MALIGAYANG SINALUBONG ng pamayanang Lasalyano ang diwa ng Pasko sa Animo Christmas! 2023 na may temang “Pagmamahalan, Handog sa Kapaskuhan,” na ginanap sa Henry Sy Sr. Hall Grounds mula ika-4 ng hapon hanggang ika-6 ng gabi, Disyembre 1. Parte ng programa ang pagdaraos ng Banal na Eukaristiya, pagpapailaw ng Christmas tree, pagsasagawa ng mga pagtatanghal at patimpalak, at light and sound show sa patsada ng St. La Salle Hall.
Kumikislap na ilaw sa paligid
NAGNINGNING ang De La Salle University (DLSU) Christmas tree at mga parol sa ganap na ika-5:54 ng hapon kasabay ang pagtatanghal ng mga awitin ng DLSU Chorale, Lasallian Youth Orchestra, at De La Salle Innersoul. Tampok dito ang mga awiting “Ang Pasko ay Sumapit,” “Sa May Bahay Ang Aming Bati,” “Pasko na Naman,” “All I Want for Christmas is You,” at “Star ng Pasko.”
Kumislap din ang mga salitang “Be the Gift” sa patsada ng St. La Salle Hall. Kasabay ito ng pagbibigay-liwanag ng light and sound show na tanghal ang kulay berde at pula bilang simbolo ng Pasko.
Inilahad ni DLSU President Br. Bernard Oca, FSC sa kaniyang pangunahing mensahe na kamangha-manghang bagay ang kapanganakan ni Hesus. “As a community, we wish to celebrate the Animo Christmas with full consciousness that Jesus is alive in us. . . Magdiwang, magmahalan, [at] ihandog ang inyong sarili sa kapaskuhang ito,” masayang paalala ni Oca.
Bukod pa rito, inanyayahan ni Br. Oca ang pamayanang Lasalyanong makibahagi sa Christmas bazaar na isasagawa hanggang Disyembre 7, gayundin ang simbang gabi sa Disyembre 16 at Misa de Gallo sa Disyembre 24.
Nagtagisan naman ng talento ang Ley La Salle, DLSU-Parents of University Students Organization (DLSU-PUSO), at External Service Providers (ESP). Nagsilbing hurado sa naturang pagtatanghal ang ilang miyembro ng administration kabilang sina Vice President for Lasallian Mission Fritzie Ian De Vera, Br. Oca, Vice President for Administration Kai Shan Fernandez, at Provost Dr. Robert Roleda.
Hinarana ng Ley La Salle ang mga Lasalyano sa pag-awit ng mga kantang “Silent Night” ni Frank Sinatra, “Tuloy na Tuloy pa rin ang Pasko” ng Apo Hiking Society, at “Bibingka” ng Ben&Ben. Interpretatibong sayaw naman ang ipinamalas ng DLSU-PUSO kasabay ng remix ng mga kantang “Jingle Bells” at “All I Want for Christmas is You.”
Magkahalong awit, sayaw, at pag-arte naman ang ipinakitang-gilas ng ESP sa kanilang pagtatanghal. Naghatid din sila ng mensahe tungkol sa gender inclusivity gamit ang mga awiting “Daleng Dale” ni MMJ at “Last Christmas” ni Ariana Grande. Nagwagi ang ESP bilang kampeon sa patimpalak na sinundan naman ng DLSU-PUSO at Ley La Salle.
Pagmamahalan sa panahon ng Kapaskuhan
Ayon kay Eullie Monzon, ID 121 ng kursong BS Biology Major in Medical Biology, sumali siya sa pagbubukas ng Animo Christmas upang makibahagi sa masayang pagdiriwang kasama ang mga kapwa Lasalyano. Iginiit niyang nabigyan sila ng pagkakataong magsama-sama at magkaisa para sa pagdiriwang ng kaligayahan sa Pamantasan.
Nakilahok naman si Charles Hinolan, ID 121 ng kursong BS Computer Science Major in Software Technology, upang maisapuso niya ang kahalagahan at diwa ng Pasko. “Animo Christmas is an important event because it reminds us of the value of Christmas and how we are able to celebrate it while incorporating our virtues as Lasallians,” paglalahad niya.
Isinalaysay ni Sol Cortez, ID 122 ng kursong AB Psychology, na gantimpala ang Pasko para sa naranasan niyang paghihirap dahil sinalubong nito ang pagtatapos ng termino. Ayon pa sa kaniya, sinisimbolo ng Pasko ang mga biyayang inasam ngayong taon at mga aasahan sa bagong taon.
Nagsilbing pagtitipon-tipon ng magkakaibigan ang pagdalo nina Averymae Fernandez, ID 121 ng kursong BS Accountancy, at Cortez. Ibinahagi rin ni Fernandez ang kabuluhan ng Animo Christmas sa buhay ng mga Lasalyano. Aniya, “I believe Animo Christmas is an opportunity for us Lasallians to join and celebrate together as one community. With its initiative to provide a platform for small businesses to promote and operate on campus, it also instills a sense of zeal for service.”