NAGMISTULANG LUMPO ang pagtatangka ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers na paamuhin ang University of Santo Tomas (UST) Growling Tigresses, 67-93, sa kanilang ikalawang engkwentro sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 29.
Yumukod man sa bakbakan, magiting na nagtapos sa panig ng Lady Archers si Ann Mendoza nang magtala ng double-double na marka mula sa 12 puntos at 12 rebound. Humalili rin para sa Berde at Puti si Bernice Paraiso matapos makalikom ng 12 puntos, limang rebound, at dalawang assist. Samantala, pinangunahan ni Player of the Game Rachelle Ambos ang dominanteng kampanya ng Growling Tigresses matapos maglista ng 11 puntos at pitong rebound.
Maagang umariba ang España-based sa pagbubukas ng salpukan matapos tumikada ang koponan ng fastbreak play mula sa turnover ni Paraiso, 6-13. Sinubukang tapyasin ni DLSU power forward Mendoza ang kalamangang isinumite ng mga tigre gamit ang isang jumper, 10-20. Gayunpaman, nanaig pa rin ang Growling Tigresses sa pagtatapos ng unang kwarter bunsod ng pulidong opensa, 15-25.
Bumungad ng umaatikabong tres si DLSU small forward Luisa San Juan pagdako ng ikalawang yugto, 21-33. Kaagad niya itong sinundan ng jumper upang panatilihin sa sampung marka ang angat ng UST, 23-33. Subalit, hindi na nag-atubili pa ang mga tigre at tuluyang winakasan ang first half sa bisa ng tres at fastbreak play ni Brigette Santos, 29-50.
Bumandera para sa Growling Tigresses sina Ambos, Santos, at Jane Pastrana matapos makaukit ng tatlong fastbreak at isang tres upang mapalobo sa 34 na puntos ang abante ng mga tigre pagtapak sa ikatlong yugto. Sinubukan pang pasanin nina Bea Dalisay at Mendoza ang naghihikahos na kampanya ng Lady Archers mula sa free-throw line bilang pakonsuwelo sa mapait na sinapit ng koponan, 42-75. Gayunpaman, bumawi muli ng tres ang nag-iinit na kartilya ni Ambos upang mas palalimin ang hukay ng DLSU, 47-81.
Bahagyang umarangkada ang talaan ng DLSU pagsapit ng ikaapat na yugto buhat ng naipasok na second chance points ni Arabel Bacierto at tres ni Paraiso, 57-83. Nagising namang muli ang opensa ng UST buhat ng magkasunod na tres ni Agatha Bron at fastbreak play ni Ana Tacatac na tuluyang kumitil sa pagtatangka ng DLSU, 67-93.
Tangan ang 3-6 panalo-talo kartada, nananatiling manipis ang pag-asa ng Lady Archers na muling makapasok sa final four ng naturang torneo. Samantala, susubukang makalikom ng panalo ng Taft mainstays sa darating na Sabado, Nobyembre 4, sa ganap na ika-11 ng umaga sa SM Mall of Asia Arena.
Mga Iskor:
DLSU 67 – Mendoza 12, San Juan 12, Paraiso 12, Binaohan 9, Dalisay 7, Bojang 5, Sunga 4, Sario 4, De La Paz 2.
UST 93 – Tacatac 17, Santos 12, Ambos 11, Ferrer 10, Pastrana 10, Villasin 9, Bron 8, Dionisio 6, Soriano 5, Maglupay 5.
Quarter Scores: 15-25, 29-50, 47-81, 67-93.