NATALISOD ang puwersa ng De La Salle University Green Spikers kontra sa kalupitan ng University of Santo Tomas (UST) Tiger Sands, 9-21, 8-21, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay kahapon, Nobyembre 19.
Bumungad ng maagang angat ang mabalasik na Tiger Sands matapos pasadahan ng 8-0 run ang kalalakihan ng Taft, 1-10. Sinubukan pang tupukin ni Green Spiker Andre Espejo ang naglalagablab na agwat ng UST sa bisa ng isang down-the-line hit, 8-18. Gayunpaman, hindi ito naging sapat nang tuluyang sikwatin ng España-based squad ang panalo sa unang set, 9-21.
Nagpatuloy ang paghihirap ng tambalang Espejo at Vince Maglinao pagdako ng ikalawang set matapos patikimin ng UST ng 6 markang kalamangan, 5-11. Hangad ang pag-asang makadikit, nagpakawala ng down-the-line hit si Maglinao, 7-18. Sa kabila ng tangkang paghahabol, hindi naging sapat ang pagkayod ng Green Spikers matapos silang utakan ni UST player Alchie Gupiteo sa pagtatapos ng salpukan, 8-21.
Bunsod ng pagyukod, kasalukuyang hawak ng Green Spikers ang 2-2 panalo-talo baraha. Samantala, sunod na makatutunggali ng Taft-based squad ang hagupit ng Far Eastern University Tamaraws sa darating na Biyernes, Nobyembre 24, sa ganap na ika-7:25 ng umaga sa parehong lugar.