TAHASANG NANINDIGAN ang Commission on Elections ng Pamantasang De La Salle (DLSU-COMELEC) na walang naging pagkukulang ang komisyon ukol sa naganap na pagkabigo ng General Elections 2023 (GE2023) matapos hindi maisumite ng mga kandidato ang kani-kanilang Certificate of Candidacy (COC) sa takdang oras.
Matatandaang naglabas ng desisyon ang komisyon noong Hulyo 5 ukol sa pagbasura sa iniakyat na apela ng partidong Alyansang Tapat sa Lasallista (TAPAT) at Santugon sa Tawag ng Panahon (SANTUGON) hinggil sa pagpapalawig sa paghahain ng kandidatura.
Apela ng mga partidong politikal
Iginiit ng TAPAT at SANTUGON na isang matinding banta sa demokratikong proseso sa Pamantasan ang naging desisyon ng DLSU-COMELEC na tuluyang hindi palawigin ang pagsusumite ng COC noong GE2023 matapos magsumite ang mga kandidato ng walang pirmang C-02A na dokumento o Certification of Verification mula sa Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment (SLIFE).
Inilatag ng dalawang partidong politikal sa kanilang isinumiteng apela na hindi sinunod ng komisyon ang mga direktiba at proseso na nakasaad sa Omnibus Election Code (OEC). Binigyang-diin din nilang ang pagkabigo ng COMELEC na maibigay nang kumpleto ang mga dokumentong kinakailangang ipasa, kabilang na ang C-04B o ang mga katanungan sa “Their Takes,” sa unang araw ng paghahain ng kandidatura noong Hunyo 1 ang pangunahing dahilan sa pagkaantala sa pagpapasa ng COC ng mga kandidato.
Nanindigan din silang dapat itinakda noong Hunyo 9 ang unang araw ng paghahain ng kandidatura dahil ito ang araw na nakumpleto ng komisyon ang pagbibigay ng mga kinakailangang dokumento. Alinsunod dito, iginiit nilang nabigyan lamang sila ng 17 araw, sa halip na 20 araw na nakasaad sa OEC.
Sa hiwalay na apela ng SANTUGON, tinalakay rin nila ang paglabag ng komisyon sa Artikulo III, Seksyon 2.6 ng OEC nang kumpirmahin ni dating COMELEC Chairperson Joaquin Sosa na hindi na kailangang kumuha ng sulat mula sa Associate Dean ang dalawang kandidato mula sa partido na may 24 at 35 na yunit na lamang na natitira.
Pinuna rin ng partido ang magkatunggaling palatuntunan ng COMELEC at OEC tungkol sa isyu ng pagpapapirma ng C-04A na dokumento. Inilahad nilang walang nakasaad mula sa panuntunan ng COMELEC na responsibilidad nilang papirmahan ito sa SLIFE. Bagamat, nakasaad sa OEC na maari nilang direktang ipasa ang dokumento para sa pirma ng opisina.
Nanindigan din ang partidong politikal na walang natanggap na sagot ang partido sa tanong ni Martin Carreon, Secretary-General ng SANTUGON, kung kailangang magre-upload ng pirmadong bersyon ng C-04A matapos itong isumite nang walang pirma mula sa SLIFE.
Tinuligsa din nila ang biglaang pagbabago sa proseso ng pagkuha at pagpapatibay ng Certificate of Good Moral Character (CGMC) na walang pagpapalawig para sa huling araw ng pagsusumite nito.
Depensa ng DLSU-COMELEC
Deretsahang ibinahagi ni Carlos Gaw Jr., kasalukuyang chairperson ng COMELEC, na ang kakulangan sa pirma ng SLIFE Director at Associate Deans na kinakailangan sa C-02A ang naging sanhi ng hindi pagsusumite ng mga kandidato ng kanilang COC sa takdang oras. Aniya, wala itong puwang para sa konsiderasyon sapagkat ang pirma ng dalawang opisina ang magtitiyak sa katumpakan ng mga nakasaad na impormasyon sa kani-kanilang mga dokumento.
Isiniwalat din ng komisyong nilinaw nito sa dalawang partido na responsibilidad nilang makuha ang mga pirma ng naturang opisina para sa kanilang dokumento. Ayon sa abiso ng SLIFE sa COMELEC, wala umanong isinagawang aksyon ang dalawang partidong politikal upang makuha ito.
Kasabay nito, aminado rin ang komisyon sa huling paglalathala nito ng C-04B para sa kumpletong alituntunin sa pagpoproseso ng COC. Gayunpaman, hindi ito kinilala ng komisyon bilang balidong punto sa kanilang apela dahil hindi naman anila ito nangangailangan ng matagal na panahon upang masagutan. Dagdag pa rito, maaari umanong unahin ng mga kandidato ang ibang kahingian para sa kanilang COC habang wala ang naturang dokumento.
Sa kabilang banda, bilang tugon sa hiwalay na apela ng SANTUGON, mariing itinanggi ng komisyon ang paglabag nito sa Artikulo III, Seksiyon 2.6 ng dating OEC. Anila, tila nakaligtaan ng partidong isama ang nakasaad sa dating OEC na maaari nitong ikonsidera ang alternatibong dokumento maliban sa sulat mula sa opisina ng Associate Dean upang siguruhing pasok sa kwalipikasyon ang isang kandidato na manatili pa ng isang buong akademikong taon sa Pamantasan.
