KINONTROL ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang ihip ng hangin sa himpapawid upang pabagsakin ang Adamson University Soaring Falcons, 21-13, 21-12, sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Beach Volleyball Tournament sa Sands SM by the Bay, Nobyembre 18.
Maagang tumudla ng tirada sa sulok ng court si Green Spiker Vince Maglinao upang ibigay sa DLSU ang kalamangan sa pagbulusok ng unang set, 9-6. Nag-ambag din ng marka si Andre Espejo matapos hanapan ng butas ang depensa ng Falcons gamit ang isang hulog, 19-12. Sinubukan pang dumikit ng San Marcelino-based duo gamit ang placement shot ni Dan Gutierrez, 20-13, ngunit natuldukan din kaagad ang naturang set bunsod ng kaniyang service error, 21-13.
Naging puhunan naman ng Taft-based duo ang paglagablab ni Maglinao sa service line sa panimula ng ikalawang set, 5-0. Ipinamalas pa ni Espejo ang tibay ng Berde at Puting kalasag upang paigtingin ang bentahe ng kalalakihan ng Taft, 14-6. Wala nang sinayang na panahon si Maglinao at tuluyang sinelyuhan ang salpukan gamit ang isang second ball attack, 21-12.
Bunsod ng panalong ito, umangat sa 2-1 ang panalo-talo baraha ng Green Spikers. Subaybayan ang susunod na bakbakan ng Taft mainstays kontra University of Santo Tomas Tiger Sands bukas Nobyembre 19 sa parehong pook.