NILAMPASO ng EcoOil-La Salle Green Spikers ang VNS Griffins sa loob ng straight sets, 25-23, 25-20, 25-20, sa pagbubukas ng Spikers’ Turf 2023 Invitational Conference sa Paco Arena ngayong araw, Oktubre 20.
Nagningning bilang Player of the Game si La Salle outside hitter Jules De Jesus matapos magpasabog ng 14 na puntos mula sa 12 atake at dalawang block. Sumaklolo rin sa opensa ng Taft-based squad si rookie Rui Ventura nang magsumite ng 15 marka. Sa kabilang banda, nanguna naman para sa Griffins si open hitter Ben San Andres tangan ang 16 na puntos.
Makipot na talaan ang bumungad sa magkabilang koponan nang magpalitan ng nagbabagang tirada sina San Andres at Ventura, 10-9. Hindi kalaunan, nakalayag sa komportableng kalamangan ang Green Spikers nang magliyab ang kamay ni De Jesus mula sa backrow, 17-13. Sinubukan pang humabol ng VNS sa tulong ng mga atake ni outside hitter Philip Bagalay, ngunit hindi ito naging sapat nang matuldukan ang unang set bunsod ng service error ni San Andres, 25-23.
Nagpatuloy ang pananalasa ni De Jesus matapos pumukol ng magkasunod na puntos gamit ang crosscourt attack sa pag-uumpisa ng ikalawang set, 6-3. Nakisabay naman ang Griffins sa pag-iskor buhat ng mga tirada nina middle blocker Jayvee Sumagaysay at Bagalay, 16-14. Gayunpaman, mabilis na umarangkada ang Taft mainstays matapos selyuhan ni opposite hitter Von Morata ang panalo sa naturang yugto, 25-20.
Pagdako ng huling set, nanatiling makamandag ang opensa ni lefty Ventura matapos magpakitang-gilas gamit ang down-the-line at off-speed attack, 5-3. Humarurot pa ng takbo ang EcoOil-La Salle nang umeksena si outside hitter Yoyong Mendoza sa net, 19-14. Nagawa namang dumikit ng Griffins matapos magpamigay ng libreng puntos ang mga nakaberde, subalit agad nang natuldukan ang sagupaan buhat ng magkasunod na error ng VNS, 25-20.
Bunsod ng tagumpay, unang nakaukit ng panalo ang EcoOil-La Salle sa Pool B ng naturang torneo.Samantala, susunod namang makahaharap ng Taft-based squad ang Philippine Christian University Dasmarinas-SASKIN sa Oktubre 29, sa ganap na ika-11 ng umaga sa parehong lugar.