PINAIGTING sa Kapihan ng Malalayang Lasalyano (KAMALAYAN) ang kabatiran at sigasig ng mga Lasalyano ukol sa papalapit na Oktubre 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na ginanap sa Henry Sy Grounds, Setyembre 27.
Ibinandera ng KAMALAYAN ang temang “Kuwentuhang Paghahanda at Pakikilahok sa Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) Elections.” Nilalayon nitong bigyan ang Commission on Elections (COMELEC) at ang ilang election watchdogs ng pagkakataong talakayin ang BSKE. Magkatuwang na inorganisa ng DLSU Committee on National Issues and Concerns, DLSU Jesse Robredo Institute of Governance, Lasallian Justice and Peace Commission, Center for Social Concern and Action, USG Office of Vice President for External Affairs, at Culture and Arts Office ang nasabing diyalogo bilang bahagi ng pagdiriwang ng Lasallian Human Rights, Democracy, and Peace Month.
Kabilang sa mga imbitadong tagapagsalita sa diskusyon sina COMELEC Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, National Citizens’ Movement for Free Elections (NAMFREL) Secretary-General Eric Alvia, at Legal Network for Truthful Elections (LENTE) Project Director Brizza Rosales.
Kahalagahan ng 2023 BSKE
Pinanindigan ni Rosales na ang pakikilahok sa 2023 BSKE ang pinakasimpleng paraan upang gampanan ng bawat mamamayan ang kanilang bahagi sa gawaing pansibiko. Kaugnay nito, hinikayat ni Rosales ang mga tagapakinig na maging mapanuri at siguruhing tanging mga karapat-dapat ang maihalal sa mga puwesto.
Inihambing naman ni Alvia ang istruktura ng representasyon ng kabataan sa Pilipinas at sa ibang bansa. Ayon kay Alvia, “[satin] lang sa mga bansa sa mundo na-institutionalize ‘yung youth representation. Wala pa tayong nakikita na ibang bansa na nagbibigay ng pagkakataon [sa kabataan] na magkaroon ng direct representation sa gobyerno.”
Sa kabilang dako, nagbalik-tanaw si Laudiangco sa mga pangyayari noong kasagsagan ng pandemya upang bigyang-konteksto ang punto nina Rosales at Alvia ukol sa papel na dapat gampanan ng barangay.
Ipinunto ni Laudiangco ang mahalagang gampanin ng barangay bilang pangunahing daluyan ng serbisyo’t tulong sa mga mamamayan. Ayon kay Laudiangco, tumatayo ang barangay bilang pangunahing kaagapay ng iba’t ibang sangay at ahensya ng pamahalaan, tulad ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP).
Kaugnay nito, inilahad din ni Laudiangco ang pagtayo ng barangay bilang pangunahing sandigan ng mga mamamayan noong kasagsagan ng pandemya. Ayon sa kaniya, barangay ang unang tumutugon sa pangangailangan ng mga tao, mula sa pagkakaloob ng agarang ambulansya sa mga kailangang dalhin sa ospital hanggang sa pagtutustos sa pang-araw-araw na pangangailangan ng bawat pamilya lalo na sa mga nawalan ng trabaho.
Inobasyon para sa BSKE
Itinampok ni Laudiangco na halos 100% na ang kahandaan ng COMELEC para sa darating na BSKE. Nakapaglimbag na ng 92 milyong Official Ballots (OBs) ang komisyon na nakalaan para sa naitalang 68 milyong botante para sa opisyal ng barangay at 24 milyong botante sa SK. Dulot ng mga pagpapaliban noong taong 2020 at 2022, ito ang magiging unang halalan para sa mga kandidato ng barangay at SK makalipas ang limang taon.
Itinaas din ng COMELEC ng Php4,000 ang nakalaang sahod para sa mga gurong magsisilbing parte ng mga electoral boards (EBs) sa eleksyon. Bunsod nito, Php10,000 na ang ibibigay sa mga chairperson; Php9,000 sa mga miyembro; at Php8,000 sa mga kawani. Dagdag ni Laudiangco, nagkaroon ng pag-eensayo ang mga EB nitong Setyembre 23 bilang paghahanda para sa BSKE .
Naglunsad na rin ng pilot testing ang komisyon para subukan ang paglunsad ng Automated Elections System sa BSKE, na karaniwang gumagamit lamang ng mano-manong pagtatala. Isinagawa ito sa tatlong piling barangay: Barangay Paliparan III, Barangay Poblacion Zone II, at Barangay Pasong Tamo.
Susubukan din ang pagkakaroon ng maagang oras ng pagboto para sa vulnerable sector sa Muntinlupa City at Naga City. Inilahad ni Rosales na bubuksan ang mga presinto ng botohan sa naturang siyudad sa ganap na ikalima ng umaga at bibigyang-priyoridad ang mga botanteng may espesyal na pangangailangan, kabilang na ang mga matatanda, may kapansanan, at mga buntis.
