NAGMATIGAS ang EcoOil-La Salle Green Spikers sa bumubugsong ihip ng Philippine Air Force (PAF) Airmen, 37-35, 23-25, 25-18, 21-25, 15-12, upang mapanatili ang kanilang pangunguna sa Pool B ng Spikers’ Turf 2023 Invitational Conference sa Paco Arena, Nobyembre 19.
Nangibabaw ang hagupit ng laro ni Kapitan JM Ronquillo matapos magsumite ng 29 na puntos mula sa 23 atake, limang block, at isang service ace. Sa kabilang banda, hindi nagpumigil sa paglipad si outside hitter Ran Abdilla matapos kumayod ng 47 puntos galing sa 40 atake, anim na service ace, at isang block.
Kaagad na umusbong ang lakas ng Green Spikers sa pagbubukas ng unang yugto matapos paigtingin ang kanilang opensa at depensa, 4-0. Puspusan namang nagtiyaga ang Airmen na habulin ang agwat nang saraduhan ang atake ni Ronquillo, 4-all. Buhat ng dikdikang tapatan, gumuhit ang tensyon sa pagitan nina Abdilla at DLSU outside hitter Noel Kampton nang magtabla ang talaan, 23-all. Kabalikat ang determinasyong manalo, isinara ni Kampton ang unang set gamit ang kaniyang klasikong atake, 37-35.
Nagpatuloy ang mainit na batuhan ng mga puntos sa pagitan ng dalawang koponan sa bungad ng ikalawang yugto, 8-all. Unti-unting sumilay ang pag-asa sa Green Spikers nang hulugan ng atake ni Ronquillo ang hanay ng PAF mula sa likod, 11-9. Gayunpaman, nagawang manaig ng Airmen sa pagtatapos ng naturang set matapos bigong mailatag ng Taft-based squad ang kanilang depensa, 23-25.
Bitbit ang hangaring masulot ang bentahe, kumamada ng maagang run ang Green Spikers pagdako ng ikatlong set, 3-0. Umigting pa ang kalamangan ng Taft mainstays matapos tipakin ni middle blocker Nath Del Pilar ang atake ni Abdilla, 12-7. Malugod namang tinanggap ni open hitter Kampton ang regalong isinumite ng mga alagad ng ere, 22-15. Samakatuwid, pumabor sa puwersa ng Berde at Puti ang naturang set bunsod ng atake ni Del Pilar mula sa gitna, 25-18.
Umarangkada ang block party ng Green Spikers sa pangunguna ni Del Pilar sa pagratsada ng ikaapat na yugto, 3-0. Nakatanaw rin ang Berde at Puting pangkat ng pagkakataong pumaibabaw nang mahirapan ang Airmen na tanggapin ang kanilang nakasisilaw sa bilis na mga palo. Gayunpaman, nalula ang kalalakihan ng Taft buhat ng mga service error na sinamantala naman ng Airmen. Samakatuwid, inutakan ng hukbong himpapawid ang bawat palong ipinadaplis sa tore ng Taft upang matagumpay na sungkitin ang naturang set, 21-25.
Kaagad na umeksena ng pipe attack si PAF top scorer Abdilla sa pag-uumpisa ng huling set, 2-5. Nagpatuloy ang paghihikahos ng Green Spikers nang magtala ng attack error si Kapitan Ronquillo, 6-9. Gayunpaman, unti-unting naibuwelta ng Taft mainstays ang kanilang ritmo bunsod ng off-the-block hit ni Kampton, 11-10. Tuluyang tinuldukan ni DLSU rookie Eugene Gloria ang salpukan sa bisa ng isang crosscourt attack, 15-12.
Nananatiling malinis ang rekord ng Green Spikers tangan ang 4-0 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, sunod na hahamunin ng Taft-based squad ang Cabstars-Cabuyao sa darating na Biyernes, Nobyembre 24, sa ganap na ika-1 ng hapon sa parehong pook.