PINALUBOG ng EcoOil-La Salle Green Spikers ang Philippine Christian University (PCU) – SASKIN Dasmariñas Dolphins sa loob ng straight sets, 25-18, 25-11, 25-22, sa kanilang pagtutuos sa Pool B ng Spikers’ Turf Invitational Conference 2023 sa Paco Arena, Oktubre 29.
Pinangunahan ni opposite hitter Rui Ventura ang dominasyon ng kalalakihan ng Taft tangan ang 13 puntos mula sa walong atake, apat na block, at isang service ace. Umagapay rin si La Salle open hitter Eugene Gloria nang umukit ng 14 na puntos mula sa 12 atake at dalawang block. Sa kabilang banda, kumayod sina PCU-Dasmariñas Team Captain Carlo Agatet at Reynald Honra para sa mga dolphin matapos rumatsada ng tig-10 marka.
Masigasig na binuksan ng Green Spikers ang bakbakan matapos basagin ni lefty spiker Ventura ang pader ng katunggali, 7-2. Gayunpaman, nakahabol sa talaan ang PCU-Dasmariñas nang tumikada ng atake si Honra mula sa likod, 10-7. Sa kabilang banda, pinalawig naman ng La Salle ang kanilang kalamangan matapos magpakawala ng crosscourt kill si rookie Yoyong Mendoza at panapos na quick hit si JJ Rodriguez, 25-18.
Pinaigting na depensa ang naging puhunan ng Taft-based squad pagdako ng ikalawang set matapos ang kaliwa’t kanang block nina Gloria at Ventura, 7-3. Kumamada rin ng puntos si Gloria mula sa likod upang palobohin ang bentahe ng Berde at Puti, 15-7. Sinubukan pang humabol ng PCU-Dasmariñas gamit ang down-the-line hit ni Gaylord Dela Cruz, 21-11. Gayunpaman, nagawang ipamalas ni Gloria ang kaniyang nag-aalab na presensya sa net upang tuldukan ang naturang set, 25-11.
Bumulusok ang puwersa ng Taft pagsapit ng ikatlong set matapos salantahin ng running attack ni middle blocker Nath Del Pillar ang kabilang koponan, 9-6. Nagpatuloy ang pag-arangkada ng Taft mainstays nang magpamalas ng atake si Gloria, 12-9. Sinubukang umahon sa lusak ng Saskin sa tulong ng 4-0 run, 12-13. Ngunit, hindi nagpatinag ang hukbo ng Taft at matagumpay na naitudla ang panalo matapos pumalaot ng crosscourt attack si Mendoza, 25-22.
Samakatuwid, matagumpay na naipundar ng Taft-based squad ang ikalawang panalo sa Pool B ng naturang torneo. Samantala, sunod na hahamunin ng Green Spikers ang hanay ng MKA San Beda Red Spikers sa darating na Nobyembre 12, Linggo, sa ganap na ika-5 ng hapon sa parehong lugar.