Kakulangan sa mga kandidato
Isiniwalat ni Laudiangco na marami pa ring mga barangay sa Pilipinas ang may kakulangan sa kandidato kahit na nasa 1.415 milyon na ang naitalang bilang ng mga nagsumite ng Certificate of Candidacy (COC) sa bansa. Buhat ng limang taong patlang mula noong huling BSKE, naging 2,389 na ang naitalang mga barangay na walang opisyales ng SK bago pa man ang filing ng COC ngayong taon. Labis na mas mataas ang bilang ngayon mula sa naitalang 105 na barangay noong 2018.
Ibinahagi ni Laudiangco na maaaring rason ang sadyang pagbaba ng interes ng kabataan sa pagtakbo sa SK sa pagbaba ng bilang ng mga kandidato. Bukod pa rito, aniya posibleng sanhi ang anti-political dynasty provision ng SK Reform Act of 2015 o Batas Republika 10742.
Ipinagbabawal ng Seksyon 10 ng SK Reform Act na ang mga kakandito sa SK na mayroong relasyon na nasasaklaw ng second degree of consanguinity or affinity sa sinumang kasalukuyang nanunungkulang opisyal ng gobyerno mula sa pambarangay hanggang pambansang antas.
Ipinahiwatig din ni Rosales na ang pagsasagawa ng call-to-action sa mga botante ang isa sa mga maaaring makalutas sa kakulangan ng mga kandidato. Kaugnay nito, inanyayahan din ni Alvia ang mga Pilipino na gampanan ang kani-kanilang responsibilidad bilang mga botante at mamamayan. Binanggit nina Rosales at Alvia na naghanda ng mga programa ang LENTE at NAMFREL para sa mga nagnanais na tumakbo sa BSKE.
Pag-aksyon para sa patas na 2023 BSKE
Ibinandera ni Laudiangco ang puspusang pagkilos ng COMELEC, kasama ng iba’t ibang organisasyon tulad ng LENTE at NAMFREL, upang sugpuin ang katiwalian at paglabag sa Omnibus Election Code.
Inilunsad ng COMELEC ngayong taon ang Committee on Kontra Bigay upang magsilbing tanggapang lulutas sa mga reklamo ng mga mamamayan ukol sa vote buying. Ayon kay Laudiangco, nagsasagawa ang naturang komite ng masusing pagsusuri sa bawat reklamo upang mapanagot ang mga kandidatong sangkot sa katiwalian.
Kaakibat nito, nakikipagtulungan din sa AFP, National Bureau of Investigation, at PNP ang COMELEC upang protektahan ang pagkakakilanlan ng mga saksi sa mga insidente ng vote buying.
Ipinagmalaki rin ni Laudiangco ang pakikipagsanib-puwersa ng COMELEC sa Public Attorney’s Office upang pagtibayin ang mga kasong isinampa kontra vote buying. Aniya, nagkaroon ng Memorandum of Agreement upang maisakatuparan ang naturang kolaborasyon noong Oktubre 2, 2023.
Sa kabilang dako, siniguro naman ng COMELEC na hindi magkakaroon ng anumang aberyang may kaugnayan sa pagkawala ng kuryente sa bawat paaralan. Ayon kay Laudiangco, mayroong mga generator at back-up battery ang mga barangay na magsasagawa ng automated na eleksyon.
Magpapadala rin ng karagdagang tao ang NAMFREL at LENTE upang magsilbing mga tagapagmasid sa mano-manong pagbibilang ng mga boto sa bawat barangay. Sambit ni Laudiangco, ito ang pinakamabisang solusyon upang mapigilan ang anumang anyo ng panloloko at pagmamanipula sa resulta ng halalan.
Nagbabala naman si Laudiangco sa mga kandidatong nagtatangkang mangampanya bago pa man ang opisyal na simula ng pangangampanya para sa 2023 BSKE. Pagdidiin niya, hindi pinahihintulutan ang kahit anong pamamaraan ng pangangampanya bago pumatak ang Oktubre 19.
Alinsunod ang naturang patakaran sa Omnibus Election Code, Section 80, “It shall be unlawful for any person, whether or not a voter or candidate, or for any party, or association of persons, to engage in an election campaign or partisan political activity except during the campaign period.”
Ayon sa datos ng COMELEC, mayroon nang 2,500 reklamo ukol sa mga kandidatong nangampanya bago pa man mag-Oktubre 19, ngunit 625 sa mga ito ang nabasura dahil sa kakulangan ng ebidensya upang maging ganap na kaso.
Sinigurado ni Laudiangco na dumadaan sa tama at masusing proseso ng imbestigasyon ang bawat reklamo bago magsampa ng kaso ang COMELEC laban sa mga kandidatong inirereklamo.
Paninindigan niya, ginagawa ng COMELEC at mga kaakibat nitong institusyon at organisasyon ang lahat upang mapanatiling malinis at patas ang nalalapit na eleksyon.