Pinabulaanan naman ni Sosa ang pahayag ng SANTUGON na hindi umano niya tinugunan ang katanungan ni Martin Carreon, secretary-general ng partido ukol sa pagre-upload nito sa kanilang C-04A na may pirma ng SLIFE. Aniya, kinuwestiyon lamang ni Carreon kung saan ito dapat i-upload, ano ang pangalan ng file, at isang pag-update sa kanilang “Their Takes” na dokumento.
Sa kabilang dako, kinlaro rin ng komisyon na mula sa kahilingan ng SDFO ang biglaang pagbabago sa proseso ng CGMC matapos makatanggap umano ang opisina ng maraming kahilingan para sa dokumentong ito kaya’t minarapat na lamang umano nitong humingi ng talaan ng mga kandidato upang i-endoso at iberipika ang mga disciplinary record nito.
Nanindigan ang COMELEC sa kanilang desisyon dahil wala rin anilang probisyon sa ilalim ng dating OEC ang nagsasaad na pahintulutan ang pagpapalawig ng pasahan ng COC. Ayon pa rito, hindi na bagong proseso ang paghahain ng COC dahil ito parati ang unang proseso sa pagiging kandidato sa USG.
Paglilinaw ni Gaw, maraming isinaalang-alang ang opisina bago maisipinal ang desisyong hindi isulong ang GE2023. Masusi rin aniya nilang sinuri ang mga apelang isinumite ng dalawang partidong politikal na nag-udyok sa komisyon sa botong 3-1, pabor sa hindi pagpapalawig sa paghahain ng kandidatura.
Naniniwala rin si Sosa na perpekto ang naging pagganap ng komisyon sa kanilang responsibilidad sa GE2023 partikular na sa mga operasyon at pakikipag-ugnayan nito sa mga opisina at partidong politikal, at ang pagsangguni sa OEC sa lahat ng desisyong kanilang isinagawa.
Gayunpaman, matatandaang ibinahagi rin ni Gaw sa kaniyang hiwalay na opinyon ang kaniyang pagsang-ayon sa ilang puntong inihain sa apela ng dalawang partidong politikal. Giit niya, karapat-dapat itong ikonsidera bunsod ng mga naging pagkukulang ng komisyon partikular na ang kanilang huling paglalathala ng C-04B.
Pagpapalawig niya, hindi nakapipinsalang iregularidad ang kakulangan sa pirma mula sa iba’t ibang mga tanggapan na maaaring iwaksi hangga’t hindi pa nangyayari ang eleksyon alinsunod sa sinipi niyang kasong Alialy v. COMELEC ng Korte Suprema. Aniya, marapat pa rin umanong isaalang-alang ng komisyon ang COC ng mga kandidato dahil maaari pa ring itama ang mga pagkukulang na ito kahit pa lagpas na sa itinakdang pasahan, bagay na sumasalungat sa kaniyang mga naunang pahayag.
Inihayag din ni Gaw ang kaniyang sentimyento sa mga taong nagpahayag ng pagkadismaya sa pagkabigo ng GE2023. Aniya, “mahalaga rin na tandaan na hindi naman layunin o ninanais ng COMELEC na magkaroon ng failure of elections o magdiskwalipika ng kandidato. . . Ika nga sa wikang latin “dura lex, sed lex” (the law may be harsh, but it is the law).”
Boses na pumipiglas
Hindi nakawala mula sa pagtuligsa ng mga estudyante ang naging desisyon ng DLSU COMELEC na hindi isulong ang GE2023. Anila, malaki ang epekto nito sa mga estudyante dahil maraming posiyon ang mababakante sa USG na magiging hadlang sa daloy ng serbisyong pangmag-aaral.
Ikinadismaya ni dating Chief Legislator Francis Loja ang naging desisyon ng komisyon na ipagpaliban ang pagsasagawa ng GE2023. Aniya, hindi man lang nito isinaalang-alang ang ibang hakbangin upang maipagpatuloy pa rin ang pagsasagawa ng eleksyon, tulad ng pagpapalawig ng pasahan ng COC at pagpataw ng parusa sa mga kandidatong bigong tumalima.
Inilahad naman ni University Student Government (USG) President Alex Brotonel na sa pangmalawakang konteksto pagkitil sa demokratikong proseso ang pagkabigo ng eleksyon. Gayunpaman, naniniwala siyang batay sa naging sitwasyon, nasa katuwiran ang naging desisyon ng COMELEC dahil sa naging paglabag ng mga partidong politikal.
Paglalahad niya, “The USG respects the independence and the autonomy of the Commission on Elections.” Naniniwala din siyang isinaalang-alang ng komisyon ang kapakanan ng mga estudyante sa pagbuo ng desisyon.
Sa kabilang dako, naiintindihan naman ni Brotonel ang naging negatibong pagtanggap ng mga Lasalyano sa pagkabigo ng eleksyon ngunit pinaaaalala niyang maging mapili sa mga ginagamit na salita sa pagpapahayag ng pagkadismaya dahil binubuo pa rin ng mga estudyante ang COMELEC.
Para naman kay Josel Bautista, ID122 ng kursong Bachelor of Arts Major in Political Science, kulang ang mga isinagawang hakbang ng komisyon upang magkaroon ng alternatibong paraan upang matuloy ang eleksyon. Maaari pa aniyang agapan ang pangyayari sakaling nagbigay ng konsiderasyon ang komisyon at nagkaroon ng lugar para sa kompromiso.
Hindi rin pinalagpas ng Anakbayan Vito Cruz ang hindi pagsulong ng GE2023. Anila, mahalagang magkaroon ng representasyon ang mga estudyante hindi lamang para matiyak ang pangkalahatang kapakanan nito kundi pati na rin ang pagtataguyod ng demokratikong karapatan ng pamayanang Lasalyano.