PINAGTIBAY ang mga inihaing pagbibitiw nina University Student Government (USG) Vice President for External Affairs (VPEA) Arvin Ajesta at Ombudsman Lunette Nuñez sa ika-15 regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Oktubre 25. Agaran namang inaprubahan sina Janna Teves bilang officer-in-charge ng VPEA at Leandro Villamor bilang acting Ombudsman.
Pinasadahan din sa sesyon ang inisyal na post-inquiry report ng ad hoc na komite ng Electoral Affairs na itinalaga ni Chief Legislator Sebastian Diaz upang pangasiwaan ang mga legislative inquiry ukol sa kabiguan ng General Elections (GE) 2023.
Makulay na pagtatapos
Inilatag ni Richmond Nuguid, BLAZE2022, ang panukala hinggil sa pagbibitiw sa posisyon ni Ajesta at ang paghirang kay Teves, deputy chairperson for community development ng Office of the Vice President for External Affairs, bilang kahalili. Iniuugnay ang pagbaba ni Ajesta sa puwesto sa kaniyang pagtatapos sa Pamantasan nitong Oktubre 21.
Ipinangako ni Ajesta sa kaniyang liham ng pagbibitiw na handa siyang umalalay sa proseso ng paglipat at pagtransisyon sa susunod na manunungkulan. Isinaad din niyang patuloy siyang magbibigay-suporta sa naturang opisina hanggat kinakailangan.
Pagpapasalamat niya, “I am deeply grateful for the opportunity. . . to spearhead social initiatives, champion socio-civic projects and policies, and facilitate networking and transformative activities, all in the pursuit of genuine service and leadership.”
Binigyang-halaga naman ni Zak Armogenia, FAST2021 at chairperson ng komite ng National Affairs (NatAff), ang mga kontribusyon ni Ajesta sa kanilang kapulungan. Aniya, napagtagumpayan ng NatAff ang karamihan sa mga inisiyatiba nito sa tulong ng masusing pag-agapay ni Ajesta sa nakalipas na tatlong termino.
Malugod namang ibinahagi ni Diaz ang kaniyang karanasan sa pag-akda ng Freedom of Expression Policy kasama si Ajesta at ang kaniyang gampanin sa pagresponde sa mga isyung itinaas ng LA hinggil sa national affairs. Pagpapalalim niya, “There’s always prompt action on his end, and I believe that deserves commendation on itself.”
Inaprubahan ang pagbibitiw ni Ajesta sa botong 15 for, 0 against, at 0 abstain.
Pamana sa opisina ng Ombudsman
Pinangunahan ni Diaz ang talakayan ukol sa pagbaba sa puwesto ni Nuñez at ang pagtatalaga kay Villamor, overall deputy ombudsman, bilang kahalili. Isinalaysay ni Nuñez sa kaniyang liham ng pagbibitiw na nais niyang bigyang-priyoridad ang personal na kalusugan at pag-aaral sa kaniyang mga nalalabing termino sa Pamantasan.
Matatandaang nagsilbing kauna-unahang ombudsman si Nuñez ng muling itinatag na opisina ng Ombudsman noong 2021 kasunod ng pagbuwag dito.
Siniyasat naman ni Armogenia ang iiwan ni Nuñez sa susunod na pamunuan ng naturang tanggapan. Pagkuwestiyon niya, “Now that you are resigning as the Ombudsman proper and you’ll be handing [over] your responsibilities to your deputy, do you think that the way the [Office of the] Ombudsman handled itself this term and the last previous terms was efficient in administering its responsibilities?”
Pinanindigan ni Nuñez na naging mabisa ang pamamalakad ng bagong tanggapan sa kabila ng maliit na bilang ng mga miyembro nito. Binigyang-diin din ng kanilang opisina ang maagap na paglutas sa mga isyung kinasangkutan ng mga opisyal ng USG upang hindi na ito umabot sa pagsampa ng kaso at pagkaantala sa operasyon ng mga apektadong yunit. Bunsod nito, malaking bilang ng mga naturang opisyal ang napatawan nila ng parusa.
Gayunpaman, inamin ni Nuñez na nagkaroon pa rin sila ng ilang mga pagkukulang sa ilalim ng kaniyang pamumuno. Kinilatis naman ni Diaz ang mga hakbangin ni Nuñez upang tiyakin ang patuloy na operasyon ng kanilang opisina sa mga susunod pang taon.
