MULING NAGAPI ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang matayog na paglipad ng Adamson University (AdU) Lady Falcons sa kanilang ikalawang sagupaan sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Oktubre 25.
Nagningning si DLSU power forward Ann Mendoza para sa mga reyna ng Taft matapos magtala ng all-around performance kabilang ang double-double na 17 marka, 13 rebound, at tatlong block. Umalalay naman sina Luisa San Juan at Bernice Paraiso na tumudla ng pinagsamang 21 puntos. Samantala, nanguna para sa mga palkon si Victoria Adeshina matapos umukit ng sariling double-double na 11 puntos at 10 boards.
Masalimuot na binuksan ng hanay ng Taft ang unang kwarter matapos makapagtala ng apat na turnover. Bagamat napanatili ng Lady Archers na dikit ang talaan, 4-6, nakabuwelo ng 9-0 run ang mga palkon gamit ang nakasasakal na half-court press na nagdulot ng transition layups para sa koponan, 4-15. Nabuksan man ni point guard Bea Dalisay ang kandado sa rim ng Berde at Puting pangkat bunsod ng swabeng mid-range jumper matapos ang limang minutong kawalan ng field goal, napanatili pa rin ng Lady Falcons ang kontrol sa unang yugto, 9-17.
Patuloy na inilantad ng Adamson ang small-ball lineup ng mga nakaberde at lumusob ng inside shots sa ikalawang kwarter, 13-22. Kumalabit naman ng tres sina sharpshooter Lee Sario at San Juan, ngunit nasagot ito ng top of the key three ni Kim Limbago at jelly layup ni Cheska Apag, 19-30. Sa kabila nito, naagaw ng Taft-based squad ang kontrol buhat ng 7-0 run sa pamumuno ni Mendoza na gumuhit ng puntos sa yugto. Nakontrol man ang naturang bahagi, nabigong ipasok ng DLSU ang apat na free throw sa huling sampung segundo ng kwarter, 26-32.
Nakamtan naman ng Taft mainstays ang kanilang unang kalamangan sa sagupaan sa ikatlong kwarter bunsod ng tirada ni Sario sa labas ng arko, 33-32. Pumorsyento rin si Lady Archer Bettina Binaohan buhat ng mabigat na floater, 38-34. Bumira pa ng off-the-glass na tirada si San Juan upang palobohin ang kalamangan sa 11 marka, 47-36. Sinubukan pang humabol ng mga kababaihan ng San Marcelino sa nalalabing segundo ng kwarter, ngunit hindi nagpatinag ang Lady Archers tangan ang kalamangan, 51-47.
Pagdako ng huling yugto ng salpukan, naging maalab ang tambalang Sario at Binaohan matapos kumamada ng tira sa loob ng paint, 57-49. Patuloy ring nag-init ang mga kamay ni San Juan matapos bumomba ng tres upang limitahan ang pag-iskor ng Lady Falcons, 60-54. Nawaglit naman ang porma ng mga palkon sa matibay na depensa ng Lady Archers dahilan upang tuluyang selyuhan ang bakbakan, 71-61.
Kalong-kalong ang panalo, matagumpay na binuksan ng Lady Archers ang ikalawang yugto ng torneo bitbit ang 3-5 panalo-talo kartada. Samantala, muling aariba ang Berde at Puting koponan kontra sa mababangis na University of Santo Tomas Growling Tigresses sa darating na Linggo, Oktubre 29, sa ganap na ika-9 ng umaga sa parehong lugar.
Mga iskor:
DLSU 71 – Mendoza 17, San Juan 11, Paraiso 10, Sario 8, Dalisay 8, Binaohan 6, Delos Reyes 3, Bojang 2, Bacierto 2, Dela Paz 1
AdU 61 – Adeshina 11, Apag 8, Etang 8, Limbago 7, Dampios 6, Bajo 5, Padilla 4, Meniano 4, Alaba 2, Dumelod 2
Quarter Scores: 9-17, 26-32, 51-47, 71-61.