DINUROG ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 100-69, sa kanilang ikalawang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 25.
Pinangunahan ni DLSU power forward Jonnel Policarpio ang kampanya ng Green Archers matapos umukit ng 14 na puntos, 11 rebound, limang assist, isang steal at block. Kaagapay naman niya sa pagpuntos ang kapwa power forward na si Kevin Quiambao nang tumikada ng 22 puntos, 12 rebound, anim na assist, limang steal, at isang block. Sa kabilang banda, umarangkada para sa Growling Tigers si Nic Cabañero matapos pumukol ng 13 puntos, limang rebound, at anim na assist.
Gitgitang eksena ang ipinamalas ng dalawang koponan sa unang kwarter, ngunit sinimulan ni DLSU shooting guard Francis Escandor ang pag-arangkada ng Taft-based squad matapos kumamada sa free-throw line, 8-7. Kaakibat nito, mas pinatingkad ni Escandor ang dilaab ng La Salle sa bisa ng tirada mula sa labas ng arko, 16-9. Hindi rin nagpaawat si DLSU center Raven Cortez nang gambalain ang mga nakadilaw sa bisa ng reverse layup. Samakatuwid, tuluyang isinilid ni Quiambao ang kalamangan matapos makapaglista ng dos mula sa foul line, 29-21.
Maagang nagpakitang-gilas si big man Quiambao pagdako ng ikalawang kwarter matapos magpamalas ng isang spin move, 34-23. Nag-ambag din si DLSU team captain Ben Phillips ng apat na marka sa loob ng paint sa tulong ng mga assist ni Nelle, 40-25. Hindi naman nagpahuli ang kalalakihan ng España at lumikom ng 11-2 run matapos ang layup ni Cabañero, 42-36. Gayunpaman, nanaig pa rin ang bagsik ng Berde at Puti sa pagwawakas ng first half bunsod ng tirada ni Quiambao sa labas ng arko, 52-38.
Sa pagpasok ng ikatlong kwarter, lumagapak ang opensa ng magkabilang koponan nang walang maibunong puntos. Binasag naman ni Quiambao ang katahimikan matapos tumikada ng tres, 55-38. Nagpaulan din ng sunod-sunod na marka sina Green Archer Cortez, EJ Gollena, at Mark Nonoy, 62-43. Sa pagpatak ng ikalimang minuto, pinatawan si Nelle ng unsportsmanlike foul matapos dumaplis ang kamay sa isang Growling Tiger. Gayunpaman, muling kumaripas ng takbo ang Taft-based squad sa pangunguna ni Policarpio na tuluyang bumuwag sa depensa ng España-based squad, 75-49.
Kaagad na kumayod ng limang marka si Growling Tiger Cabañero mula sa isang tres at layup sa pagbulusok ng huling kwarter, 75-54. Subalit, nagpundar ng 8-0 run ang mga nakaberde sa bisa ng magkasunod na tres nina Joshua David at Gollena, 85-56. Nagpatuloy pa ang pananalasa ni Green Archer Quiambao gamit ang dalawang tres at isang layup, 95-67. Tuluyang iwinagayway ni point guard Jcee Macalalag ang Berde at Puting bandera matapos umukit ng layup, 100-69.
Buhat ng tagumpay na ito, umangat sa 5-3 panalo-talo ang baraha ng Green Archers at dumausdos naman sa 1-7 ang Growling Tigers. Samantala, susubukang makabawi ng Taft mainstays kontra National University Bulldogs sa darating na Sabado, Oktubre 28, sa ganap na ika-4 ng hapon sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 100 – Quiambao 22, Policarpio 14, Cortez 13, Nelle 11, Gollena 9, Escandor 6, Macalalag 5, Nwankwo 4, B. Phillips 4, Nonoy 4, David 3, Abadam 3, Austria 2.
UST 69 – Cabañero 13, Manaytay 10, Moore 9, Duremdes 8, Crisostomo, Laure 6, Lazarte 5, Llemit 4, Manalang 4, Ventulan 2, Gesalem 1.
Quarter Scores: 29-21, 52-38, 75-49, 100-69.