PINIGILAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang pag-araro ng Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 80-70, sa kanilang ikalawang paghaharap sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Nobyembre 15.
Pinangunahan ni DLSU point guard Mark Nonoy ang kampanya ng Green Archers matapos maglatag ng 15 puntos, dalawang assist, at tatlong steal. Umagapay rin sa kaniya si center Raven Cortez na nakapag-ambag ng 16 na puntos, tatlong rebound, at isang steal. Samantala, nanguna naman para sa Tamaraws si Jorick Bautista matapos umukit ng 17 puntos, apat na rebound, at dalawang assist.
Binuksan ni Green Archer Francis Escandor ang bakbakan gamit ang isang layup na kaagad sinagot ni Tamaraw Xyrus Torres, 2-all. Binasag nina Nonoy at Escandor ang katahimikan sa nakalipas na ilang minuto matapos magbitiw ng magkasunod na tirada mula sa labas ng arko, 8-4. Nilunod ng Green Archers ang naghihingalong Tamaraws nang magpaulan ng tira mula sa assists ni point guard Evan Nelle, 16-7. Sinubukang panipisin ni LJay Gonzales ang kalamangan sa huling minuto ng unang yugto matapos tumira ng tres, ngunit hindi ito naging sapat upang akuhin ang kalamangang isinumite ng Taft mainstays, 21-18.
Masalimuot ang bungad ng ikalawang kwarter matapos magpalitan ng mga tirada ang dalawang koponan. Itinambad ng Berde at Puting pangkat ang kanilang kumpiyansa matapos magpakawala ng tres si point forward Joaquin Manuel, 24-20. Gayunpaman, nagawang tapyasin ng Morayta-based squad ang bentahe ng mga nakaberde sa pagtatapos ng naturang yugto, 41-40.
Ipinamalas ni Nonoy ang kaniyang beteranong presensya sa labas ng arko matapos kumamada ng ilang tres upang paangatin ang iskor ng Green Archers, 56-52. Rumagasa naman ang opensa ng Tamaraws sa bisa ng three-point shot ni FEU rookie Renzo Competente upang bitbitin sa tabla ang talaan, 59-all. Gayunpaman, napasakamay ng Taft-based squad ang isang markang kalamangan sa pagtatapos ng ikatlong kwarter, 62-61.
Naging mahigpit ang labanan sa huling bahagi ng regulasyon nang tumikada ng tres si Tamaraw Jorick Bautista, 64-all. Sumiklab naman ang opensa ng Green Archers matapos ang dominanteng 11-0 run na sinindihan ni Cortez matapos bumuhos ng anim na puntos, 75-64. Samakatuwid, napigilan ng kalalakihan ng Taft ang pagratsada ng FEU nang selyuhan ni Most Valuable Player frontrunner Kevin Quiambao ang salpukan gamit ang isang tres, 80-70.
Bunsod ng panalong ito, nasungkit ng Green Archers ang 10-3 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, susubukang makabawi ng Green Archers sa puwersa ng Ateneo de Manila University Blue Eagles sa darating na Sabado, Nobyembre 18, sa ganap na ika-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Mga Iskor:
DLSU 80 – Cortez 16, Nonoy 15, Quiambao 13, Nelle 7, Escandor 7, Austria 5, Nwankwo 4, Abadam 4, Policarpio 3, Manuel 3, Gollena 3, B. Phillips 0, Macalalag 0.
FEU 70 – Bautista 17, Sleat 11, Gonzales 10, Ona 10, Competente 7, Bagunu 6, Tempre 4, Torres 2, Montemayor 2, Buenaventura 1, Faty 0.
Quarter Scores: 21-18, 41-40, 62-61, 80-70.