NAPASAKAMAY ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang unang panalo matapos asintahin ang Adamson University (AdU) Lady Falcons, 63-55, sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 86 Women’s Basketball Tournament sa Adamson Gym, Oktubre 11.
Nagsilbing tanglaw ng Lady Archers si Player of the Game Lee Sario matapos umukit ng season-high 20 puntos kabilang ang apat na tres. Umalalay rin para sa DLSU si team captain Bernice Paraiso na nakapagtudla ng 11 puntos at anim na boards. Sa kabilang dako, kumamada para sa home team ang sharpshooter na si Ann Dampios na nakapagtala ng 16 na puntos. Tumulong din sa opensa ng AdU si UAAP Season 85 Mythical 5 member Victoria Adeshina matapos magsumite ng 12 marka at pitong rebound.
Mabilis nabasag ang depensa ng Lady Archers matapos maglimbag ng limang puntos si Adeshina sa unang minuto ng sagupaan, 0-5. Bunsod nito, nagpatuloy ang pag-abante ng Adamson sa kalagitnaan ng unang kwarter sa pamamagitan ng pagpapairal ng nakasasakal na full court press. Sa kabila ng tangkang paghahabol, napako ang iskor ng Taft-based squad sa walo matapos ang tuloy-tuloy na turnover ng koponan, 8-11. Gayunpaman, biglang nakabuwelo ng 8-0 run ang DLSU sa bisa ng mga free throw at corner three ni shooting guard Sario sa pagtatapos ng unang kwarter, 18-14.
Naipagpatuloy ng Berde at Puting koponan ang kanilang momentum mula sa unang yugto buhat ng back-to-back elbow jumpers ni power forward Betina Binaohan, 22-14. Gayunpaman, naging balakid sa kababaihan ng Taft ang patuloy na paggamit ng 2-3 zone ng Adamson. Buhat nito, nagawang burahin ni Dampios ang kalamangan ng Lady Archers matapos bumomba ng dalawang tres at transition layups upang pangunahan ang 12-0 run ng mga palkon. Sinagot naman ito ng sariling atake ni Paraiso upang maikubli ang kalamangan sa DLSU sa ikalawang yugto, 34-32.
Nanlalamig na binuksan ng dalawang koponan ang ikatlong kwarter bunsod ng palitan ng mga turnover at pagmintis sa mga tres. Ngunit, nagawang basagin ni Sario ang yelo sa kalagitnaan ng yugto at pinamunuan ang 7-0 run ng Lady Archers. Nawalan ng sagot ang Adamson sa mainit na kamay ni Sario matapos makapagsumite ng 12 puntos sa loob lamang ng naturang kwarter. Sa kabila nito, hindi nagawang paluwagin ng Taft-based squad ang mariing kapit ng Lady Falcons buhat ng butas na depensa ng koponan, 48-46.
Bitbit ang pagkasabik, nagawang itabla ng Lady Falcons ang talaan pagdako ng huling yugto, 50-all. Ngunit, naudlot ang paghuni ng mga palkon matapos maglatag ng man-to-man na depensa ang DLSU upang kandaduhan ang ring. Tuluyang nangibabaw ang Lady Archers gamit ang magkasunod na tres ni Luisa San Juan at Sario upang selyuhan ang unang panalo ng koponan sa torneo, 63-55.
Bunsod ng panalo, naiukit ng Taft mainstays ang kanilang pangalan sa winning column tangan ang 1-3 panalo-talo kartada. Samantala, muling magpapakitang-gilas ang mga nakaberde kontra sa defending champions na National University Lady Bulldogs sa darating na Linggo, Oktubre 15, sa ganap na ika-11 ng umaga sa SM Mall of Asia Arena.
Mga Iskor:
DLSU 63 – Sario 20, Paraiso 11, Binaohan 10, Mendoza 6, San Juan 5, Delos Reyes 4, Dela Paz 3, Dalisay 2, Villava-Cua 2, Bojang 0.
AdU 55 – Dampios 16, Adeshina 12, Limbago 9, Padilla 7, Alaba 7, Etang 4, Apag 0, Agojo 0, Bajo 0, Meniano 0, Tano 0, Cortez 0.
Quarter scores: 18-14, 34-32, 48-46, 63-55.