SUMABLAY ang pagtudla ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers kontra University of the East (UE) Lady Warriors, 15-21, 15-21, sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay, Nobyembre 18. Dumapa rin ang kababaihan ng Taft sa pangil ng University of Santo Tomas Tiger Sands, 13-21, 8-21, sa parehong araw at lugar.
Dikdikang bakbakan ang bumungad sa unang set matapos magpalitan ng bala sina Lady Spiker JR Levina at Lady Warrior Van Bangayan, 1-all. Ngunit, lumobo kaagad ang kalamangan ng Recto-based duo sa bisa ng mga pinakawalang atake ni Bangayan, 9-16. Samakatuwid, napasakamay ng UE ang naturang set bunsod ng service ace ni Krisha Revilla, 15-21.
Nagpatuloy ang matamlay na lagay ng Lady Spikers sa ikalawang set matapos bombahin ni Bangayan ang mga manunudla, 1-5. Pagkatapos ng isang timeout, kaagad na nabuhayan ng loob si DLSU Team Captain Jenya Torres at nilinlang ang depensa ng mga taga-Recto upang idikit ang talaan. Nagpakawala rin ng mga nag-aalab na palaso si Sophia Sindayen mula sa service line upang makalikom ng 7-0 run at ibigay sa Berde at Puting pangkat ang kalamangan, 12-10. Gayunpaman, lumubog ang mga paa ng kababaihan ng Taft sa buhangin at tuluyang sumuko sa Lady Warriors nang magtala ng error si Sindayen, 15-21.
Bunsod nito, nananatili sa laylayan ang Lady Spikers tangan ang 0-3 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, makikipagsapalaran naman ang Taft mainstays kontra Far Eastern University Lady Tamaraws bukas, Nobyembre 19, sa parehong pook.