TUMUGON SA TAPATAN ng Tagisan: Special Elections (SE) Debate 2023 ang mga kandidato mula sa partidong Alyansang Tapat sa Lasallista (Tapat) at Santugon sa Tawag ng Panahon (Santugon) sa Room 507 ng Don Enrique T. Yuchengco Hall, Nobyembre 8.
Pinangunahan ng De La Salle University Commission on Elections (DLSU COMELEC) ang harapan ng mga tumatakbo sa iba’t ibang sangay ng University Student Government (USG), habang pinangasiwaan naman ng DLSU USG Judiciary at La Salle Debate Society ang pangkalahatang daloy ng debate.
Nanalo sa una at ikalawang bahagi ng debate ang mga kinatawan mula TAPAT na sina Elynore Orajay at Mika Rabacca, tumatakbo bilang FAST2021 batch legislator at FOCUS2022 batch president, at ang tambalang Kyzer Campos-Annika Subido, tumatakbo bilang mga college assembly president ng College of Liberal Arts (CLA) at School of Economics (SOE). Kaugnay nito, hinirang din bilang overall best speaker ng Tagisan 2023 si Subido.
Samantala, nanaig naman sa ikatlong bahagi ng debate ang mga kandidato mula Santugon na sina Raphael Hari-Ong at Xymoun Rivera, tumatakbo bilang USG president at executive treasurer.
Pananaw sa pansamantalang pagtigil ng Archers Network
Inusisa sa unang parte ng debate ang rason ng pananahimik ng parehong partido hinggil sa isyu ng pansamantalang pagpapatigil sa operasyon ng Archers Network taliwas sa kanilang aktibong pagpapahayag ng pagkadismaya sa kanselasyon ng General Elections (GE) 2023.
Matatandaang naglabas ng pasya ang DLSU Student Media Council (SMC) sa simula ng unang termino upang ipabatid ang suspensyon ng operasyon ng Archers Network bunsod ng mga reporma sa organisasyon at pamunuan nito.
Inilahad ni Rabacca na hindi nabigyan ang kanilang partido ng sapat na impormasyon tungkol sa isyu at hindi naging malinaw ang anunsyong ipinabatid ng SMC. Dagdag niya, “It’s within their [media organizations] jurisdiction to give more transparency to the student body about what actually happened with the Archers Network.”
Sinang-ayunan din ni Earl Guevara, tumatakbo bilang CATCH2T25 batch legislator mula Santugon, ang kakulangan sa impormasyong ibinahagi ukol sa naturang isyu. Pagpapalawig ni Guevara, “If Archers Network shows that the reason why they stopped their journalistic freedom is not…valid then that is when we, as a student body can…protest that this is a threat to democracy.”
Pakikibahagi sa mga panlipunang isyu
Sinuri naman sa ikalawang bahagi ng debate ang pagtugon ng mga kandidato bilang mga estudyanteng-lider sa mga isyung labas sa Pamantasang De La Salle, gaya na lamang ng krisis sa pagitan ng Palestine at Israel.
Binigyang-halaga ni Subido ang ginagampanang papel ng USG sa paninigurado ng kamalayan ng mga estudyante sa mga napapanahong isyu, gayon na rin sa paglalatag ng mga espasyong makatutulong sa pagbuo ng pananaw ng mga Lasalyano ukol dito.
Idiniin naman ni Jex Corpuz, tumatakbo bilang college assembly president ng College of Computer Studies (CCS) sa ilalim ng partidong Santugon, ang responsibilidad ng mga Lasalyanong makiisa sa mga pangyayari sa loob at labas ng silid-aralan buhat ng mga inilaang impormasyon ng Pamantasan sa mga mag-aaral.
Sa kabilang banda, ipinunto ni Campos na bagamat responsibilidad ng mga Lasalyano ang pakikiisa sa iba’t ibang usapin, hindi lahat mayroong sapat na kaalaman hinggil sa mga ito. Aniya, “As student leaders, as people from the USG, we want to prioritize that we have to engage in our constituents–na tayo mismo ang mag-se-serve by example.”
Bilang karagdagan, ibinahagi ni Angel Reyes, tumatakbo bilang college assembly president ng CLA mula Santugon, na kaagapay ng USG ang Student Media Organizations (SMO) at iba pang mga opisina sa Pamantasan sa pagpapalawak ng mga oportunidad na makapag-eengganyo sa mga estudyante na makibahagi sa mga naturang isyu.
Huling hirit ng magkabilang panig
Ipinukol sa ikatlong bahagi ng debate ang usapin ng pagkabahala ng mga Lasalyano sa reputasyon ng dalawang partido.
Inilahad ni Juliana Meneses, tumatakbo bilang USG executive treasurer sa ilalim ng Tapat, ang suliranin ng pagkakaroon ng dibisyon sa pagitan ng dalawang partido. Muling pagpapaalala ni Meneses, “[Ka]‘pag nakapasok na tayo sa USG, once na na-elect tayo, non-partisan na dapat tayo. So meaning, we see no colors.”
Kaugnay nito, binalikan ni Rivera ang layunin ng USG na makapagsilbi sa pamayanang Lasalyano sa pinakaepektibong pamamaraang alam nila. “Moreover, dapat ang parehong political parties [ay] magkaroon ng mutual respect,” paggiit ni Rivera.
Kinuwestiyon din ng mga hurado ang paraan ng pagpapatupad ng mga kandidato sa kanilang mga proyekto tungkol sa pagpapalawak ng mga espasyo upang makapag-aral ang mga Lasalyano sa kabila ng mga limitasyon.
Para matugunan ang limitadong pondo ng USG hinggil sa isyu, ibinida ni Hari-Ong ang hakbang ng pakikipagtulungan sa administrasyon ng Pamantasan upang maipatupad ang kanilang mga iminumungkahing proyekto.
Sa panig naman ni Meneses, ipinahayag niyang nais nilang palawigin ang 24/6 oras na operasyon ng Br. Andrew Gonzales Hall sa buong taon upang maging karagdagang espasyong ibinibigay ng Gokongwei Hall.
Bilang pagtatapos, ibinida ni Hari-Ong sa kaniyang talumpati ang paghahangad ng isang malinis at maayos na eleksyon, gayon na rin ang kahalagahan ng pagpapaigting ng respeto sa pagitan ng dalawang partido. “We are here running as university student government leaders and how can the students trust us if tayong mga political parties ang mga laging nag-aaway-away,” pagwawakas niya.
Hindi naman pinalagpas ni Meneses sa kaniyang huling pananalita ang paglahad sa kaso ng diskwalipikasyong hinarap ng kaniyang mga kapartido sa pagsisimula ng SE 2023. Maaalalang tatlo sa miyembro ng partidong TAPAT ang hindi na nakatakbo sa halalan dahil nasira ang ilan sa kanilang mga ipinasang dokumento sa DLSU COMELEC noong panahon ng paghahain ng kandidatura.
“Nandito kami para iboto niyo yung platforms na ginawa naming lima. Lahat ng iyon ay para sa mga estudyante. Lahat ng iyon ay para mas maging convenient, mas maging secured ang buhay ng lahat, ng Lasallian students dito sa DLSU,” pagdidiin ni Meneses.