NABULAG ang EcoOil-La Salle Green Spikers sa kinang ng Cabstars-Cabuyao, 23-25, 25-19, 21-25, 22-25, sa kanilang huling sagupaan sa Pool B ng Spiker’s Turf 2023 Invitational Conference sa Paco Arena, Nobyembre 24.
Pinagbidahan ni opposite hitter John Mark Ronquillo ang pagpalag ng La Salle matapos magtala ng 21 puntos galing sa 17 atake at apat na block. Sa kabilang banda, itinanghal na Player of the Game si outside hitter Joshua Ramilo matapos umukit ng 23 puntos para pangunahan ang kampanya ng Cabstars.
Gitgitang pag-abot ng kalamangan ang namutawi sa dalawang koponan sa pagbubukas ng unang yugto. Pinaigting na depensa ang ipinamalas ng tambalang Gene Poquita at Nath Del Pilar matapos payungan ang Cabstars, 11-12. Pinabulaanan din ng Taft-based squad ang sunod-sunod na pag-atake ng kabilang koponan matapos lumayag ng solo block si Ronquillo, 14-all. Gayunpaman, nanguna sa talaan ang Cabuyao-based squad matapos lumpuhin ng 3-0 run ang kalalakihan ng Taft, 17-21. Sa huli, kinapos sa unang set ang Berde at Puting pangkat matapos magpakawala ng service error si Kampton, 23-25.
Mainit na sinimulan ng Taft mainstays ang ikalawang set matapos balansehin ang kanilang opensa at depensa, 6-3. Hindi naman nagpatinag ang Cabstars sa pangunguna ni Jomar Soriano matapos magpatikim ng iba’t ibang atake para makapantay, 11-all. Sa kabila ng paghahabol ng kabilang koponan, nagmistulang kalasag sina Kapitan Ronquillo at middle blocker Del Pilar upang tuluyang bawiin ang naturang set, 25-19.
Dikit na engkwentro ang ibinungad ng dalawang koponan sa pagbulusok ng ikatlong set. Nahablot ng Cabstars ang unang walong puntos mula sa mga off-the-block point, 5-8. Sariwa mula technical timeout, namuhunan si playmaker Poquita mula sa nag-aalab na laro ni La Salle rookie Yoyong Mendoza, 13-14. Gayunpaman, tuluyang nagsara ang pinto para sa Green Spikers bunsod ng nakapanghihinayang na overreaching violation ni Kampton sa pagtatapos ng naturang yugto, 21-25.
Masidhing halinhinan ng atake ang bumungad sa pagbulusok ng huling bugso ng sagupaan matapos kumasa ng 5-0 run ang Cabstars kontra Taft-based squad, 7-13. Tumambad ang off-the-block hit ni Mendoza mula sa agapay ni La Salle setter Simon Encarnacion sa kagustuhang makaahon mula sa pagbomba ng kabilang koponan, 12-18. Bumida naman ng magkakasunod na tatlong puntos si Ronquillo upang pansamantalang paralisahin ang Cabuyao-based squad, 19-21. Gayunpaman, hindi pa rin naging sapat ang pag-arangkada ng Taft mainstays matapos lumagak ng attack error si Mendoza, 22-25.
Bunsod ng pagkatalo, tuluyang nadungisan ang rekord ng Green Spikers hawak ang 4-1 panalo-talo baraha sa naturang torneo. Sa kabila nito, uusad pa rin ang kalalakihan ng Taft sa quarterfinals matapos makamit ang ikalawang puwesto sa Pool B sa pagtatapos ng elimination round.