NAKAMTAN ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang tamis ng higanti matapos panain ang kawan ng Adamson University (AdU) Soaring Falcons, 71-58, sa umaarangkadang University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa SM Mall of Asia Arena, Oktubre 11.
Hinirang na Player of the Game si power forward Kevin Quiambao matapos magtala ng 17 puntos, 10 rebounds, at anim na assist. Umalalay rin para sa hanay ng Berde at Puting koponan si big man Michael Phillips na kumamada ng 12 puntos, siyam na rebound, at dalawang assist. Sa kabilang banda, pinangunahan naman ni Jhon Calisay ang langkay ng mga palkon dala ang 12 puntos, tatlong rebound, at dalawang assist.
Naging maanghang ang panimulang bungad ng dalawang puwersa sa pagbubukas ng unang yugto. Binasag ni M. Phillips ang nakabibinging katahimikan matapos bumulusok ng isang dunk, 11-8. Gayunpaman, hindi na muling nakaporma pa ang San Marcelino-based squad nang rumatsada ng tira sa labas ng arko si point guard Mark Nonoy sa pagtatapos ng unang kwarter, 18-13.
Dikdikang bakbakan ang ipinamalas ng dalawang koponan pagdako ng ikalawang kwarter matapos magpalitan ng tirada sina M. Phillips at Jed Colonia. Sinubukang umabante ng mga palkon ngunit walang pag-aalinlangang humarurot si point forward Joaquin Manuel sa loob kaakibat ang isang foul, 24-18. Tangan ang hangaring makabawi, kumawala sa hawla si Soaring Falcon Matt Erolon at tumira ng dalawang magkasunod na tres upang idikit ang talaan, 26-25. Samakatuwid, winakasan ni Ced Manzano ang naturang yugto gamit ang umaatikabong reverse layup, 32-33.
Matulin ang naging simula sa unang dalawang minuto ng ikatlong kwarter matapos ipamalas ng magkabilang koponan ang sikip ng depensa. Gayunpaman, ayaw magpadaig ng kawan ng AdU nang magpakawala si Vince Magbuhos ng mainit na tres na sinundan pa ng one-hander ni Joem Sabandal, 35-38. Sa kabila nito, nagpasiklab ang kalalakihan ng Taft matapos pumundar ng nagbabagang 23-0 scoring blitz, 58-38. Ipinaramdam muli nina Sabandal at Joshua Yerro ang presensya sa tres, subalit hindi ito naging sapat upang tapyasin ang lumobong bentahe ng Green Archers sa pagtatapos ng kwarter, 61-44.
Bitbit ang rumaragasang momentum, nagpakawala sina Joshua David at M. Phillips ng kagilas-gilalas na jumper sa pagbubukas ng huling yugto, 63-44. Umalingawngaw pa sa kort si center Bright Nwankwo matapos yanigin ang entablado bunsod ng kaniyang mabagsik na dunk, 69-47. Nabuhay man ang diwa nina Monty Montebon, Eli Ramos, at OJ Ojarikre, tuluyang naghikahos ang Soaring Falcons sa paghahabol ng isinumiteng abante ng DLSU, 71-58.
Bunsod ng panalong ito, napasakamay ng Green Archers ang 3-1 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, susunod na makahaharap ng Taft-based squad ang National University Bulldogs sa darating na Linggo, Oktubre 15, sa ganap na ika-2 ng hapon sa parehong lugar.
Mga Iskor:
DLSU 71 – Quiambao 17, M. Phillips 14, Nelle 12, Policarpio 6, Manuel 6, Nonoy 4, Nwankwo 3, Cortez 3, Escandor 2, David 2, B. Phillips 2
AdU 58 – Calisay 12, Erolon 10, Manzano 8, Sabandal 7, Ojarikre 5, Montebon 3, Yerro 3, Magbuhos 3, Ramos 3, Colonia 3, Hanapi 1
Quarter scores: 18-13, 32-33, 61-44, 71-58.