PANIBAGONG YUGTO sa kasaysayan ang nakamit ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers nang masungkit ang ika-12 kampeonato sa nagtapos na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85. Bunsod nito, abot-langit na lamang ang kagalakan ng koponan, kasabay ang hangaring depensahan ang kanilang titulo.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel, ibinahagi nina rookie ace Angel Canino at Shevana Laput ang kanilang danas tungo sa kampeonato at ang naging papel ni DLSU Lady Spikers Head Coach Ramil de Jesus sa kanilang matagumpay na karera.
Paglililok ng kasaysayan
Tila naging malubak ang tinahak na landas ng Lady Spikers nitong Season 85 upang makamtan ang tugatog dahil sa mga dagok na kanilang naranasan. Kabilang na rito ang kanilang pagkabigo kontra sa University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses nang malasap ang pait ng unang pagkatalo at madungisan ang kanilang 9-0 winning streak. “‘Yung talo namin na ‘yun parang naging motivation namin para to do our best and para makita rin namin kung saan kami nagkamali and saan pa kami pwede mag-improve,” pagbabahagi ni UAAP Season 85 rookie MVP Angel Canino.
Bago pa man magsimula ang Season 85, bitbit ng buong koponan ang kanilang determinasyon at pagsisikap upang mapaghandaan ang torneo. Matatandaang bago pa man umarangkada ang Season 85, sumailalim na sa iba’t ibang paghahanda ang Lady Spikers. Kabilang na lamang dito ang kanilang pagsasanay sa Baguio at pagsabak sa preseason tournament gaya ng 2022 Shakey’s Super League. Matatandaang dito kinilala ang koponan bilang 1st runner-up ng torneo.
Hindi isinawalang-bahala ng Taft-based squad ang kanilang mga pinagdaanan. Magmula sa pagkatalo sa UST at pagbangon mula sa pagkalugmok ng dalawang set sa ikalawang bakbakan sa finals, makasaysayang naibalik ng Lady Spikers ang kampeonato sa Taft. “It’s just really that we’ve worked so hard to get to this point and we’re not gonna let it slip away just like that. Yeah sure we’re two sets down but we still have that fighting spirit and we just need that one extra effort and then it showed,” saad ni Laput.
Paghulma sa dekalidad na atleta
Bitbit ang angking kagalingan sa larangan ng volleyball, hindi maipagkakailang naging matunog ang apelyidong Canino at Laput. Baguhan man sa entablado ng pangkolehiyong torneo, natamo ng dalawang super rookie ang inaasam na tagumpay sa UAAP Season 85.
Sa kabila ng determinasyong ipinakita ng Lady Spikers, umiral din ang masidhing estratehiya at ang papel na ginampanan ni Coach Ramil de Jesus upang maisakatuparan ang kanilang misyong ibalik ang tropeo sa Taft. Kilala si Coach Ramil sa paghubog ng mga dekalibreng manlalaro kaya naman isang malaking karangalan para sa dalawang rookie ang mapabilang sa ilalim nang pagsasanay ng naturang coach. “‘Yung isa sa mga pangarap ko ‘yung tinuruan niya ako. . . Finally, nagawa na ‘yon. Malaking impact si coach sa buhay ko, sa kung anong ginawa sa buhay ko,” madamdaming paglalahad ni Canino.
Sa kabila ng pagliban ni Coach Ramil sa unang yugto ng Season 85, nagawa pa ring ipakita ng Lady Spikers ang kanilang kahusayan upang manguna sa torneo sa tulong ni Coach Noel Orcullo. Para sa dalawang rookie, iba pa rin ang presensiya ng isang Ramil De Jesus sa loob ng parihabang entablado. “Having him comeback, it definitely brought back or made us work even harder, gave us the more motivation to show to everyone like this is who we are,” ani Laput sa pagbabalik ni Coach Ramil.
Paglakbay sa panibagong hangarin
Panibagong pagsubok naman ang kahaharapin ng Lady Spikers sa paglisan nina kapitana Mars Alba, outside spiker Jolina Dela Cruz, at middle blocker Fifi Sharma. Nalagasan man ang kanilang hanay, buo ang paniniwala ni Laput na maipagpapatuloy ng kaniyang koponan ang kanilang nasimulan. “This is not gonna be the only championship. We still have the same system, just different players. But, it doesn’t mean that the determination and motivation is different. Honestly, expect the same, or even better,” pagbabahagi ni Laput.
Isiniwalat naman ni Canino ang kanilang mga pangunahing layunin para sa darating na panibagong season. Nanindigan siyang makaaasa ang kanilang mga tagahanga na mas pagtitibayin pa nila ang kanilang kakayahan upang mapanatili ang korona sa Taft.
Patunay lamang na naging bunga ng hindi matatawarang pagsisikap ang naipamalas na lakas at husay ng Lady Spikers sa nagdaang torneo. Lumisan man ang iilan sa mga nagpasiklab na manlalaro sa koponan, asahang magpapatuloy ang bangis ng koponang Berde at Puti sa kanilang kampanya tungo sa panibagong kabanata ng UAAP.