TULUYANG TUMAOB ang De La Salle University Lady Spikers matapos mapigta sa puwersa ng University of the Philippines Fighting Maroons, 8-21, 7-21, sa pagtatapos ng kanilang karera sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay, Nobyembre 25.
Kaagad umarangkada sina Lady Spiker Jenya Torres at Sophia Sindayen nang tumudla ng attack error ang kabilang koponan, 1-0. Sa kabila nito, hindi nagpatinag ang Diliman-based squad matapos lublubin sa malaking kalamangan ang Taft mainstays at pumundar ng back-to-back service ace, 3-11. Nagawa namang mailusot ng Lady Spikers ang limang puntos, subalit hindi nakapalag ang koponan sa pangingibabaw ng kabilang pangkat, 8-20. Sa huli, nasindak ang kababaihan ng Taft matapos dominahin ng Fighting Maroons ang unang yugto, 8-21.
Sinubukang makabawi ng Taft-based squad sa bisa ng magkasunod na atake ni Torres, 3-2. Muli namang gumanti ang Diliman mainstays at nagawang tablahin ang talaan, 4-all. Naputol ang momentum ng Torres-Sindayen duo nang bigo nilang maitawid ang bola, 4-7. Nagtuloy-tuloy ang pagaspas ng Fighting Maroons matapos magtala ng siyam na kalamangan mula sa errors ng Lady Spikers, 6-15. Tumagal pa ang pangangapos ng Berde at Puting koponan hanggang sa naselyuhan ng mga iskolar ng bayan ang huling bugso mula sa service error ni Torres, 7-21.
Bunsod ng kawalang ito, tuluyang nalagay sa lusak ang Lady Spikers hawak ang 1-7 panalo-talo kartada.