BUMUWELTA NG PANALO ang De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra sa mababagsik na National University (NU) Bulldogs, 88-78, sa kanilang ikalawang pagtutuos sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 28.
Umukit ng kasaysayan si Player of the Game Kevin Quiambao nang magrehistro ng unang triple-double output matapos ang limang taon bitbit ang 17 puntos, 14 na assist, 11 rebound, at apat na steal. Kumayod din para sa hanay ng Green Archers si Jonnel Policarpio matapos pumoste ng 15 marka. Sa kabilang banda, pinangunahan naman ni NU center Omar John ang kampanya ng Bulldogs tangan ang 16 na puntos.
Kaagad na pinatikim ni DLSU point guard Evan Nelle ang umaalingawngaw na puwersa ng Taft matapos liyaban ng tres ang labas ng arko, 12-5. Gayunpaman, nagawang pagdikitin ng Jhocson-based squad ang talaan nang busluhin ng atake ang mga nakaberde, 12-all. Nagpatuloy ang momentum ng Bulldogs matapos sunggaban ng tres ni Donn Lim ang kalalakihan ng Taft, 22-26. Samakatuwid, nalasap ng Bulldogs ang kalamangan sa unang kwarter, 24-26.
Nagawang paamuhin ni DLSU big man Quiambao ang Bulldogs matapos iangat ang iskor ng koponan pagdako ng ikalawang yugto, 38-28. Umagapay rin si Nelle nang pasiklaban ang Jhocson-based squad ng mid-range shot, 41-28. Nagpatuloy ang pananalasa ng berdeng kampo nang umeksena ng hook shot si point guard Jcee Macalalag, 44-34. Tinangka pang bumangon ng Bulldogs, subalit tinudlaan na ni Macalalag ang kwarter matapos rumatsada ng tres, 50-39.
Nagpaandar ng umaatikabong tres si UAAP Season 86 Most Valuable Player candidate Quiambao sa panimula ng ikatlong kwarter, 57-45. Nagpamalas naman ng matinik na depensa ang kalalakihan ng Taft upang makadiskarte ng midrange jumper si Nelle, 61-47. Nanatiling maalab ang opensa ng Taft mainstays matapos umeksena si Joshua David ng layup mula sa pasa ni Quiambao, 67-51. Sa pagtatapos ng naturang kwarter, mariing nailusot ni DLSU shooting guard Francis Escandor ang free throw shot upang palawigin ang angat, 69-55.
Namuhunan naman sa second chance points ang Green Archers mula sa offensive rebounds ni center Raven Cortez, 71-55. Patuloy na umarangkada si Quiambao matapos maipasok ang hook shot, 78-63. Dumistansya ng dalawang magkasunod na tres si point guard Mark Nonoy upang dalhin ang Taft-based squad sa 14 na markang kalamangan, 87-73. Kinalaunan, hindi na hinayaang makahabol ng Green Archers ang hanay ng Bulldogs nang selyuhan ni Quiambao ang sagupaan, 88-78.
Bunsod ng panalo, komportableng nakaupo sa ikatlong puwesto ang Green Archers tangan ang 6-3 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, sunod na maghihiganti ang Taft mainstays sa sandatahan ng University of the Philippines Fighting Maroons sa susunod na Linggo, Nobyembre 4, sa ganap na ika-6 ng gabi sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 88 – Quiambao 17, Policarpio 15, Nelle 14, Nonoy 10, Cortez 9, Macalalag 7, Nwankwo 5, David 4, Escandor 4, Abadam 3, Austria 0, B. Phillips 0, Gollena 0.
NU 78 – John 16, Baclaan 11, Malonzo 10, Lim 10, Figueroa 9, Palacielo 9, Casinillo 6, Gulapa 5, Parks 2, Yu 0, Galinato 0.
Quarter scores: 24-26, 50-39, 69-55, 88-78.