PINIGILAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang tuwirang paglipad patungong final four ng Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles, 72-69, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Nobyembre 18.
Muling nagpasiklab si Most Valuable Player frontrunner Kevin Quiambao matapos magsumite ng 14 na puntos, siyam na rebound, anim na assist, isang steal, at isang block. Sa kabilang banda, sinubukang padaanin ni Blue Eagle Joseph Obasa sa butas ng karayom ang Taft mainstays nang magpakawala ng 21 puntos, siyam na rebound, tatlong block, at dalawang steal.
Hirap makabuwelo sa opensa ang Green Archers sa unang yugto matapos salagin ni Obasa ang kanilang mga tirada sa loob ng rim, 3-8. Gayunpaman, matuling nakahabol ang mga nakaberde nang tumikada si point guard Mark Nonoy sa three-point line, 12-13. Umeksena pa ng isang fastbreak shot si small forward CJ Austria upang nakawin ang angat ng mga agila, 14-13. Subalit, kumamada ng puntos ang Loyola-based squad mula sa free-throw line upang mapasakamay ang unang bentahe, 14-17.
Buhat ang hangaring makabawi, kaagad nagpakitang-gilas si Nonoy ng isang floater pagdako ng ikalawang kwarter, 16-17. Binasag naman ni Ateneo rookie Mason Amos ang katahimikan matapos magpakawala ng nagbabagang tira sa labas ng arko, 23-27. Samantala, nag-init si Nonoy sa nalalabing dalawang minuto ng yugto matapos bumulusok ng tres, 33-32. Samakatuwid, sinelyuhan ng Green Archers ang kalamangan bunsod ng layup ni center Raven Cortez sa pagtatapos ng naturang yugto, 35-32.
Nagpatuloy ang momentum ng Taft-based squad nang mas palawakin pa ng koponan ang angat sa bisa ng off-the-glass shot ni power forward Jonnel Policarpio sa pagbubukas ng second half, 48-38. Samantala, hindi rin nagpahuli si Obasa matapos bumawi ng isang rumaragasang alley-oop, 51-44. Ngunit, hindi na nag-atubili pa ang kalalakihan ng Taft at tuluyang inangkin ang ikatlong kwarter, 51-46.
Yinanig ng isang pangmalupitang drive ni Nonoy ang buong entablado sa pagsalubong ng huling yugto ng salpukan, 53-46. Mas lalong uminit ang sagutan ng magkaribal nang magpalitan ng magkakasunod na atake mula sa ilalim sina Obosa at DLSU forward Mike Phillips, 70-65. Nakapuslit pa ng dalawang free throw si point guard Evan Nelle bago lubusang namnamin ang tamis ng second-round sweep, 72-69.
Pinasolido ng panalong ito ang kapit ng Green Archers sa twice-to-beat advantage para sa pagbubukas ng semifinals round. Samantala, nananatiling nakaantabay ang Taft mainstays sa kanilang sunod na makahaharap sa final four na nakasalig sa resulta ng mga nalalabing laro ng naturang torneo.
Mga Iskor:
DLSU 72 – Quiambao 14, Nelle 10, M. Phillips 10, Nonoy 10, Policarpio 9, Austra 6, David 6, Abadam 4, Cortez 2, Escandor 1.
ADMU 69 – Obasa 21, Ballungay 12, Amos 10, Koon 9, Quiteves 4, Espinosa 4, Credo 4, Brown 3, Lazaro 2.
Quarter Scores: 14-17, 35-32, 51-46, 72-69.