PUMALYA ang mga pana ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa bangis ng National University (NU) Lady Bulldogs, 53-91, sa kanilang unang pagtutuos sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 15.
Pinangunahan ni Lady Archer Lee Sario ang opensa ng DLSU nang magsumite ng 14 na puntos, limang rebound, at isang steal. Sa kabilang banda, kinilala bilang Player of the Game si Lady Bulldog Camille Clarin matapos magpakawala ng 19 na puntos, anim na rebound, at isang steal.
Nagtamo ng magkakasunod na shot clock violation ang Lady Archers matapos ipamalas ng NU ang kanilang bantay-saradong depensa. Kaakibat nito, sinamantala ni Clarin ang nagkukumahog na Taft-based squad nang magpakawala ng dalawang magkasunod na tirada sa labas ng arko, 0-6. Sa kabila nito, nakaukit naman ng puntos sina shooting guard Sario at small forward Beth Delos Reyes upang tuldukan ang unang kwarter, 11-23.
Kaagad na sinupalpal ng tres ng Jhocson-based squad ang Taft mainstays upang simulan ang bugso ng ikalawang kwarter, 11-26. Bunsod ng malaking kalamangan, tinangkang pormahan ni Lady Archer Sario ang labas ng arko at matagumpay na nadispatsa ang puntos, 18-37. Bitbit ang hangaring pagdikitin ang talaan, bumuslo naman ng atake si DLSU point guard Luisa De La Paz, 26-42. Samakatuwid, hindi naging sapat ang pagpupuyos ng mga nakaberde nang matudlaan ang ekspedisyon ng koponan sa naturang yugto bunsod ng free-throw shot ng Bulldogs, 33-45.
Bahagyang nabuhay ang pag-asa ng Lady Archers sa ikatlong yugto sa pangunguna ng tambalang Luisa San Juan at Sario na nagpakawala ng tig-isang tres. Dumikit man sa talaan ang DLSU, hinarang naman agad ito ng kampo ng NU nang magsanib-puwersa sina Stefanie Berberabe, Karl Pingol, at Clarin sa pagsipat ng panibagong kalamangan mula sa mga second-chance point, 43-54. Sinubukan muling pumorsyento ng DLSU buhat ng mabigat na floater ni power forward Patricia Mendoza, ngunit hindi ito naging sapat nang muling ibalik ng NU ang kanilang full-court press na depensa. Hindi na pinalampas ni NU shooting guard Clarin ang napurnadang pagtatangka ng Taft mainstays at muling naglista ng isang tres bilang panapos sa kwarter, 45-59.
Namuhunan ang Lady Bulldogs mula sa mga pulidong galaw ng bola at tira sa labas nina Marylene Solis at Jeeuel Bartolo pagsampa ng huling yugto, 47-76. Sumaklolo naman para sa Lady Archers si power forward Bettina Binaohan matapos magtala ng 4-0 run mula sa kaniyang back-to-back fadeaway shot, 51-76. Sa kabila ng pag-arangkada ng Berde at Puting koponan, kaagad itong inapula nina Lady Bulldog Bartolo at Berberabe sa bisa ng 3-point shot at fast break play bilang pandagdag sa danyos, 51-81. Buhat nito, tuluyang nalanta ang DLSU at nagkasya na lamang sa anim ang produksyon ng iskor sa kabuuan ng huling yugto, 53-91.
Bunsod ng pagkatalo, patuloy ang paghihikahos ng Lady Archers na makarating sa tuktok ng talaan matapos pumana ng 1-4 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, susubukan ng kababaihan ng Taft na makabawi sa susunod na sagupaan kontra University of the Philippines Fighting Maroons sa darating na Miyerkules, Oktubre 18, sa ganap na ika-11 ng umaga sa Adamson Gym.
Mga Iskor
DLSU 53 – Sario 14, Binaohan 12, Bojang 10, Dela Paz 5, San Juan 5, Delos Reyes 4, Mendoza 2, Dalisay 1.
NU 91 – Clarin 19, Fabruada 13, Pingol 11, Bartolo 9, Solis 8, Surada 7, Betanio 7, Cayabyab 6, Canuto 4, Alcantara 3, Berberabe 2, Talas 2.
Quarter scores: 11-23, 33-45, 45-59, 53-91.