corbo, FOCUS2021; Vien Dy, FOCUS2022; Sam Panganiban, FOCUS2023; Jheraldo Salmasan, EDGE2020; Chloe Almazan, EDGE2021; Una Cruz, EDGE2023; Juliana Patajo, EXCEL2026; at Orajay, ang majority floor.
Binigyang-priyoridad ni Guevara, nominadong minority floor leader, ang pagbibigay ng plataporma sa mga estudyanteng ipahayag ang kanilang mga hinaing. Isinulong din niya ang paggamit sa Corazon Aquino Democratic Space bilang bukas na espasyo para sa malayang pagpapahayag ng mga estudyante.
Bukod pa rito, tiniyak ni Guevara na makapag-aakda ng resolusyon at makapag-uulat bawat linggo ang lahat ng miyembro ng minority floor sakaling siya ang magwaging pinuno nito. Iniluklok bilang minority floor leader si Guevara sa botong 9 for, 0 against, at 0 abstain.
Ibinahagi naman ni Orajay, nominadong majority floor leader, na magiging unang priyoridad ng majority floor ang pagsasaayos sa agenda ng LA para sa kasalukuyang akademikong taon. Palalakasin din niya ang pagtugon ng kapulungan sa national affairs. Naihalal bilang majority floor leader si Orajay sa botong 12-0-0.
Komento ni Kabiling, “One of the things that I really liked during my time last year was there was barely any partisanship within the Legislative Assembly. Any majority or minority floor member would be able to talk to [and motivate] each other. So I hope this year, it’s the same.”
Nagdaos ng espesyal na sesyon para sa pag-apruba ng alokasyon ng pondo mula sa Office of the Executive Treasurer at paghirang ng mga bagong komisyoner ng USG nitong Enero 12. Tatalakayin naman ang pagtatalaga at pagbibitiw ng mga opisyal ng mga kolehiyo sa ikalawang regular na sesyon sa susunod na linggo. Samantala, idaraos sa Enero 17 ang unang workshop para sa LA Legislator’s Exam na isasagawa simula Enero 25 hanggang 31.