NABITIN ang puwersa ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa marubdob na University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 61-65, sa kanilang unang bakbakan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa Adamson Gym, Oktubre 18.
Pinangunahan ni Lady Archer Ann Mendoza ang opensa ng DLSU matapos kumana ng 15 puntos, anim na rebound, at dalawang assist. Namukod-tangi naman ang tore ng Berde at Puti na si Aji Bojang nang magsumite ng 16 na rebound. Samantala, hinirang bilang Player of the Game si Fighting Maroon Kaye Pesquera tangan ang pitong marka at isang rebound.
Hirap makabuwelo ang Taft-based squad sa unang bahagi ng sagupaan matapos higpitan ng Fighting Maroons ang kanilang depensa sa kort, 0-7. Gayunpaman, agad na pinadikit ng Lady Archers ang talaan ng iskor nang manalasa si Mendoza sa rim, 12-all. Kasunod nito, hindi na nagpaawat si Mendoza nang tuldukan ang naturang kwarter gamit ang kaniyang suwabeng layup, 21-17.
Pagdako ng ikalawang kwarter, umeksena naman si small forward Luisa San Juan matapos pumoste ng magkasunod na puntos mula sa spin move layup at isang tres, 31-25. Gayundin, kumamada pa si Mendoza ng isang transitional layup at isang free throw, 34-27. Sa kabila nito, umarangkada naman ang Diliman-based squad sa huling bahagi ng kwarter matapos magpakawala ng magkasunod na tirada si Louna Ozar upang nakawin ang kalamangan sa pagtatapos ng 1st half, 36-38.
Humirit ng magkasunod na fastbreak buckets si power forward Bettina Binaohan para sa Berde at Puting pangkat upang itabla ang laban sa ikatlong kwarter, 40-all. Gayunpaman, patuloy ang paghihikahos ng koponan sa sunod-sunod na turnover upang makahirit ang Diliman-based squad ng 6-0 run, 40-46. Binuksan naman ni San Juan ang kandado ng rim matapos bumulusok ng tres sa kaliwang kanto. Naipagpatuloy ng DLSU ang momentum sa huling minuto ng yugto upang makuha ang kalamangan mula sa inside shot ni Mendoza, 50-49.
Naging maalat ang simula ng Lady Archers sa pagbubukas ng huling kwarter sa bisa ng nakasasakal na full-court press ng UP, 50-56. Sa kabila nito, matagumpay na nakadikit ang Taft mainstays nang patuloy na lumusob sa painted area na nagresulta sa mga free throw, 58-60. Sa huling dalawang minuto ng tapatan, nagawang makalusot ni Marian Domingo ng floater na sinundan ng pagbomba ni Pesquarra ng right-wing three. Nakapagtala man ng one-and-one play si San Juan, subalit hindi ito naging sapat upang maungusan ang Lady Maroons sa pagtatapos ng sagupaan, 61-65.
Bunsod ng pagkabigo, bigong madungisan ng Lady Archers ang perpektong baraha ng Fighting Maroons habang dala-dala ang 1-5 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, susubukang makabalik ng DLSU sa winning column kontra sa sandatahan ng University of the East Lady Warriors sa darating na Sabado, Oktubre 21, sa ganap na ika-11 ng umaga sa UST Quadricentennial Pavilion.
Mga Iskor
DLSU 61 – Mendoza 15, Binaohan 14, San Juan 14, Sario 7, Dela Paz 5, Bojang 4, Dalisay 2.
UP 65 – Ozar 14, Domingo 14, Bariquit 9, Sanchez 9, Pesquera 7, Onoh 5, Maw 3, Jimenez 2, Tapawan 1, Vingno 1.
Quarter scores: 21-17, 36-38, 50-49, 61-65.