NAGLIYAB ANG DINGAS ng De La Salle University (DLSU) Lady Paddlers matapos pahinain ang galamay ng University of Santo Tomas (UST) Lady Paddlers, 3-1, sa semifinals ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Women’s Table Tennis Tournament sa Amoranto Sports Complex, Nobyembre 22.
Mainit na binuksan ni DLSU Team Captain Q Teodoro ang serye matapos pabagsakin si Corrine Cartera sa unang paghaharap sa singles match, 12-10, 11-8, 11-4. Hindi naman hinayaang makaporma ni Angel Laude ang UST mainstay na si Tristan De La Cruz sa second singles nang magpasiklab gamit ang dahas ng kaniyang bisig, 11-5, 11-5, 11-6.
Pagdako ng doubles match, naupos ang enerhiya ng luntiang tambalan nina Mariana Caoile at Shyrein Rodequero matapos malasap ang pait ng pagkalupig mula sa matatalim na pangil nina España duo Ciara Derecho at Sherlyn Gabisay, 6-11, 9-11, 11-13.
Tangan ang hangaring makatungtong muli sa podium, lumiyab ang mahika sa mga braso ni Season 85 Most Valuable Player Jannah Romero matapos ungusan si Kay Encarnacion sa kanilang dikdikang five-set singles match, 11-4, 11-7, 9-11, 6-11, 12-10. Bunsod nito, tuluyan nang napasakamay ng Taft-based squad ang panalo.
Samakatuwid, magpapatuloy sa pinal na yugto ng torneo ang Lady Paddlers. Samantala, tunghayan ang kagila-gilalas na best-of-three championship series ng Berde at Puting koponan kontra sa kanilang karibal na Ateneo de Manila University Women’s Table Tennis Team bukas, Nobyembre 23, sa parehong pook.
Sa kabilang panig, dumausdos ang Green Paddlers kontra sa langkay ng Adamson University Men’s Table Tennis Team, 0-3, sa ginanap na stepladder semifinals match ng UAAP Season 86 Men’s Table Tennis Tournament. Buhat nito, napako sa ikaapat na puwesto ang kalalakihan ng Taft sa pagtatapos ng kanilang karera sa naturang paligsahan.