NAGLUNSAD ng tatlong araw na transport strike ang Agoncillo-Guadalupe Jeepney Operators and Drivers’ Association (AGUAJODA) kasama ang Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide sa Pedro Gil, Maynila, laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). Nagsimula ang pagwewelga noong Lunes, Nobyembre 20. Sinundan naman ito ng pag-anunsyo ng Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon ng isa pang strike mula Miyerkules hanggang Biyernes.
Pagbibigay liwanag sa programa
Ipinanukala ang PUVMP noong 2017 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa ilalim ng 2017 Omnibus Franchising guidelines. Layon nitong palitan ang karamihan ng tradisyunal na jeep ng modernong sasakyan at gawin itong mas likas-kaya. Tinitiyak din ng programa ang mas epektibong sistema sa kalsada. Subalit malinis man ang layunin, hatid nito ang hindi kanais-nais na panganib sa kabuhayan ng mga tsuper. Anim na taon na ang nakalilipas, ngunit patuloy pa rin ang pagkikilos-protesta ng mga grupo sapagkat walang pormal na solusyong handog ang gobyerno na pabor sa kanilang sitwasyon.
Nitong taon, nag-anunsyo ang Development Bank of the Philippines at Land Bank of the Philippines na handa silang magpautang sa mga jeepney drivers at operator upang maisakatuparan ang PUVMP. Bukod dito, naghain ang gobyerno ng mga subsidiya tulad ng insentibang handog ng LTFRB na nagkakahalagang Php160,000 hanggang Php260,000. Gayunpaman, nanatiling mahirap ang implementasyon ng programa, sapagkat umaabot sa halagang Php1.4 million hanggang Php3 million ang isang modern jeepney.
Bagamat nais ng programang Stakeholder Support Mechanism ng LTFRB at iba’t ibang tulong pinansyal mula sa pamahalaang solusyunan ang kinahaharap ng mga tsuper, karamihan sa mga drayber ang nagdududa. Isa rito si Artemio Cinco, 55 anyos na jeepney driver at dating presidente ng AGUAJODA. Aniya, “Ayaw namin ng ayuda, gusto naming ‘wag kami pakialaman. Bakit kailangan ng ayuda, eh may hanapbuhay naman kami.”
Isa sa mga pangunahing hamon ng mga jeepney driver ang kinakailangang konsolidasyon. Inaatasan nito ang bawat indibidwal na jeepney operator na bumuo ng mga kooperatiba bago ika-31 ng Disyembre. Gayumpaman, sinisigurado rin ng pamahalaang hindi magreresulta sa agarang pag-phase out ang hindi pagbuo ng kooperatiba bago ng nasabing petsa. Paliwanag ni Cinco, “‘Yung jeep ko ibebenta ko lang sa [kooperatiba]? Kung minibus naman hahatakin lang ng bangko sa [loob ng] dalawang buwan kasi wala akong panghulog. Lugi ako.” Kaniyang iginigiit na katulad ng kaniyang mga kapwa tsuper, wala silang takas sa sistemang salungat sa kanila.
Pinaglalaban nina Cinco at ng ilang mga tsuper na malaking bahagi ng kulturang Pilipino ang jeep. “Gawang Pinoy ang jeep, bakit dayuhan ang [makikinabang]. . . Pati mas mura ang mga piyesa ng jeep. Kung may foreigner nga, jeep ang hinahanap,” pawari ni Cinco. Hangad ng kanilang sektor na pangalagaan ang kilalang tradisyunal na anyo nito, pati na rin ang masiglang kulturang kinakatawan nito.
Hamon ng pag-unlad
Bagamat mabigat ang mga dalang problema ng programa, isiniwalat ng isang survey ng Tangere na sang-ayon ang karamihan ng mga Pinoy sa PUVMP—ang dating hari ng kalsada, ngayon, tinalikuran ng masa. Sa pakikipaglaban ng mga tsuper tulad ni Cinco, ipinagtatanggol nila ang kanilang kabuhayang naglalagay ng pagkain sa lamesa, nagpapaaral sa kanilang mga anak, at nagbibigay kinabukasan sa haharaping walang katiyakan.
Patuloy ang pagsigaw ng “para” ng mga tsuper upang tumigil ang sapilitang pag-unlad. Pag-unlad na iniiwan ang nakasanayan, pag-unlad na may hatid na pagkawala ng kabuhayan. Anim na taon nang inilunsad ang programa, napabayaan ang mga mismong hari ng kalsada. Sa kabila ng mga pangakong hangad ng PUVMP, nahaharap sa mga hamon ang gobyerno ukol sa pangangailangan ng sektor ng transportasyon. Bilang resulta, ang mga tagahatid ng mga Pilipino sa kanilang paroroonan, naiiwan sa puntong unti-unti silang napababayaan. Tila sa kasalukuyan, hindi naririnig ang kanilang saklolong hiyawan o maaaring nagbibingi-bingihan lang ang nasa kaitaasan.