IGINAPOS ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang mababangis na Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 73-70, sa kanilang ikalawang pagtutuos sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Nobyembre 4.
Hinirang na Player of the Game si Ann Mendoza matapos tumikada ng siyam na puntos, 12 rebound, limang steal, at dalawang block. Gayundin, iwinagayway ni point guard Bea Dalisay ang bandera ng La Salle nang makapag-ambag ng 12 puntos. Umariba naman para sa Morayta-based squad si center Josee Kaputu nang makapagsalaksak ng nagbabagang 20 puntos, 22 rebound, at dalawang steal.
Maaksyong binuksan ng Lady Archers ang unang kwarter ng bakbakan matapos pumukol ng magkakasunod na layup si power forward Bettina Binaohan, 9-7. Gayunpaman, agad namang naagaw ng FEU ang kalamangan matapos magpakawala ng tirada si Kaputu, 13-15. Sinubukan pang padikitin ng Taft-based squad ang talaan, ngunit hindi ito naging sapat nang rumatsada ng naglalagablab na tres si Julie Manguiat, 15-20.
Nagawang panipisin ni Binaohan ang kalamangan ng FEU matapos magpakitang-gilas sa ilalim ng rim, 19-20. Gayunpaman, nagpatuloy ang pananalasa ni Manguiat sa labas ng arko upang ibalik sa limang marka ang abante ng Lady Tamaraws, 25-30. Umeksena pa si Kaputu nang maipasok ang layup at isang free throw, 27-35. Sa kabilang banda, nanatiling maalab ang opensa ng La Salle matapos kumamada ng tres si Lady Archer Bernice Paraiso upang tuldukan ang first half, 30-35.
Maagang bumulusok ang kababaihan ng Taft sa pagbubukas ng ikatlong kwarter bitbit ang spin move layup ni point guard Luisa De La Paz, 32-35. Tuluyan namang nagsanib-puwersa sina Lee Sario, Kyla Sunga, at Mendoza sa loob at labas ng paint matapos makalikom ng pinagsamang sampung puntos, 42-41. Gayunpaman, hindi napigilan ng Lady Archers ang rumaragasang opensa ni Manguiat sa huling minuto ng bakbakan, 44-45.
Sa pagpatak ng huling kwarter, agad rumatsada si Dalisay ng sunod-sunod na marka sa loob ng paint, 48-all. Umayon sa Lady Archers ang ihip ng hangin nang maiakyat muli nina Paraiso at Mendoza sa anim ang kanilang bentahe upang magpatawag ng timeout ang Morayta-based squad, 55-49. Matapos ang timeout, nahirapan ang mga nakaberdeng tibagin ang depensa ni Kaputu matapos tumikada ng putback, 56-51. Nakabuno man ng isang fastbreak si Mendoza, mabilis na umarangkada si Lady Tamaraw Shane Salvani nang makapagtala ng 4-0 run upang dalhin ang bakbakan sa overtime, 58-all.
Kaliwa’t kanang palitan ng puntos sa loob ng paint mula kina Elizabeth Delos Santos, Binaohan, at Sario ang bumungad sa unang bahagi ng overtime, 62-60. Nagpatuloy rin ang momentum ng Lady Archers nang mamuhunan sa isang jumper si Paraiso, 64-61. Hindi naman nagpasuwag si Salvani nang dali-daling nagpakawala ng kamandag sa three-point line at puwersahang dalhin ang laban sa ikalawang overtime, 64-all.
Masigasig na umararo ng puntos si Kaputu mula sa putback at layup upang ibaba ang bentahe sa isa, 69-68. Nagpamalas naman ng kamangha-manghang tikas si De La Paz nang mailusot ang tirada sa labas ng arko upang iangat sa apat na puntos ang tatrabahuhin ng Lady Tamaraws, 72-68. Nakahirit pa ng puntos si Salvani ngunit tinapos din ni Sario ang sagupaan mula sa free-throw line, 73-70.
Bitbit ang pag-asa at tsansang mapabilang sa final four, umakyat sa 4-6 ang panalo-talo kartada ng Lady Archers sa naturang torneo. Samantala, susubukang pabagsakin ng Taft-based squad ang National University Lady Bulldogs sa darating na Miyerkules, Nobyembre 8, sa ganap na ika-11 ng umaga sa SM Mall of Asia Arena.
Mga Iskor
DLSU 73 – Dalisay 12, Sario 11, Binaohan 10, Paraiso 10, Dela Paz 9, Mendoza 9, Sunga 6, Bacierto 4, Delos Reyes 2.
FEU 70 – Kaputu 20, Manguiat 16, Salvani 13, Delos Santos 7, Antonio 5, Aquino 4, Ong 3, Dela Torre 2.
Quarter scores: 15-20, 30-35, 44-46, 58-58, 64-64, 73-70.