Ipinahayag ni Nuñez ang kaniyang tiwala sa mabusising proseso ng pagpili ng mga miyembro ng Ombudsman Council na limitado lamang sa mga mahistrado at konsehal na sumailalim sa mga pagsasanay ng USG Judiciary. Ibinalita rin niyang may mga kandidato na ang chief magistrate para sa posisyon.
Inusisa rin ni Diaz ang pinagmulan ng desisyon ni Nuñez na lumikha ng mga administrative order para sa pagbibitiw ng mga kasapi ng kanilang tanggapan, sapagkat hindi na ito nasasaklaw ng mga mandato sa Ombudsman Act. Pagbibigay-paliwanag ni Nuñez, “I believe it should be proper that since the LA ratified our appointment, then they should be the ones [also] to ratify our resignation.”
Pangwakas na mensahe ni Diaz, “I believe the Office of the Ombudsman is vital in ensuring checks and balances in the USG. I appreciate that kind of work, and I commend them also for successfully and properly re-establishing the Office of the Ombudsman.”
Pinagtibay ang pagbibitiw ni Nuñez sa botong 16-0-0.
Pagsilip sa likod ng kabiguan ng eleksyon
Ipinresenta na ni Mika Rabacca, FOCUS2022, ang inisyal na post-inquiry report ukol sa kabiguan ng GE 2023. Binuo ng komite ng Electoral Affairs ang ulat sa pangunguna nina Marianne Era, FAST2020; Tina Erquiaga, BLAZE2025; Sai Kabiling, CATCH2T26; Armogenia, at Rabacca simula Hulyo 18 hanggang Setyembre 28.
Ayon sa naturang ulat, idinaos ng komite ang unang legislative inquiry na pinaunlakan ng Alyansang Tapat sa Lasallista at Santugon sa Tawag ng Panahon nitong Hulyo 29 at ang ikalawang sesyong dinaluhan ng DLSU Commission on Elections (COMELEC) nitong Agosto 11. Sinundan naman ang mga ito ng serye ng mga konsultasyon kasama ang COMELEC para sa pag-amyenda sa Omnibus Election Code (OEC).
Sa rekomendasyon ng komite, nirebisahan ang OEC upang tugunan ang mga suliraning natukoy ukol dito. Nakapaloob sa naturang pagbabago na magsisimula lamang ang Filing of Candidacy matapos ilabas ang kumpletong talaan ng mga dokumentong kailangang isumite ng mga kandidato.
Gayundin, naglalaman ang bagong bersyon ng OEC ng mga probisyon para sa maayos na pakikipag-ugnayan sa pagitan ng COMELEC at mga kandidato. Kabilang dito ang pagpapalawig ng deadline sa pagpapasa ng mga papeles batay sa mga nakaambang pagbabago sa talaan ng pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.
Hindi na rin maaaring magkamit ng opensa ang mga kandidato para sa paggamit ng anomang kulay sa pangangampanya at magsisilbing palatandaan na lamang ng impersonasyon ang pagpapasa ng colors form ng lahat ng mga kandidato at partidong politikal.
Binibigyang-linaw din dito ang kahulugan ng pagkaantala, pagkansela, at pagkabigo ng eleksyon. Pinakahuli naman sa mga mungkahi ng komite ang pagbabawal na amyendahan ang OEC hanggang sa susunod na tatlong termino.
Naresolbahan naman ng COMELEC sa mga nabanggit na pagpupulong ang suliranin ukol sa kakulangan ng mga probisyon para sa filing process na nakasaad na sa Certificate of Candidacy guidelines. Binigyang-klasipikasyon din ang GE 2023 bilang kabiguan ng eleksyon.
Inanunsiyo ni Rabacca na maisusumite ang kabuuang ulat sa LA nitong Oktubre 26 at maisasapubliko sa kaparehong linggo. Samantala, ibinahagi ni Ela Tan, 75th ENG, na naipadala na ng mga kinatawan ng LA para sa Council of University Representatives (CURE) ang mga liham ng konsultasyon sa mga ehekutibong opisina ng University Student Government para sa pag-amyenda sa CURE Manual.