BINOMBA ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang himpilan ng University of the East (UE) Lady Warriors, 80-62, sa kanilang unang bakbakan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa Adamson Gym, Oktubre 21.
Itinanghal bilang Player of the Game si Lee Sario ng Lady Archers matapos tumikada ng 15 puntos, anim na rebound, apat na assist, at isang steal. Sa kabilang banda, pinangunahan ni Minslie Paule ang opensa ng Red Warriors matapos pumoste ng 17 puntos, pitong rebound, limang assist, at dalawang steal.
Naunang manalanta ang puwersa mula sa Silangan matapos pasabugan ng magkakasunod na puntos ang mga kababaihan ng Taft, 0-6. Sa kabila ng mabagal na simula, rumesponde ang Lady Archers sa nalalabing limang minuto ng unang kwarter. Bunsod nito, nasulot ng Taft mainstays ang kalamangan sa unang sampung minuto ng tapatan, 15-14.
Nagpatuloy ang dikdikang banggaan ng dalawang koponan sa pagbulusok ng ikalawang kwarter. Tinangkang paamuhin ng Taft-based squad ang pula at puting kampo matapos tumudla ng 27 puntos sa naturang yugto na nagbunga ng matagumpay na pagtatapos sa 1st half, 38-27.
Mas pinagtibay na momentum ang naging atake ng Lady Archers pagdako ng ikatlong kwarter. Sinubukan namang paglapitin ni Lady Warrior Dianne Pedregosa ang iskor ng dalawang koponan gamit ang magkasunod na atake sa rim, 45-38. Ngunit, patuloy pa ring lumobo ang kalamangan ng mga nakaberde pagsapit ng huling tatlong minuto ng tapatan. Samakatuwid, tuluyang winakasan ni Sario ang kwarter buhat ng isang free throw, 55-45.
Nagpakawala ng off-the-glass layup si Lady Archer Sario upang lalong paigtingin ang abante pagsampa ng ikaapat na kwarter, 64-51. Pumuwesto naman ng tirada sa labas ng arko si DLSU point guard Luisa De La Paz, 77-60. Bitbit ang hangaring maiuwi ang ikalawang panalo, ipinagpatuloy ng Taft-based squad ang nagniningas na dilaab sa pagtatapos ng regulasyon, 80-62.
Matapos ang engkwentro kontra Recto-based squad, napasakamay ng Lady Archers ang 2-5 panalo-talo kartada sa pagtatapos ng unang yugto. Samantala, susubukan pang makalikom ng mga panalo ng Berde at Puting pangkat sa ikalawang bahagi ng naturang torneo.
Mga Iskor:
DLSU 80 – Sario 15, Dela Paz 14, Paraiso 12, San Juan 11, Bacierto 10, Binaohan 6, Mendoza 6, Dalisay 4, Delos Reyes 2.
UE 62 – Paule 17, Pedregosa 15, Anastacio 6, Burgos 6, Dela Rosa 6, Delig 5, Lorena 4, Ruiz 2, Ronquillo 1.
Quarter Score- 15-14, 38-27, 55-45, 80-62.