SUMABLAY ang De La Salle University (DLSU) Green Archers sa kanilang tapatan kontra National University (NU) Bulldogs, 77-80, sa pagpapatuloy ng University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 15.
Nanguna para sa Green Archers si power forward Kevin Quiambao matapos makapag-ambag ng 25 puntos, siyam na rebound, apat na assist, isang block, at isang steal. Bumida naman para sa Bulldogs si Player of the Game Jake Figueroa matapos makalikom ng 15 puntos, 10 rebound, tatlong assist, at dalawang steal.
Matulin ang naging pasiklaban ng dalawang koponan sa unang kwarter nang magsagutan ng dos sina Green Archer Bright Nwankwo at Bulldog Omar John, 2-all. Tinibag naman ni Quiambao ang tablang talaan bunsod ng dalawang puntos mula sa free-throw line, 13-11. Lumiyab pa ang huling isang minuto ng salpukan nang maghalinhinan ng tres ang dalawang koponan, subalit napasakamay ng Jhocson-based squad ang unang bentahe sa pagtatapos ng naturang kwarter, 16-19.
Tuluyang naglagablab ang mga galamay ng magkabilang koponan pagdako ng ikalawang kwarter. Gayunpaman, nagawang magpaulan ng sunod-sunod na tres nina Green Archer Quiambao, Mark Nonoy, at Earl Abadam, 29-23. Kaagad naman itong sinagot ng hanay ng NU matapos pumuwesto ni Michael Malonzo sa labas ng arko, 29-26. Subalit, hindi nagpatinag si DLSU center Nwankwo nang dalawang beses patigilin ang tangkang tirada ng Bulldogs upang wakasan ang first half sa tablang talaan, 37-all.
Sa pagpatak ng ikatlong kwarter, umukit si Bulldog Jolo Manansala ng marka mula sa loob ng paint na agad sinuklian ng rumaragasang tres ni DLSU team captain Ben Phillips, 46-44. Nakapagtudla naman ng pinagsamang apat na puntos si Quiambao mula sa assist ni Mike Phillips at kaniyang floater, 50-47. Gayunpaman, hindi napigilan ng Taft mainstays ang pagbulusok ni Manansala matapos magsumite ng tres, 50-all. Sinubukan pa ni DLSU power forward Jonnel Policarpio na pataasin ang kanilang abante gamit ang kaniyang layup, subalit humirit ng dos ang kalalakihan ng Jhocson sa pagwawakas ng naturang yugto, 52-all.
Tangan ang tindi ng dikdikang sagupaan sa ikaapat na yugto, nagpatuloy ang pagpapasiklab ni Bulldog Manansala matapos ang isang assist kay Figueroa, 55-56. Hindi naman nagpadaig ang Berde at Puting koponan nang magpundar ng pinagsamang limang puntos sina Green Archer Quiambao at Evan Nelle, 61-62. Gayunpaman, natuldukan ang mainit na regulasyon matapos maipasok ni Figueroa ang tirang nagresulta sa overtime, 67-all.
Naramdaman pa lalo ang pagkauhaw sa panalo ng dalawang koponan nang bumuga ng layup si NU point guard Nash Enriquez at bumira ng putback si M. Phillips, 69-all. Higit pa rito, nakapagsalaksak ng limang puntos si Bulldog Patrick Yu sa bisa ng kaniyang jumper at floater, 69-74. Bagamat nagkukumahog ang opensa ng Green Archers, agad na rumesponde si DLSU point guard Nelle matapos magdispatsa ng umaatikabong tres. Subalit, tuluyang winaksi ng Bulldogs ang natitirang pag-asa ng mga nakaberde sa pagtatapos ng karagdagang limang minuto, 77-80.
Bunsod ng pagkatalong ito, nakamtan ng Green Archers ang 3-2 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, sunod na hahamunin ng Taft-based squad ang matatapang na University of the Philippines Fighting Maroons sa darating na Miyerkules, Oktubre 18, sa ganap na ika-6 ng gabi sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 77 – Quiambao 25, Nonoy 10, Nelle 9, Phillips 7, Abadam 6, B. Phillips 5, Escandor 5, Manuel 3, Austria 3, Policarpio 2, Nwankwo 2
NU 80 – Figueroa 15, Manansala 13, Yu 12 ,John 10, Baclaan 7, Malonzo 7, Enriquez 7, Lim 5, Palacielo 4
Quarter Scores: 16-19, 37-37, 52-52, 67-67, 77-80.