BIGONG MAKATAKAS ang De La Salle University Lady Spikers sa mainit na pagratsada ng Ateneo de Manila University Blue Eagles, 12-21, 15-21, sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay, Nobyembre 24.
Sa kabila ng pagkabigong panatilihin ang winning momentum, nakamtan ng Taft mainstays ang kanilang unang panalo sa naturang torneo kontra Adamson University Lady Falcons, 15-21, 21-16, 15-12, nitong umaga sa parehong araw at lugar.
Mabilis na lumawak ang kalamangan ng Blue Eagles sa pagbubukas ng unang set matapos magpakawala si Gena Hora ng apat na magkakasunod na service ace, 1-6. Nagsimula ang pag-arangkada ng tambalang Hora-Roma Doromal sa solidong atake habang pinupudpod ang depensa ng Lady Spikers, 2-12. Sinamantala ng Blue Eagles ang nangangapang opensa nina Jenya Torres at Sophia Sindayen upang tuluyang hablutin ang unang bentahe sa pagtatapos ng naturang yugto, 12-21.
Pagtungtong ng ikalawang set, pinarusahan ng Blue Eagles ang naghihingalong depensa ng kababaihan ng Taft, 3-7. Gayunpaman, pilit na diniskartehan ni Lady Spiker Torres ang kaniyang atake upang panipisin ang iskor, 8-10. Humirit din ng matatag na depensa sa net si Sindayen, 15-18. Sa kabila nito, hindi pa rin naging sapat ang paghahabol ng Taft mainstays upang pahintuin ang pamamayagpag ng Blue Eagles, 15-21.
Hawak ang 1-5 panalo-talo kartada, susubukan ng Lady Spikers na muling pumitas ng panalo kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa ganap na ika-7:45 ng umaga, Nobyembre 25, sa parehong lunan.