TAPANG AT TIKAS ang ipinamalas ni De La Salle University (DLSU) Lady Trackster Bernalyn Bejoy matapos magningning sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 85 Athletics Championships at 32nd Southeast Asian (SEA) Games.
Buhat ng kaniyang matinding pagsusumikap, matagumpay na naiuwi ni Bejoy ang apat na gintong medalya sa UAAP Season 85. Hindi rin nagpatinag ang Lady Trackster matapos sumabak sa 32nd SEA Games at nakamit ang pilak na medalya sa women’s 4×400 relay athletics. Gayundin, makasaysayang binasag ni Bejoy ang kaniyang personal best na 2.12 segundo matapos magtala ng 2.09 na segundo sa 32nd SEA Games 800-meter run.
Pagtalon sa bawat balakid
Masiglang ibinahagi ni Bejoy sa Ang Pahayagang Plaridel ang kaniyang galak nang makamtan ang samu’t saring parangal mula sa UAAP at SEA Games. Para kay Bejoy, matinding dedikasyon, pagsisikap, at suporta ng kaniyang koponan at pamilya ang naging susi sa pag-abot ng bawat tagumpay.
Bagamat lumapag sa ikaapat na puwesto nitong SEA Games, nag-uumapaw ang galak ng atletang Lasalyano nang makamtan ang kaniyang personal best matapos magpakitang-gilas sa entablado. Aniya, “This 32nd Sea Games in Cambodia was really the best for me ‘cause even though I got 4th place in my indiv[idual] event which is 800m, I am really grateful for my performance ‘cause I beat my personal best, from 2.12 to 2.09 time.”
Matapos ang makasaysayang pagtala ng kaniyang personal na rekord, sinundan pa ito ng pagbuwag nina Bejoy, Jessel Lumapas, Maureen Shrijvers, at Robyn Brown sa rekord nina Elma Muros at Lydia De Vega sa 4×400-meter relay.
Bago makamit ang naturang mga tagumpay, dumaan sa matinding pagsubok si Bejoy nang magtamo ng injury. Gayunpaman, hindi pinanghihinaan ng loob ang atleta sa tulong ng presensiya ng kaniyang pamilya. “They’re the reason why I kept pursuing my goals in life not only in tracks but also in my future career. Kasi alam ko na hindi forever na magiging athlete ako,” pagsariwa ni Bejoy sa kaniyang karanasan.
Tibay ng samahan
Mahalaga ang naging gampanin ng kaniyang mga kasama sa koponan at tagapayo ni Bejoy buhat ng kanilang walang sawang tiwala sa kaniyang kakayahan bilang isang atleta. Gayundin, malaking bagay para sa Lady Trackster ang ibinubuhos na suporta ng kaniyang mga mahal sa buhay sapagkat ito ang nagpapatibay ng kaniyang loob sa bawat hamon. “‘Yung tumatak talaga sakin ay ‘yung sacrifices ko for my fam, malayo ako sa kanila since they’re staying in the province of Bacolod City, iba talaga ‘yung personally nakikita mo sila kaysa sa social media,” sambit ni Bejoy.
Hindi naman nag-iisa si Bejoy sa kaniyang pagtindig sa bawat hamong dumarating sa kaniyang karera. Binigyang-diin din ng atletang Lasalyano na hindi madali ang kaniyang tinahak na landas buhat ng samu’t saring hamon ngunit naging sandigan niya ang Diyos na pinaglalaanan niya ng bawat tagumpay.
Sinag ng pag-asa
Nagtapos man bilang 1st runner-up nitong Season 85, pahapyaw na ibinahagi ni Bejoy na babalik ang DLSU Lady Tracksters upang sungkitin ang gintong tropeo sa darating na UAAP Season 86. Naibahagi ni Bejoy na magiging tahasan ang kanilang pagsasanay upang matupad ang kanilang hangarin maibulsa ang gintong medalya.
Malaki rin ang naging pasasalamat ni Bejoy para sa pamayanang Lasalyano bunsod ng kanilang suportang ibinuhos sa koponan. “Thank you so much, DLSU community for supporting us. Hoping that next season, your presence will be with us at every competition because we believe that without your support we can’t do this,” taos-pusong pasasalamat ni Bejoy.
Pinasasalamatan din ng Lady Trackster ang mga Pilipino na tumitingala sa kaniya at naghahangad na maging isang dekalibreng manlalaro. Iginii ni Bejoy na mahalaga ang pagkakaroon ng kagandahang-loob at disiplina sa sarili upang maabot ang bawat tagumpay sa buhay.
Totoong dumarating ang mga hamon sa buhay na susubok sa katatagan at kalakasan ng isang atleta. Pinatunayan ni Bejoy na sa pamamagitan ng dedikasyon, pagsusumikap, at pananampalataya sa Diyos, abot-kamay ninoman ang tagumpay.