Naglalakbay sa kagubatan, dahan-dahan upang hindi makalampag ang lungga ng mahihiwagang nilalang. Pagyuko sa ibaba dagliang namataan ang makukulit na duwende. Dali-daling tumakbo. “Tabi tabi po!” Hiyaw nang masilayan ang uugod-ugod na itsura ng nuno sa punso. Walang tigil silang nagsilabasan—unti-unti nang nahalungkat ang mitolohiyang mula pa sa mga ninuno. Paglingon sa kaliwa, natunaw ang puso sa kaakit-akit na diyosa. “Engkantada!” Bulong ng namamanghang isipan. Paglipas ng ilang minuto, napatingala na lamang sa puno at nasilayan ang isang kapre. Bumulaga rin ang mga aswang, sirena, at dragon—ilan pang nilalang na inaakalang sa kathang-isip lamang mahaharaya.
Mula sa direksyon ni Romualdo Tejada katuwang sina Ram Palomares at Andrea Mendoza, itinampok ng DLSU Harlequin Theatre Guild (HTG) ang “Halimaw.” Naisakatuparan ang makulay at malikhaing dulang hango sa 1971 sarsuwela ni Dr. Isagani R. Cruz nitong Oktubre 4 hanggang 7 sa Teresa Yuchengco Auditorium ng Pamantasang De La Salle. Nasaksihan din sa entablado ang talento ng mga tanyag na personalidad na sina Viñas Deluxe bilang Sirena, Bene Manaois bilang Hari, at Noel Comia Jr. bilang Alberto.
Nakabibighani’t nakakikilabot ang pagtatanghal sa ibabaw ng entablado. Napasabay nito ang katawan ng mga manonood sa bawat kantang narinig at sayawang namasdan. Gayunpaman, napatanong din ang isipan nila ukol sa nakagigimbal at nakalilitong mensahe ng istorya. Sa dinami-rami ng mga nilalang na itinampok, sino nga ba ang tinutukoy na halimaw?
Huwad na hiwaga
Umaapaw na pananabik ng mga nagririkitang kababaihan ang bumungad sa pagdiriwang ng kaarawan ng isang sakim at mapangmatang hari. Habang nagkakasiyahan ang lahat, nagulantang ang buong kaharian sa balitang nawawala ang tatlong Maria. Kasabay nito, nagpasiya si Alberto, isang trabahador sa palasyo, na hanapin ang mga nawawalang prinsesa. Tinuring mang mangmang ng nakararami, hinarap niya ang mapanghamong paglalakbay bitbit ang sariling tapang at espadang kaagapay.
Sa pakikipagsapalaran ni Alberto sa iba’t ibang sulok ng bansa, isa-isa niyang nakasagupa ang tatlong halimaw na sina Binibining Sirena, Ginang Purista, at Ginoong Dragon. Binigyang-katauhan nila ang mga ideolohiyang patuloy na pumipigil sa pag-usad ng bayan mula noon hanggang ngayon. Sa paglalayag ng sirena sa kaniyang balwarte, naikubli niya ang huwad na kalayaang inihain sa mga kabataang uhaw sa pagbabago. Binalot naman ng matatalinhagang bugtong at kasabihan ang paurong na kaisipan ng nakakikilabot na puristang aswang. Itinago naman ng pagbabalat-kayo ng dragong may tatlong ulo ang labis niyang kagahaman sa likod ng kinang ng salapi’t kayamanan. Sa pagsasama-sama ng kapangyarihan ng tatlong halimaw, inilihis nila ang mga tao sa tunay na kalaban. Binura ng mga halimaw ang anomang bakas ng layuning mag-aklas at magkaisa ng mga mamamayan. Walang habas na pinaslang ng mga makapangyarihan ang sinomang kumalaban sa kanila—gaya ng naging kapalaran ng sambayanan sa ilalim ng diktadura.
Tagumpay namang nailigtas ni Alberto ang mga prinsesa mula sa pagdakip ng mababangis na halimaw. Matapos magapi ang mga kalaban at malupig ang dating hari, sa kaniya ipinasa ang naiwang korona. Dala ng pag-uudyok ng mga nakapaligid sa kaniya, muli niyang pinagtibay ang monarkiyang bulok. Tila nalimutan ang demokrasyang sigaw ng mga aping biktima at pinili ang kayamanang nakasisilaw sa mata. Naglaho ang kaniyang kamusmusang taglay sa harap ng setro’t trono. Ipinakita nito ang masalimuot na katotohanang kayamanan, kapangyarihan, at kasakiman ang patuloy na nagpaiikot sa lipunan.
Dinala ng pagtatanghal na ito ang mga manonood sa kuwento ng isang monarkiya sa Pilipinas na binigyan ng makabagong kulay at modernong harmoniya ng musika. Sinalamin ng dulang isinulat noong dekada ‘70 ang kalagayang politikal ng bansa noong panahon ng rehimen. Kasabay nito, inilantad din ang kasalukuyang estado ng bayan at ang patuloy na pananalaytay ng korapsyon at inhustisya sa sistema.
