ISINABATAS sa ika-14 na regular na sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang Legislative Appropriations Act of 2023, Oktubre 11. Inilalatag nito ang mga panuntunan para sa appropriations fund ng mga yunit ng University Student Government (USG) at ang pagbubukas ng depository account ng lupon.
Muling pinagtibay sa panukala ang layunin ng naipasawalang-bisang Appropriations Act of 2015 na inakda nina dating Chief Legislator Patrick Khan, EXCEL2015 Micah Fernando, BLAZE2016 Patrick Alcantara, at BLAZE2015 Kiara Lin upang isaayos ang sistema ng paglalaan ng pondo sa loob ng USG.
Pagbagsak ng sistema
Orihinal na inihain ang Appropriations Act of 2015 bilang tugon sa paglobo ng bank account ng USG dahil sa mga pondong walang tiyak na depositor. Itinalang nasa Php946,998.45 ang kabuuan nitong balanse bago ipasa ang naturang batas. Bunsod nito, iminandato ng resolusyon ang paglikha ng panibagong account para sa appropriations fund na nararapat maglaman ng hindi bababa sa Php50,000 at lilikumin mula sa 15% depository fund ng bawat yunit ng USG.
Naitaguyod ng pondo ang iba’t ibang proyekto sa Pamantasan, kabilang na ang pagtatatag ng Boto Lasalyano, Sulong Pilipino na inisyatiba ng Office of the President, Office of the Vice President for External Affairs, at LA. Gayunpaman, bumaba na lamang sa Php12,078.36 ang halaga ng pondo dulot ng kabiguan ng mga humaliling executive treasurer na sundin ang mga nabanggit na mandato.
Isiniwalat din nina Chief Legislator Sebastian Diaz at USG Executive Treasurer Cid Gernandiso na hindi na muling nagamit ng dalawang nagdaang administrasyon ang lumang account simula nang bumaba ang nilalaman nito sa itinakdang balanse. Samakatuwid, wala nang ipinatutupad na polisiya para sa paghawak ng appropriations fund ang USG at bumabase na lamang din sa taunang alokasyon ng pondo ang mga operasyon ng LA.
Pagsasaboses ni Gernandiso, “[Tracking previous accounts] is very unlikely. . . That’s something that I have also raised to [the] accounting [office]. But since changing to the new system in-between, medyo mahirap-hirap siyang gawin.”
Repormang pinansyal
Hahawakan ng Office of the Chief Legislator (OCL) ang bagong depository account na ipagkakaloob sa LA, batay sa Legislative Appropriations Act of 2023. Kaugnay nito, isasalin ng Office of the Executive Treasurer (OTREAS) ang kabuuang appropriations fund sa OCL.
Maaaring magpaabot ng appropriations request sa chief legislator ang ibang mga yunit ng USG para sa pagsasagawa ng kanilang mga workshop, seminar, at iba pang aktibidad. Maglalaman ang naturang request ng mga pre-activity document, tala ng halaga ng kinakailangang pondo, at paliwanag ng yunit para sa paghingi nito.
“Every year naman, we’re supposed to have an amount of money [as USG units], so we [the LA] need to know why it’s necessary for us to be allocating them money when they have their own,” pagpapahayag ni Diaz. Gayundin, obligasyon ng OTREAS ang pagdedeposito ng halagang ipagkakaloob sa account ng yunit na nakatanggap ng pag-apruba mula sa LA.
Iginiit naman ni Gernandiso na mas makabubuting ang Office of the University Legal Counsel (OULC) ang magpadala ng mga request sa Commission on Audit (COA) at lalagdaan na lamang ito ng OTREAS matapos makalap ang mga kumpletong papeles. Kaugnay nito, ilalapit muna sa COA ang kanilang mungkahi bago isapinal ang magiging proseso ng mga request.
Pinagtibay naman ni Diaz at ng komite ng Rules and Policies (RnP) ang mga limitasyong nakasaad sa orihinal na batas. Ipinagbabawal nito ang mga appropriations request para sa mga personal na aktibidad at mga inisyatibang nakatuon sa labas ng Pamantasan. Dagdag pa ni Diaz, hindi nasasaklaw ng probisyong ito ang mga proyekto ng LA.
Binibigyang-kalayaan naman ang lupon na magsulong ng mga panlehislaturang aktibidad para sa paglikom ng appropriations fund. Kabilang na rito ang pagbebenta ng mga merchandise o event ticket at pakikipag-ugnayan sa mga eksternal na organisasyong aprubado ng chief legislator at Legislative Assembly Inner Circle.
Iminamandato rin sa bagong resolusyon ang pagsasauli sa LA ng mga hindi nagamit na pondo ng mga pinamahagiang yunit. Dudulog naman ang lupon sa OTREAS at Department of Activity Approval and Monitoring upang patawan ng 30 araw na suspensyon ang mga hindi susunod.
Pagbubuod ni Gernandiso, “[The] depository [account] is meant to be your money mismo. It is not under La Salle. . . You would be able to treat this as your own bank account—your own personal money. This is not under SLIFE (Office of Student Leadership, Involvement, Formation, and Empowerment), but for OULC talaga.”
Inaprubahan ang resolusyon sa botong 17 for, 0 against, at 0 abstain.
Mga pangwakas na inisyatiba
Inilahad ng mga pinuno ng RnP at mga komite ng Student Rights and Welfare (STRAW) at National Affairs (NatAff) ang kani-kanilang mga plano para sa nalalabing linggo ng unang termino. Ipinagbigay-alam ni Mika Rabacca, chairperson ng RnP, na isasagawa pa lamang ng kanilang komite ang post-inquiry report tungkol sa kabiguan ng General Elections 2023.
Samantala, malugod na ibinalita nina Sai Kabiling, vice chairperson ng STRAW, at Cedric Bautista, kalihim ng STRAW, na napadalhan na ang mga opisina ng Pamantasan ng mga liham ng konsultasyon para sa pagsasakatuparan ng multi-faith room at pagrerebisa ng mga kwalipikasyon para sa mga latin honor. Sinimulan na rin ng komite ang paglikha ng mga sarbey para sa mga naturang programa alinsunod sa abiso ng SLIFE.
Ayon naman kay Zak Armogenia, chairperson ng NatAff, inaasahan ng kanilang komiteng makapagdaos na rin ng konsultasyon kasama ang SLIFE sa susunod na linggo upang talakayin ang mga plano para sa Philippine Ethnic Diversity Council.