DUMAPA ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa mabalasik na University of Santo Tomas (UST) Growling Tigresses, 57-91, sa kanilang unang sagupaan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Women’s Basketball Tournament sa UST Quadricentennial Pavilion, Oktubre 8.
Bagamat nakamit ang pagkatalo, pumundar si Lady Archer Luisa San Juan ng 14 na puntos, apat na rebound, isang block, at isang assist. Umagapay rin sina Betina Binaohan at Lee Sario matapos makapag-ambag ng pinagsamang 16 na marka. Bumida naman para sa España-based squad si Player of the Game Ana Tacatac matapos magsumite ng 25 puntos, tatlong rebound, at tatlong assist. Nagpakitang-gilas din si Brigette Santos para sa Growling Tigresses matapos kumamada ng 14 na puntos, anim na steal, anim na assist, at isang block.
Maagang gumawa ng ingay ang Growling Tigresses matapos pumoste ng magkasunod na tres upang iangat sa anim ang kalamangan sa pagbubukas ng sagupaan, 2-8. Binasag naman ni Lady Archer San Juan ang katahimikan matapos sumagot ng umaatikabong tira mula sa labas ng arko, 7-24. Gayunpaman, naging bentahe ng España mainstays ang fastbreak shot ni Rachelle Ambos upang palobohin ang abante sa 20 marka, 7-27. Bunsod nito, tuluyang nagreyna ang mga tigre sa pagtatapos ng unang kwarter gamit ang matagumpay na free throw ni Agatha Bron, 12-35.
Sinubukang paamuhin ng Lady Archers ang kampo ng España sa bisa ng kanilang 5-0 run pagdako ng ikalawang kwarter, 17-37. Subalit, hindi nagpatinag ang kampo ng Golden Tigresses matapos magbitiw ng rumaragasang tres si Tacatac, 29-49. Bagamat sumibol ang pag-asang makahabol, lumantad pa rin ang paghihikahos ng Taft-based squad sa pagtatapos ng first half, 36-54.
Mabagal ang naging daloy ng ikatlong kwarter para sa parehong koponan hanggang sa pagpatak ng ikaapat na minuto. Nahirapang pigilan ng Berde at Puting koponan ang lumalagablab na opensa ng UST. Bunsod nito, bigong maungusan ng kababaihan ng Taft ang isinumiteng angat ng mga tigre, 46-70.
Hirap pa ring makabuwelo ang Taft mainstays pagdako ng huling kwarter matapos magpaulan ng tres si Growling Tigress Angelika Soriano, 48-78. Sa kabila nito, pilit namang pinanipis ni Lady Archer Patricia Mendoza ang namamagang kalamangan ng UST nang pumukol ng magkakasunod na layup, 55-83. Gayunpaman, agad nang sinelyuhan ng Growling Tigresses ang bakbakan sa pamamagitan ng isang easy layup mula kay Santos, 57-91.
Lumuhod ang Lady Archers sa mabangis na depensa ng Growling Tigresses matapos magtala ng 30 team turnovers. Bunsod nito, nakapagpundar ng kabuuang 32 puntos ang España-based squad upang tuluyang angkinin ang panalo sa mga nakaberde.
Tangan ang 0-3 panalo-talo baraha, nananatiling mailap ang tagumpay sa hanay ng Lady Archers sa naturang torneo. Samantala, susunod na makahaharap ng DLSU ang Adamson University Lady Falcons sa darating na Miyerkules, Oktubre 11, sa ganap na ika-11 ng umaga sa Adamson Gym.
Mga Iskor:
DLSU – San Juan 14, Binaohan 8, Sario 8, Paraiso 7, Mendoza 6, Dela Paz 4, Dalisay 4, Bojang 4, Delos Reyes 2.
UST – Tacatac 25, Santos 14, Ferrer 11, Soriano 11, Dionisio 10, Maglupay 6, Ambos 5, Bron 4, Pastrana 2, Ly 2, Villasin 1.
Quarter scores: 12-35, 36-54, 46-70, 57-91.