TINASTAS ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang hibla ng humahabing University of the East (UE) Lady Warriors, 58-45, sa kanilang huling engkwentro sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Nobyembre 19.
Pinagbidahan ni DLSU shooting guard Lee Sario ang pagpapatingkad sa Berde at Puti matapos kumamada ng 18 puntos mula sa 4/7 3-point field goal kabalikat ang pitong rebound at apat na assist. Hindi rin nagpatinag ang presensya ni Kapitana Bernice Paraiso matapos pumukol ng 14 na puntos at 18 rebound. Samantala, nagpasikat naman si Arabela Dela Rosa sa pagpapatakbo ng laro ng Lady Warriors nang pumadyak ng 13 puntos at limang rebound.
Katahimikan ang bumungad sa unang dalawang minuto ng sagupaan nang bigong pumukol ng tirada ang dalawang koponan. Nagawa namang basagin ni DLSU power forward Ann Mendoza ang blankong talaan matapos magpasiklab ng dalawang puntos, 2-0. Nagpakawala naman ng tres si Lady Warrior Minslie Paule upang simulan ang pag-arangkada ng UE, 3-4. Ngunit, kaagad na sumagot ang kababaihan ng Taft gamit ang 10-0 run, 13-4. Bunsod nito, pumabor ang unang kwarter sa hanay ng Lady Archers matapos limitahan ang opensa ng mga nakapula, 15-5.
Sa pagpitik ng ikalawang yugto, kaagad na pinalagablab ni Lady Archer Angelique Villava-Cua ang bakbakan matapos bumira mula sa labas ng arko, 18-5. Pinaigting naman ni Kapitana Paraiso ang depensa ng Taft mainstays na siyang nagbunga sa pagbulusok ng makina ni Sario na nagpakawala ng dalawang magkasunod na tres, 24-6. Sa kabila ng pagtambad ng palitang foul sa huling minuto, inupos ng Lady Archers ang tangkang pag-init ng Recto-based squad sa pagtatapos ng yugto, 32-17.
Sariwa mula half time, kaagad na nagparamdam si Mendoza sa iba’t ibang hanay mula assist, steal, at rebound upang ibigay sa Taft-based squad ang mas pinalobong bentahe. Sa kalagitnaan ng ikatlong kwarter, nagtala ang Lady Archers ng mga puntos mula sa ilalim. Naging matakaw sa foul ang parehong koponan, subalit nagawa pa rin ng luntiang pangkat na mapanatili ang komportableng kalamangan, 49-32.
Sinindihan ng UE ang kanilang bomba sa pagbubukas ng ikaapat na kwarter matapos magpasiklab ng 10-0 run sina Trixie Burgos, Althea Lorena, at Dela Rosa, 49-42. Sa kabila ng tangkang paghahabol ng Lady Warriors, hindi na nagpaawat pa ang tambalang Paraiso at Sario matapos lumiyab ang kanilang mga kamay mula sa three-point line, 55-42. Tangan ang katiting na ningas ng Recto-based squad, tuluyang inapula ng Taft mainstays ang kanilang pagratsada, 58-45.
Bunsod ng panalong ito, naisilid ng Lady Archers ang ikalimang puwesto at tuluyang lilisan sa naturang torneo bitbit ang 7-7 panalo-talo kartada.
Mga Iskor:
DLSU 58 – Sario 18, Paraiso 14, Mendoza 6, De La Paz 4, Sunga 4, San Juan 3, Binaohan 3, Villava-cua 3, Dalisay 2, Delos Reyes 1.
UE 45 – Dela Rosa 13, Anastacio 9, Lorena 7, Burgos 6, Paule 5, Kone 3, Pedregosa 2.
Quarter Scores: 15-5, 32-17, 49-32, 58-45.