PINABAGSAK ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 91-71, sa kanilang unang tapatan sa University Athletic Association of the Philippines Season 86 Men’s Basketball Tournament sa Smart Araneta Coliseum, Oktubre 7.
Pinangunahan ni Joshua David ang kampanya ng Green Archers matapos maglatag ng 14 na puntos, isang assist, isang steal, at isang rebound. Umagapay rin si small forward Kevin Quiambao na pumoste ng 14 na puntos, apat na rebound, at isang assist. Sa kabilang banda, nanguna si Nic Cabañero para sa España-based squad matapos magsumite ng 25 puntos, limang rebound, at dalawang assist. Tumulong din sina Growling Tiger Migs Pangilinan at Christian Manaytay na nakapagtala ng kabuuang 15 puntos.
Dikdikang sagupaan ang ibinungad ng dalawang koponan matapos magpalitan ng mga nagbabagang tira, 7-all. Subalit, nagpakawala ng layup si Green Archer Jonnel Policarpio na sinundan ng nagbabagang tres ni DLSU point guard Evan Nelle upang palobohin ang kalamangan ng Berde at Puting koponan, 16-9. Bunsod nito, tinuldukan ni Quiambao ang unang kwarter mula sa loob ng paint, 22-11.
Sa pagdako ng ikalawang kwarter, nag-init ang Taft-based squad matapos magpaulan ng anim na tres upang mas paigtingin ang kanilang abante, 47-27. Sa kabilang dako, hindi nagpatinag si Growling Tiger Pangilinan matapos magrehistro ng layup, 47-34. Umarangkada rin para sa kalalakihan ng España si Cabañero, ngunit hindi ito naging sapat upang tapyasin ang kalamangan ng mga nakaberde, 47-36.
Nanatiling lumiliyab ang determinasyon ng Taft mainstays sa pagpasok ng ikatlong kwarter. Ipinaloob ng kalalakihan ng Taft sa hawla ang mga tigre matapos pagtibayin ang kanilang depensa sa pangunguna nina Bright Nwankwo at Quiambao. Bunsod nito, lalong nailayo ng Green Archers ang kanilang kalamangan, 66-40. Sinubukan pang igapang nina Growling Tiger Kenji Duremdes at Manaytay ang talaan nang mailusot ang magkasunod na layup bago tuluyang natupok ang sampung minuto ng naturang yugto, 73-50.
Umaatikabong binuksan ng Growling Tigers ang ikaapat na kwarter, ngunit hindi rin ito nagtagal matapos umalagwa ng puntos sina kapitan Ben Phillips at Nwankwo, 77-54. Pinilit pang bawasan ni UST top scorer Cabañero ang agwat ng Green Archers subalit nagpatuloy sina David at Earl Abadam sa pagpukol ng marka, 91-66. Hindi na nagpaubaya pa ang kampo ng Taft matapos iwan ang mga tigreng naghihingalo sa pagtatapos ng sagupaan, 91-71.
Bunsod ng panalong ito, sinelyuhan ng Green Archers ang 2-1 panalo-talo kartada sa naturang torneo. Samantala, sunod namang makatutunggali ng Berde at Puting pangkat ang puwersa ng Adamson University Soaring Falcons ngayong darating na Miyerkules, Oktubre 11, sa ganap na ika-5 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena.
Mga iskor:
DLSU 91 – David 14, Quiambao 14, Manuel 11, Nelle 9, Policarpio 9, Nwankwo 8, M. Phillips 5, Austria 5, Escandor 5, Abadam 5, B. Phillips 4, Cortez 2, Macalalag 0, Gollena 0, I. Phillips 0.
UST 71 – Cabanero 25, Pangilinan 8, Manaytay 7, Laure 6, Duremdes 6, Manalang 5, Crisostomo 4, Calum 3, Gasalem 3, Ventulan 2, Llemit 2, Moore 0, Magdangal 0, Lizarte 0, Faye 0.
Quarter scores: 22-11, 47–36, 73-50, 91-71