KINALADKAD SA LUSAK ang De La Salle University (DLSU) Green Archers ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 67-97, sa kanilang unang pagtutuos sa best-of-three finals series ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Nobyembre 29.
Ibinandera ni forward Mike Phillips ang muling pagbabalik ng Green Archers sa finals matapos umukit ng 19 na puntos, siyam na boards, at isang block. Samantala, nagpakitang-gilas para sa Fighting Maroons si Harold Alarcon na nagtala ng game high na 21 marka. Umagapay rin sa UP si UAAP Season 86 Rookie of the Year Francis Lopez tangan ang double-double output na 15 puntos at 11 rebound.
Dikit na talaan ang ibinungad sa unang kwarter nang masaganang magpalitan ng puntos ang magkabilang koponan, 11-10. Pumundar naman ng mga marka ang Diliman-based squad mula sa lumulobong numero ng turnovers at tirada mula sa labas ng arko dahilan upang patuloy na umangat sa talaan, 18-22. Sa kabila nito, humirit ng 4-0 run ang Berde at Puting koponan sa kumpas nina CJ Austria at Mark Nonoy, 24-23. Gayunpaman, hindi na naapula ang ningas ng Fighting Maroons matapos kumamada ng 6-0 run upang wakasan ang naturang yugto, 24-28.
Mabagal ang naging usad ng Taft mainstays matapos matalisod sa lubak sa panimula ng ikalawang yugto. Bumuwelo si M. Phillips ng magkasunod na inside shot, ngunit kaagad itong sinagot ng dunk at wing three ni Fighting Maroon Aldous Torculas, 28-37. Naidikit naman ng Green Archers ang talaan matapos umarangkada ng 9-3 run, 39-42. Sa kabila nito, nag-init ang kalalakihan ng Diliman sa huling dalawang minuto ng kwarter na pinaapoy ng buzzer-beater sa kanto ni point guard JD Cagulangan, 41-53.
Sa pagpatak ng ikatlong yugto, bumida sa fastbreak at rainbow country si Lopez at tuluyang iniangat ang kalamangan ng UP sa 19 na puntos, 45-64. Sinubukan pang kaltasan nina UAAP Season 86 Most Valuable Player Kevin Quiambao at Evan Nelle ang kalamangan mula sa loob ng arko, 49-64. Sa kabila ng tangkang paghahabol ng DLSU, dinagundong ni Alarcon ang kort nang sunod-sunod na tumikada ng puntos mula sa free-throw line, 55-77.
Matagumpay na nilugmok ng Diliman-based squad ang luntiang pangkat sa bisa ng paglipad ni Torculas para sa isang put-back dunk sa pagbubukas ng huling yugto. Sinagot naman ito ng limang magkakasunod na puntos ni M. Phillips, kabilang ang makapigil-hiningang dakdak, 61-81. Gayunpaman, hindi na nakahabol pa ang DLSU bunsod ng iniukit na 12-2 run ng Fighting Maroons, 67-97.
Buhat ng pagyukod, bigong mapasakamay ng Green Archers ang unang bentahe sa serye. Samantala, abangan ang ikalawang engkwentro ng kalalakihan ng Taft kontra sa matatapang na Fighting Maroons sa darating na Linggo, Disyembre 3, sa ganap na ika-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Mga Iskor:
DLSU 67- M. Phillips 19, Quaimbao 11, Nelle 8, Austria 6, Nonoy 5, Cortez 4, Gollena 4, Escandor 3, David 2, Policarpio 2, Abadam 2, Manuel 1.
UP 97 – Alarcon 21, Lopez 15, Cagulangan 11, Abadiano 10, Torculas 9, Diouf 9, Cansino 5, Belmonte 5, Fortea 5, Felicilda 4, Pablo 3.
Quarter scores: 24-28, 41-53, 55-77, 67-97.