PINULBOS ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 22-20, 21-18, sa pagtatapos ng kanilang kampanya sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay, Nobyembre 25.
Sabik na binuksan nina Green Spiker Andre Espejo at Fighting Maroon Christian Pitogo ang unang set ng sagupaan matapos magpaulan ng kaliwa’t kanang tirada, 6-all. Gayunpaman, pumabor sa kalalakihan ng Taft ang kalamangan nang magtala ng double contact violation ang UP, 11-9. Mas pinaigting ni Vince Maglinao ang dagubdob ng Taft matapos tuldukan ang long rally sa bisa ng cut shot, 15-13. Hindi rin nagpatinag ang depensa ni Espejo matapos payungan ang umaatikabong atake ni Pitogo, 22-20.
Maagang ibinuwelta ni Pitogo ang kaniyang kompostura sa ikalawang set ng salpukan nang samantalahin ang over receive ni Espejo, 0-1. Tuluyang pinagningas ng kalalakihan ng Diliman ang kanilang bentahe nang bombahin ni Gelo Lipata ang bola sa braso ni Maglinao, 6-9. Sa kabila nito, sinimulan ni Espejo ang pagbulusok ng DLSU matapos magpakawala ng crosscourt attack at maghasik mula sa service zone, 17-15. Namayagpag din si Green Spiker Von Marata matapos isalta sa loob ng kort at palamlamin ang karga ni Pitogo upang tuluyang sungkutin ang panalo, 21-18.
“All in all, after the tournament, ako, masaya lang ako kasi I know I gave my all, pero kinulang para makapasok ng final four. Pero masaya dahil nandiyan ang partner ko na naging sobrang maintindihan sa amin at supportive,” ani Maglinao sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel.
Bunsod nito, napasakamay ng Green Spikers ang 3-4 panalo-talo kartada at tuluyang namaalam sa naturang paligsahan.