BUMUHOS ang mga luha kasabay ng pagpatak ng ulan nang matuldukan ang kampanya ng De La Salle University (DLSU) Lady Booters sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Women’s Football Tournament. Napatumba ang bandera ng Taft matapos makalusot ang rumaragasang bola ng katunggali, isang minuto bago ang huling pito ng sagupaan. Sa kabila nito, naging makabuluhan pa rin ang karera ng Lady Booters matapos hirangin bilang first runner-up ng naturang torneo.
Lumapag man sa ikalawang puwesto, naniniwala ang koponan na muli silang makatutungtong sa tuktok ng torneo. Kaugnay nito, ibinahagi nina head coach Hans-Peter Smit, captain Bea Delos Reyes, at Season 85 best striker Angelica Teves sa Ang Pahayagang Plaridel, ang kanilang mga saloobin sa nagdaang torneo.
Mga yapak ng kahapon
Lakas, tikas, at talino—ito ang mga nagsilbing armas ng Lady Booters sa gitna ng masidhing pag-eensayo para sa UAAP Season 85. Ganap na tiwala at umaapaw na dedikasyon ang ipinamalas ng koponan upang mas mapag-alab ang kanilang mithiing mapanatili ang korona sa Taft. “Katulad lang ng ibang universities, nag-hard training kami and pinaghandaan talaga namin. Then, nag-compare kami sa games namin noon sa ibang tournaments and ‘yung weaknesses namin, nag-work hard kami na maging better sa aspects na ‘yon,” pagbabahagi ni Teves.
Naging hamon para sa koponan ang maikling paghahanda nitong Season 85 kompara sa mga nakaraang season. Gayundin, hindi nakalahok ang Lady Booters sa mga preseason cup bunsod ng kakulangan sa oras at preparasyon. Sa kabila nito, nagkaroon ng pagkakataong makapag-ensayo ang koponan sa isang football camp sa Bacolod. Ayon kay Delos Reyes, nagbukas ito ng pinto na makaharap ang iba’t ibang koponan mula sa naturang probinsya upang mas mapayabong ang kanilang pagkakaisa at paigtingin pa ang kanilang galaw bilang isang koponan.
Maliban sa mga pagsubok dulot ng pandemya, naging masalimuot din ang paghahanda ng koponan sa kanilang pagbabalik sa torneo. Isiniwalat ni Coach Smit na kinailangang magpalit ng posisyon ang ibang manlalaro buhat ng kaliwa’t kanang injury. “We had 3 players that got ACLs and 2 were our defensive starters. So we needed to jumble my lineup and had to make players play in other positions rather than their real playing positions,” pagbabahagi niya.
Pagkahulog sa tugatog
Dugo at pawis ang inialay ng Lady Booters sa kanilang naging kampanya upang masungkit ang pilak na medalya sa nagtapos na UAAP. Bagamat nabigong maiuwi ang inaasam na 4-peat, saludo pa rin si Smit sa ipinamalas ng bawat miyembro ng koponan. Wika niya, “After all the negativity that we experienced, to reach the Finals is no mean feat! 1st Runner-up is better than 2nd runner-up.”
Ibinahagi naman ni Teves na ang kanilang mapait na pagkatalo sa unang dalawang sagupaan kontra sa University of Santo Tomas Lady Booters at University of the Philippines Women’s Football Team ang nagsilbing mitsa upang mas mabuhay ang dilaab ng kanilang koponan. “Mas lumakas ‘yung will namin to prove them wrong, na we are once a champion at dapat namin panindigan ‘yun. Dahil sa mga losses na ‘yun, nag-strive and work harder kami na mag-improve ‘yung games namin sa mga sumunod,” aniya.
Nagkaroon naman ng tanglaw ang Lady Booters matapos hirangin si Teves bilang Best Striker ng torneo. Sa pahayag ng atleta, hindi niya inaasahan ang natanggap na parangal sapagkat nakatuon lamang ang kanilang koponan sa hangaring maipanalo ang bawat sagupaan. Gayundin, binigyang-diin ni Teves na ang pagkabigo ng koponan nitong Season 85 ang magsisilbing motibasyon upang maibalik ang korona sa Pamantasan.
Muling pag-alab ng mga reyna
Dumaplis man sa mga palad ng Lady Booters ang ikaapat na sunod na kampeonato, hindi naman pinanghinaan ng loob ang koponan. Patuloy ang paghahasa ng mga pana ng Taft-based squad sa pagsalang sa iba’t ibang torneo sa bansa.
Kasalukuyan namang pinaghahandaan ng mga kababaihan ng Taft ang mga sagupaan sa Philippine Football Federation Women’s League matapos umabante sa semifinals ng naturang liga. Malaking oportunidad ito para sa koponan upang mas pagtibayin pa ang kanilang team chemistry para sa Season 86. Kalong-kalong pa rin ng pangkat ang sigaw nitong “Start Strong, Finish Stronger!” para sa panibagong season, pagdidiiin ni Smit.
Tangan ang mga aral mula sa nagdaang Season 85, nangingibabaw ang pagkauhaw ng koponan upang muling masungkit ang titulo. Kalakip nito, taos-puso ang pasasalamat ni Delos Reyes sa pamayanang Lasalyano at sa walang sawang pagsuporta ng kanilang mga tagahanga. “Thank you for your unending support to the team. . . we will be preparing for the next season and we will do our best to make the DLSU community proud,” pagwawakas ni Delos Reyes.
Hindi man nadepensahan ang trono, pinatunayan ng Lady Booters na matalim pa rin ang mga pana nito sa kanilang muling pagtapak sa UAAP. Naging malamig man ang gabi para sa koponan, nananatiling maalab ang apoy sa puso ng mga kababaihan ng Taft sa hangaring makabalik sa rurok ng torneo.
Sa darating na Season 86, taas-noong susuungin ng Lady Booters ang lahat ng balakid na haharang sa pagkamit ng ginto. Bitbit ang bandila ng DLSU, nananatiling maalab ang hangarin ng koponang maiukit muli ang kanilang mga bota sa entablado ng UAAP.