PINAALINGAWNGAW ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang abenida ng Taft matapos pabagsakin ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 73-69, sa pagwawakas ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Disyembre 6.
Pinangunahan ni Season at Finals Most Valuable Player (MVP) Kevin Quiambao ang tagumpay ng Taft-based squad matapos magtala ng 24 na puntos, siyam na rebound, apat na assist, at dalawang block. Umalalay rin si court general Evan Nelle na nag-ambag ng 12 puntos, pitong assist, anim na rebound, dalawang steal, at isang block. Sa kabilang banda, bumida naman para sa Fighting Maroons si Mythical Five member Malick Diouf matapos kumamada ng double-double output na 21 puntos at 14 na rebound.
Maalab na binuksan ni DLSU shooting guard Francis Escandor ang talaan nang tumikada ng puntos sa loob ng arko, 2-0. Sa ikaanim na minuto ng kwarter, naglipana ang fouls sa magkabilang koponan nang mapatawan si Joaqui Manuel ng flagrant foul at si Mark Nonoy ng technical foul, 3-4. Sa kabila nito, nagpaulan ng magkakasunod na tres sina MVP Quiambao at Joshua David, 11-8. Buhat ng momentum, nanaig ang Green Archers sa pagtatapos ng unang sampung minuto ng salpukan, 22-21.
Matapang na sinimulan ng Fighting Maroons ang ikalawang yugto ng bakbakan matapos ang matinik na full-court layup ni Harold Alarcon, 26-31. Gayunpaman, dinagundong ni big man Mike Phillips at Nonoy ang kort sa bisa ng nagbabagang power dunk at fastbreak layup, 32-37. Sa kabila nito, tuluyang nagningas ang alab ng Diliman-based squad matapos ang tig-isang free throw ni Diouf at Francis Lopez sa pagwawakas ng naturang yugto, 39-43.
Gitgitang sagupaan ang naging eksena sa ikatlong kwarter nang magpalitan ng tirada sina JD Cagulangan at Escandor, 41-45. Muling napasakamay ng Taft mainstays ang bentahe matapos makalikom ng 9-0 run sa bisa ng tres ni power forward Jonnel Policarpio, 51-47. Nakaporma rin si Nelle sa paint gamit ang isang floater, 55-54. Gayunpaman, natinag ang kalalakihan ng Taft ng bank shot ni Alarcon sa pagtatapos ng naturang kwarter, 55-58.
Sa pagpatak ng huling yugto ng bakbakan, nabisto ang kalbaryo ng Taft-based squad nang hirap na makaposte ng mga marka dahilan upang umangat ang bentahe ng Diliman-based squad sa lima, 58-63. Nagtuloy-tuloy ang pagdomina ng kabilang koponan nang humagupit ang opensa ni Diouf sa loob ng kort, 63-67. Gayunpaman, kumaripas ang tambalang Nelle at Quiambao sa loob ng paint upang ibalik ang kalamangan sa luntiang pangkat, 70-67. Tuluyang dinagundong ni Quiambao ang free-throw line sa nalalabing 1.4 segundo upang selyuhan ang kampeonato, 73-69.
Bunsod ng makasaysayang panalo, nailimbag ng Green Archers ang kanilang mithiing makapag-uwi ng korona sa Taft. Gayundin, ito ang ikasampung kampeonato ng Berde at Puting koponan matapos ang mga taong 1989, 1990, 1998, 1999, 2000, 2001, 2007, 2013, at 2016.
DLSU 73 – Quiambao 24, Nelle 12, Policarpio 8, Nonoy 8, M. Phillips 5, Macalalag 5, Escandor 4, David 3, Austria 3, Cortez 1, Manuel 0, Nwankwo 0, B. Phillips 0, Abadam 0.
UP 69 – Diouf 21, Lopez 12, Alarcon 10, Cagulangan 8, Felicilda 5, Cansino 5, Torculas 4, Abadiano 2, Torres 2, Fortea 0, Pablo 0.
Quarter Scores: 22-21, 39-43, 55-58, 73-69.