Gamit ang hiwaga ng musika at komedya, higit na naaliw at napukaw ang atensyon ng mga manonood. Subalit, sa gitna ng bawat awit at patawa, ipinakita ang kadilimang bumabalot sa mga kontrobersyal na isyu sa bansa. Mula noon hanggang ngayon, katarungan ang sigaw ng mga nilalang na tinanggalan ng karapatang mamuhay nang malaya sa sariling bayan. Hindi nagkibit-balikat ang sarsuwela—sa puwersa ng pinagkaisang talento sa entablado, muling gigising ang nagngangalit na diwang pinatahimik ng mga naghaharing demonyo.
Matalas na pangil at bahag na buntot
Mistulang halimaw ang kabuuang pagtatanghal na pinaglalaruan ang biktimang madla—inaliw ngunit ipinalimot ang tinataglay na bangis ng mensaheng ipinaabot. Natabunan ng umaalingawngaw na tawanan ang mensaheng nais ipagsigawan. Sumisid ang likhang-sining sa maseselang tema kagaya ng giyera, redtagging, at extrajudicial killings, ngunit nagmintis sa pagpunto ng malalim nitong kahulugan. Salungat sa mabibigat na paksa ang ibinabatong diyalogo ng bawat karakter na nagdulot ng pagkalito sa madla—sineryoso nga ba ang mga isyung panlipunan? Gayunpaman, nagtagumpay pa rin ang sarsuwela sa pagmulat ng kaisipan ng madla ukol sa mararahas na karanasan noong dekada ‘70.
Nakamamangha naman ang mga eksenang kinabibilangan ng mga bigating personalidad na sina Viñas, Manaois, at Comia. Walang labis ang mga pag-arte at nahigitan ang antisipasyon ng madla bago pumasok ng tanghalan. Subalit, nadala man ng hari at sirena ang manonood sa kasagsagan ng pagkalibang, naging mabagal ang takbo ng mga sumunod na arko. Bigong mapanatili ang interes ng madla sa kabuuan ng sarsuwela sapagkat may pag-aasam na mahigitan o mapantayan ang mga naunang eksena. Mapapansin din ang kakulangan sa kagarbohan ng disenyo ng tanghalan para sa inaabangang dragon—nanaisin na lamang bumalik sa entablado ang ibang nakalilibang na mga karakter.
Naghalo-halo man ang saya, lungkot, at takot na naramdaman, napagtanto pa rin ang nakakikilabot na mensaheng isinisigaw ng dula. Sa pagsuot ng korona sa bagong haring si Alberto, naging malinaw ang uri ng mga halimaw. Hindi lamang sila mga nilalang galing sa mitolohiyang hubad na kinamumuhian, sapagkat maaari rin silang magkatawang-taong higit pang kasusuklaman. Sa huli, iiwanang hati ang madla sa kanilang nararamdaman—kamuhian si Alberto sa paglapastangan sa kapwa o intindihin ang sinapit niya sapagkat sino bang hindi matutukso sa bitag ng kumikinang na kapangyarihan?
Pagsakmal ng panibagong trono
Sinasalamin ng sari-saring hiwaga’t dilim na namataan sa likhang-sining ang payak na kalagayan ng mga Pilipino sa ilalim ng suwapang na pinuno. Sangkatutak man ang ipinakitang misteryosong nilalang, batid pa ring kabilang sa sangkatauhan ang pinakamabagsik na halimaw. Sa tuktok ng trono, masisilayan ang kasuklam-suklam na anyo ng taong nag-aastang nasa itaas ng tatsulok. Tinapak-tapakan ng demonyo ang bawat taong nararapat pagsilbihan maupo lamang sa luklukang pininturahan ng dugo.
Batid sa palabas na puno’t dulo ng pag-aalsa at pagkakawatak-watak ng taumbayan ang walang silbi at makasariling lider. Matibay ang inspirasyon nito sapagkat sinasalamin ng mga senaryo ang naranasan ng mga Pilipino noong dekada ‘70. Gayunpaman, hindi napanatili ng isinagawang palabas ang pagpapakita ng masisidhing buhay sa ilalim ng mapang-abusong hari. Nagbuhol-buhol ang emosyon ng mga manonood dahil sa biglaang pagsulpot ng komedya sa iba’t ibang bahagi ng sarsuwela. Sa kabila nito, walang pasintabing ibinunyag ng obra ang hatid nitong kabuluhan sa kasalukuyang panahon—ang pagbangon ng bagong haring aabusuhin ang sambayanan.
Tatayo’t lilitaw muli ang mga panibagong nagkatawang-taong halimaw. Sa gayon, nararapat tumindig at magkaisa upang mabuwag ang palasyo ng hari at matigil ang pagpatong ng makapangyarihang korona sa ulo ng mga inutil.