NANAIG ang EcoOil-La Salle Green Spikers matapos kumawala sa bitag ng MKA-San Beda Red Spikers sa loob ng limang set, 25-18, 25-22, 22-25, 21-25, 22-20, sa kanilang pagtutuos sa Pool B ng Spikers’ Turf Invitational Conference 2023 sa Paco Arena, Nobyembre 12.
Hindi nagpasindak sa bangis ng mga leon ang kapitan ng Green Spikers na si JM Ronquillo matapos magtala ng 20 puntos mula sa 14 na atake, limang block, at isang service ace upang pangunahan ang kampanya ng EcoOil-La Salle. Sa kabilang dako, pinatunayan ni San Beda opposite spiker Kevin Montemayor ang kaniyang bagsik matapos magpamalas ng kagila-gilalas na 22 puntos galing sa 21 atake at isang block.
Sa pagbubukas ng unang set, gitgitang bakbakan ang naging takbo ng magkabilang koponan nang magsagutan ng tirada sina Red Spiker Axel Book at La Salle outside hitter Noel Kampton, 8-7. Gayunpaman, kaagad na nakaabante ang Taft-based squad nang saraduhan ni middle blocker Nath Del Pilar ang lagusan ng atake ng San Beda, 17-14. Kumamada naman si La Salle open hitter Jules De Jesus ng magkakasunod na puntos upang tuldukan ang naturang set, 25-18.
Mahigpit na palitan ng mga puntos ang naging kaganapan sa pagbubukas ng ikalawang set. Pinangunahan ng crosscourt hits ni De Jesus ang opensa ng La Salle upang magpumiglas sa San Beda, 5-3. Hindi naman nagpatinag si Red Spiker Book nang magpamalas ng malakas na off-the-block hit, 15-16. Sinubukan pang kumapit ng San Beda, subalit may ibang plano si Kampton matapos magpasabog ng magkakasunod na service ace, 21-19. Umalalay rin si La Salle opposite hitter Rui Ventura bitbit ang kaniyang nagbabagang presensya sa net upang mapasakamay ng DLSU ang bentahe sa pagtatapos ng yugto, 25-22.
Sa kabila ng pagpapakitang-gilas ng Green Spikers sa mga nagdaang set, nagbago ang ihip ng hangin matapos manguna ng Red Lions sa unang technical timeout, 6-8. Nagtuloy-tuloy pa ang matumal na laro ng Taft-based squad na sinamantala ni Montemayor nang magpakawala ng dalawang magkasunod na marka upang manatiling buhay sa laro, 22-25.
Pagdako ng ikaapat na set, hirap pa ring makabuwelo ang mga nakaberde nang paigtingin ng San Beda ang kanilang depensa sa net, 2-6. Subalit, kaagad namang pinakipot ng La Salle ang talaan matapos magpakawala ng crosscourt kill ni Kampton, 10-12. Sa kabila nito, nagawang umarangkada ng Red Spikers bunsod ng nagbabagang atake ni Montemayor, 15-21. Nagpasiklab pa ng magkakasunod na puntos si Ronquillo, 21-22, ngunit agad nang ibinulsa ng San Beda ang naturang set bunsod ng pananalasa ni Book, 21-25.
Mga kumakawalang bomba sa gitna ang tumambad sa huling yugto ng tapatan. Sunod-sunod na nagpamalas ng block si kapitan Ronquillo at mga palo si La Salle outside hitter Vince Maglinao upang makabuo ng 3-0 run, 7-4. Sinubukang umahon sa lusak ng San Beda matapos magpamalas ng mababangis na quick hit si middle blocker Anrie Bakil, 8-6. Gayunpaman, hindi nagpasindak ang Taft mainstays matapos pumalaot ng crosscourt attack si Kampton, 19-18. Samakatuwid, matagumpay na naitudla ng La Salle ang panalo nang wakasan ni middle blocker JJ Rodriguez ang sagupaan buhat ng paghahalimaw sa ibabaw ng net, 22-20.
Bunsod nito, taas-noong inuwi ng Taft-based squad ang ikatlong panalo sa Pool B ng naturang torneo. Samantala, susubukang ipagpatuloy ng Green Spikers ang kanilang winning momentum at hahamunin ang hanay ng Philippine Air Force Airmen sa darating na Linggo, Nobyembre 19, sa ganap na ika-3 ng hapon sa parehong lugar.