BINUSALAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang bumubulahaw na National University (NU) Bulldogs, 97-73, sa kanilang sagupaan sa semifinals ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Nobyembre 25.
Hinirang na Player of the Game si DLSU point guard Mark Nonoy matapos magtala ng 20 puntos at isang rebound. Tumulong din sina Most Valuable Player frontrunner Kevin Quiambao at court general Evan Nelle matapos umukit ng kabuuang 32 puntos. Samantala, nanguna para sa Bulldogs si Jake Figueroa na gumuhit ng 19 na puntos, siyam na rebound, at isang assist.
Kasabay ng dagundong ng tambol, naging maingay ang simula ng Green Archers matapos kumamada ng 7-0 run kaakibat ang nagbabagang tira ni Nelle, 7-2. Samantala, nagpakawala ng magkasunod na tira sa labas ng arko sina Bulldog Patrick Yu at PJ Palacielo upang kunin ang kalamangan, 7-10. Kaagad namang sumagot ang Taft mainstays nang bumulusok si rookie Jonnel Policarpio ng magkasunod na layup, 18-10. Samakatuwid, sinelyuhan ni Joshua David ang unang yugto sa pamamagitan ng isang follow up layup, 20-14.
Mahigpit na depensa ang binungad ng magkabilang koponan sa pagbubukas ng ikalawang kwarter. Makalipas ang 1:30 minuto, parehong nag-init sina Nonoy at NU point guard Kean Baclaan upang mag-ambag ng marka sa kanilang mga hanay, 27-20. Rumatsada rin para sa Taft-based squad si big man Quiambao gamit ang layup kaakibat ang isang foul, 44-32. Humabol pa ng tirada sa loob ng paint si Baclaan ngunit, hindi ito naging sapat upang agawin ang bentahe sa luntiang pangkat sa pagtatapos ng first half, 45-36.
Maagang nagpasiklab si Green Archer Francis Escandor upang simulan ang ikatlong kwarter, 47-36. Nagpakawala rin ng naglalagablab na palaso sa labas ng arko si Quiambao mula sa pasa ni Policarpio, 57-40. Nagpatuloy pa ang pagratsada ng kalalakihan ng Taft matapos makapagpundar ng 10-0 run, kabilang ang fastbreaks nina Policarpio at Nonoy, 67-44. Buhat nito, napasakamay ng Berde at Puting grupo ang bentahe sa pagtatapos ng naturang kwarter, 70-50.
Kaagad na umararo si DLSU forward Mike Phillips sa pagbubukas ng ikaapat na kwarter matapos magpakawala ng nagbabagang slam mula sa assist ni center Raven Cortez, 80-57. Sa kabilang panig, hindi napigilan ang pagliyab ng mga kamay ni Figueroa nang magtala ng puntos sa bisa ng free throw at layup, 82-63. Gayunpaman, tuluyang binomba ni point guard Jcee Macalalag ang kort matapos rumatsada sa natitirang 30 segundo ng salpukan, 95-73.
Bunsod ng panalong ito, muling makatatapak sa finals ang Green Archers pagkalipas ng anim na taong paghihikahos na makamit ang ginto. Samantala, makasasagupa ng koponan ang top-seeded na University of the Philippines Fighting Maroons para sa unang bakbakan ng best-of-three finals series sa darating na Miyerkules, Nobyembre 29, sa ganap na ika-6 ng gabi sa SM Mall of Asia Arena.
Mga Iskor:
DLSU 97- Nonoy 20, Quiambao 17, Nelle 15, M.Phillips 11, Policarpio 9, Escandor 9, David 5, Cortez 4, Macalalag 4, Abadam 3, Austria 0, Gollena 0.
NU 73 – Figueroa 19, Malonzo 13, Baclaan 12, Palacielo 8, Yu 8, Jumamoy 7, Padrones 2, Manansala 2, Galinato 2, Enriquez 0, Lim 0, John 0, Gulapa 0, Parks 0, Casinillo 0.
Quarter Scores: 20-14, 45-36, 70-50, 97-73.