BINIGYANG-PARANGAL ang kahusayan at dedikasyon ng mga estudyanteng mamamahayag mula sa anim na Student Media Group (SMG) na binubuo ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), The Lasallian (TLS), Archers Network (ARCH), Green Giant FM (GGFM), Malate Literary Folio (MLF), at Green & White (G&W) sa idinaos na Gawad Midya 2020-2023, Nobyembre 25.
Pinangunahan ng Student Media Office (SMO) at Student Media Council (SMC) ang seremonya ng parangal na layong pahalagahan ang gampanin at kontribusyon ng mga estudyanteng mamamahayag sa kategoryang print at web, broadcasting, at organizational output. Mula taong 2019, ito ang muling pagbabalik ng Gawad Midya dulot ng mga restriksyong lulan ng pandemya.
Tasahan ng husay
Ibinahagi ni Lauren Angela Chua, chairperson ng SMC taong 2022-2023, na testamento ang pagdiriwang ng Gawad Midya para sa huwarang paggawa at pagseserbisyong ipinamalas ng mga SMG sa nagdaang mga taon. Aniya, ang bagay na ito ang humuhubog sa Pamantasang sumusuporta sa malayang pamamahayag.
Ikinatuwa rin ni Chua ang paglago ng mga estudyanteng mamamahayag lalo na sa pagtalakay ng iba’t ibang sosyo-politikal na isyu. Umaasa rin siyang maipapasa ang kahusayang ito sa bagong henerasyon ng mga estudyanteng mamamahayag.
Dagdag pa ni Chua, “we hope to inspire the future staffers and student media groups to continue the quality of outputs and exemplary work na pino-produce namin in the past few years and mas ipaglaban pa kung ano pa ang mga dapat ipaglaban bilang mga student media practitioners here in La Salle.”
Nagsilbing pangunahing tagapagsalita ng pagdiriwang si Atty. Maria Leonor “Leni” Robredo, dating pangalawang pangulo ng Republika ng Pilipinas at tagapagtatag ng Angat Buhay. Tinalakay ni Robredo ang kapangyarihang taglay ng pahayagang pangkampus sa pagsusulong ng katotohanan at pagpapaigting ng kamalayan ng mga Pilipino sa iba’t ibang isyung lumulumpo sa ating lipunan.
Hiling ni Robredo, “use your skills and talents to shed light on the plight of those who need a helping hand, an effort that contributes to our collective progress. Stand against the rising tide of lies and deceit and against the sharp noises that aim to tear us apart as a nation.”
Aminado si Robredo na hindi magiging madali ang tungkuling pasanin sa pamamahayag. Gayunpaman, naniniwala siyang handa ang mga estudyanteng mamamahayag sa misyong paglingkuran, pangalagaan, at protektahan ang kapakanan ng bawat mamamayan.
Layag mamamahayag
Higit sa parangal na iginawad ang paglalakbay ng mga estudyanteng mamamahayag na bahagi ng makabuluhang Gawad Midya. Hindi lamang ito pagdiriwang para sa kalugod-lugod na kontribusyon ng kasalukuyang mga estudyanteng mamamahayag kundi isang pagkilala rin sa legasiyang iniwan ng mga nagsipagtapos na.
Para kay Andrea Alandy Dy, alumna at dating pangulo ng ARCH taong 2020-2021, isang bagong karanasan ang maging bahagi ng Gawad Midya. Aniya, ito ang kauna-unahang pagkakataong nakatanggap siya ng parangal para sa kaniyang kontribusyon sa organisasyong nagpatibay sa kaniyang pagsisikap sa pamamahayag.
Pagbabalik-tanaw ni Alandy Dy, hindi inaasahang pangyayari ang kaniyang pakikilahok sa pahayagang pangkampus dahil nagmula siya sa isang tradisyunal na pamilyang Intsik na kadalasang nasa larangan ng medisina at pagnenegosyo. Gayunpaman, ang kaniyang pagnanais na maging tagapagpadaloy ng katotohanan at magsilbing boses ng mga binubusalan ang nag-udyok sa kaniyang tahakin ang larangang peryodismo.
Binigyang-inspirasyon din ni Alandy Dy ang mga estudyanteng mamamahayag sa kanilang pagsuong sa mga hamong kaakibat nito. Aniya, “continue doing what you’re doing. . . and staying true to the values of what real journalism is, which is to always tell the truth, to always fight for justice and oppression, and to always make sure that what you’re saying and what you’re doing is not for you; it’s for the Filipino people.”
Nakamit ni Alandy Dy ang 2020 Best News & Current Affairs Coverage, 2021 Best Statement, at ang prestihiyosong 2021 Outstanding President ng ARCH.
Itinanghal naman ang TLS bilang Student Media Group of the Year para sa mga taong 2020 at 2022. Natamo naman ng GGFM ang parangal na Best Podcast sa magkakasunod na apat na taon mula 2020-2023. Samantala, napasakamay ng APP ang mga parangal sa kasalukuyang taon para sa Best Editorial, Best Photograph for News and Current Affairs, Best News and Current Affairs Coverage, Best Sports Coverage, Best Website, at Event of the Year.
Sa kabilang banda, hinirang ang MLF bilang Student Media Group ng kasalukuyang taon. Nasungkit ni Chua ang Outstanding Editor-in-Chief at Alexandra Monique Manalo ang Outstanding Associate Editor na parehong bahagi ng MLF. Naibulsa naman ni Ian Ronnie Najera ng APP ang Outstanding Managing Editor. Samantala, naiuwi ni Mr. Cardino N. Yee ng G&W ang gantimpalang Outstanding Faculty Adviser.
Sa kabuuan, humigit-kumulang 465 plake, medalya at sertipiko ang iginawad sa mga estudyanteng mamamahayag at mga guro.
Mula noon hanggang ngayon, parati nang nariyan ang pahayagang pangkampus upang magsilbing bulwagan ng katotohanan, tanglaw sa kadiliman, at tinig ng mga nasa laylayan. Tumatayo ang Gawad Midya bilang hamon sa mga estudyanteng mamamahayag na patuloy na pag-alabin ang misyong ikuwento, itampok, at itaguyod ang buhay sa loob at labas ng Pamantasan.