SUMUBSOB ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers kontra National University (NU) Lady Bulldogs, 64-73, sa kanilang ikalawang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Nobyembre 8.
Nanguna para sa kampanya ng Lady Archers si Ann Mendoza na umukit ng 13 puntos, siyam na rebound, at dalawang assist. Tumulong din sina Bernice Paraiso at Luisa Dela Paz matapos tumikada ng kabuuang 23 puntos. Sa kabilang banda, hinirang na Player of the Game si Jainaba Konateh matapos pumoste ng 17 puntos, 17 rebound, at isang steal. Umagapay naman sa hanay ng Lady Bulldogs si Marylene Solis nang maglatag ng siyam na puntos.
Kaagad na nagpakitang-gilas si DLSU shooting guard Lee Sario matapos kumamada sa labas ng arko sa unang minuto ng sagupaan, 3-2. Pumuslit naman ng tig-dalawang puntos sina Lady Archer Luisa San Juan at Ara Bacierto, 11-9. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Lady Bulldogs at iniangat ang kanilang kalamangan sa anim na marka, 15-21. Humirit pa ng dalawang puntos sa loob ng paint si DLSU Team Captain Paraiso, ngunit hindi ito naging sapat upang sulutin ang bentahe ng Jhocson-based squad, 17-22.
Bitbit ang hangaring burahin ang kalamangan, bumulusok si Paraiso at naipasok ang isang free-throw shot sa pagbubukas ng ikalawang kwarter, 18-26. Ngunit, napanatili ng Lady Bulldogs ang kanilang kalamangan sa nalalabing tatlong minuto ng yugto, 27-34. Sa kabilang banda, umalab si Mendoza matapos magpakawala ng tirada at makakuha ng oportunidad sa free-throw line upang ibaba ang angat sa limang puntos sa pagtatapos ng kwarter, 34-39.
Binuksan ni Delos Reyes ang ikatlong kwarter mula sa free-throw line, 35-39. Samantala, kaagad uminit sa labas ng arko si Lady Bulldog Princess Fabruada para palakihin ang agwat ng mga nakaputi, 37-46. Nakakuha naman si Paraiso ng foul dahilan upang ibaba ang kalamangan sa apat na marka sa natitirang dalawang segundo ng yugto, 52-56.
Sinunggaban ni Mendoza ang ikaapat na kwarter matapos magpasiklab ng fastbreak layup, 54-56. Gayunpaman, tuluyang pinamaga ni Lady Bulldog Gypsy Canutu ang bentahe ng NU nang maisalaksak ang tirada mula sa three-point line, 58-64. Bunsod nito, pinaghingalo ng Bulldogs ang depensa ng La Salle at sinelyuhan ang panalo matapos umarangkada ni Angelica Surada gamit ang putback shot, 64-73.
Bunsod ng pagkatalong ito, mas numipis ang pag-asa ng Lady Archers na makapasok sa final four matapos makamit ang 4-7 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, sunod na makatutunggali ng DLSU ang sandatahan ng University of the Philippines Fighting Maroons sa darating na Sabado, Nobyembre 11, sa ganap na ika-9 ng umaga sa Smart Araneta Coliseum.
Mga Iskor:
DLSU – Mendoza 13, Paraiso 13, Dela Paz 10, Sario 7, Binaohan 4, San Juan 4, Sunga 4, Bacierto 4, Delos Reyes 3, Dalisay 2.
NU – Konateh 17, Solis 9, Canuto 8, Pingol 8, Bartolo 8, Fabruada 7, Clarin 5, Betanio 5, Surada 4, Cayabyab 1, Ico 1.
Quarter Scores: 17-22, 34-39, 52-56, 64-73.