KUMUPAS ANG DILAAB ng De La Salle University (DLSU) Green Archers matapos yumukod sa magigiting na University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 64-67, sa kanilang unang salpukan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 18.
Pinangunahan ng big men duo na sina Michael Phillips at Kevin Quiambao ang opensa ng Green Archers matapos magrehistro ng 15 at 14 na marka. Sa kabilang banda, itinanghal bilang Player of the Game si UP center Malick Diouf matapos pumoste ng 18 rebounds, 10 puntos, dalawang block, at dalawang steal. Umukit din ng pinagsamang 23 marka sina Fighting Maroon Gerry Abadiano at Harold Alarcon.
Mainit na tensyon ang agad na namutawi sa pagitan ng Green Archers at Fighting Maroons sa pagbubukas ng unang kwarter. Malaki ang naging kontribusyon ni DLSU center Bright Nwankwo matapos bumuwelta ng rumaragasang drive na sinabayan pa ni Quiambao ng sunod-sunod na tirada sa labas ng arko, 14-11. Bunsod nito, tuluyan nang inangkin ng kalalakihan ng Taft ang unang kwarter, 28-21.
Nag-uumapaw na enerhiya ang ipinamalas ng Taft-based squad sa ikalawang kwarter nang magpakawala ng kaliwa’t kanang tirada sina Green Archer Jcee Macalalag, Joaqui Manuel, at M. Phillips. Nagwakas ang naturang kwarter matapos maipasok ni DLSU small forward CJ Austria ang sablay na tira ni Manuel, 47-38.
Binuksan ni DLSU power forward Quiambao ang ikatlong kwarter sa bisa ng naglalagablab na tres, 50-38. Sa kabila nito, nalimitahan pa rin ang opensa ng Taft-based squad sa pagpatak ng ikalimang minuto. Patuloy na naging mapusok ang hanay ng Fighting Maroons matapos gumawa ng umaatikabong 21-0 run dahilan upang hindi papormahin ang Taft mainstays sa pagtatapos ng ikatlong kwarter, 50-59.
Pagdako ng huling yugto ng sagupaan, tumuklaw ng tres si DLSU point guard Joshua David upang patahimikin ang Diliman-based squad, 55-63. Sinundan pa ito ng slam ni big man M. Phillips, 57-63. Umukit naman ng puntos sa loob si Quiambao upang itabla ang talaan, 63-all. Sinubukan pang humabol ng Taft-based squad ngunit sinelyuhan na ng Fighting Maroons ang sagupaan, 64-67.
Bunsod ng pagyuko sa mga iskolar ng bayan, tuluyang nakamtan ng Green Archers ang 3-3 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, susubukang makabalik ng Taft mainstays sa pagkapanalo kontra University of the East Red Warriors sa pagtatapos ng unang yugto ng kompetisyon sa darating na Sabado, Oktubre 21, sa ganap na ika-4 ng hapon.
Mga Iskor:
DLSU 64 – M. Phillips 15, Quiambao 14, David 7, Manuel 7, Nwankwo 6, Nonoy 5, Austria 5, Abadam 2, Macalalag 2, Policarpio 1, B. Phillips 0, Escandor 0, Gollena 0.
UP 67 – Abadiano 13, Alarcon 10, Diouf 10, Lopez 7, Cansino 7, Torres 7, Belmonte 7, Cagulangan 6, Felicilda 0, Alter 0, Torculas 0, Pablo 0, Gonzales 0.
Quarter scores: 28-21, 47-38, 50-59, 64-67.